Koresponsal Ang mga peste sa sibuyasan

,
Ang artikulong ito ay may salin sa EnglishBisaya

Nag-umpisa na ang anihan ng sibuyas sa Bongabon, Nueva Ecija. Nagsisimula na din na maminsala ang harabas (armyworms). Gabi-gabi ay nag-iisprey ng pestisidyo ang mga magsasaka para labanan ang pag-atake ng salot na uod. Mahigit ₱100,000 ang nagagastos ng magsasaka sa bawat isang ektaryang sibuyasan para puksain ang harabas. Wala silang mapagpipilian kaysa matunaw ang sibuyas nila sa isang gabi lamang na pag-atake ng balasubas na harabas.

Pero may mas matindi pa sa harabas. Nag-aapura ang mga magsasaka na makaani bago Marso, dahil sigurado silang babaratin na naman sila sa bilihan ng sibuyas. Ngayon pa lamang ay bumaba na ang presyo ng sibuyas sa pamilihan dahil sa pagdagsa ng imported na sibuyas. Halos 6,000 metriko toneladang imported na sibuyas ang dumating noong katapusan ng Enero. Ang presyo ngayon sa farmgate ng pulang sibuyas ay ₱180-₱200 kada kilo at ang puting sibuyas naman ay ₱100-120 na lamang. Ang sabi ng Department of Agriculture na inaasahan nitong bababa ang presyo ng sibuyas sa ₱50 per kilo. Paano na si Pedrong magsasaka?

Sa pagharabas at pagdagsa ng imported na sibuyas, paspas naman ang pagkamkam ng tubo ng mga komersyante-usurero sa kabukiran. Laganap ang relasyong “pasama” o samak. Sagot ng komersyante ang lahat ng panggastos sa produksyon na iaawas sa kabuuang benta. Ang matitira ay paghahatian nito at ng magsasaka. Ang masaklap, ang komersyante din ang nagpepresyo sa sibuyas at sa lahat ng kagamitan sa produksyon na ginamit. Nakokopo niya ang malaking bahagi ng ani habang pasama nang pasama naman ang kalagayan ng magsasaka.

Ang mga peste sa sibuyasan