Makatarungan ang mag-armas para sa kalayaan
Kasabay sa pagdiriwang noong Pebrero 8 sa kaawaran ni Kasamang Jose Maria Sison, inilunsad ng mga progresibo ang isang porum kung saan isa sa mga tinalakay ang ligal na katayuan ng Partido Komunista ng Pilipinas (PKP), Bagong Hukbong Bayan (BHB) at National Democratic Front of the Philippines (NDFP) sa internasyunal at lokal na mga batas at kasunduan. Sa porum, inilahad ni Atty. Edre Olalia ng National Union of People’s Lawyers ang upinyong ligal bakit hindi dapat ituring na terorista ang mga pwersa sa kilusan para sa pambansang pagpapalaya sa Pilipinas.
Dagdag dito, iginiit ng mga grupo na malaking sagka sa pagsusulong ng kapayapaan ang arbitraryo at walang-batayang “teroristang” pagbabansag ng reaksyunaryong estado ng Pilipinas sa PKP, BHB at NDFP at na dapat na itong tanggalin. Panawagan din nila ang pag-atras ng designasyon sa 19 na kunwa’y mga myembro ng Komite Sentral ng PKP, kabilang ang konsultant na si Luis Jalandoni, mga organisasyon sa ilalim ng NDFP, at anim pang sibilyan. Ipinatatanggal din ng mga grupo sa listahan si Dr. Natividad Castro, na idineklarang terorista noong Disyembre 7, 2022.
Kilusan sa pambansang pagpapalaya
Hindi na bago ang taktikang pagbabansag na “terorista” ng mga katunggaling estado sa mga kilusang mapagpalaya sa buong mundo, ayon kay Atty. Olalia. Matapos ang atakeng 9-11 sa US, kinasangkapan ng mga estado ang mga batas para iwasiwas ang “kontra-terorismo,” bansagang “terorista” ang mga kilusang mapagpalaya at isantabi ang kanilang lehitimong pakikibaka.
Taliwas dito, nilalaman ng maraming internasyunal na kasunduan at deklarasyon ang karapatan ng mamamayan sa pagsusulong ng kilusan sa pambansang pagpapalaya, kabilang ang paggamit ng armas. Isa dito ang Universal Declaration of the Rights of Peoples o kilala din bilang Algiers Charter na pinagkaisahan noong Hulyo 4, 1976 sa Algeria. Ginamit ang dokumentong ito bilang pundamental na salalayan ng Permanent Peoples’ Tribunal, na dumidinig sa mga kaso ng krimen at paglabag sa karapatang-tao ng mga estado.
Nakasaad sa Algiers Charter ang karapatan ng mga mamamayan na malayang igiit ang kanilang pampulitikang katayuan laban sa dayuhang panghihimasok. Ayon pa dito, mayroong karapatan ang mamamayan na bumalikwas mula sa kahit anong kolonyal o dayuhang dominasyon na direkta o hindi direktang kumukubabaw dito.
Sa Pilipinas, pinamumunuan ng PKP ang laban sa dayuhang imperyalistang dominasyon, lokal na pyudalismo at burukratang kapitalismo. Itinatag nito ang BHB para isulong ang armadong pakikibaka para palayain ang bayan mula sa tatlong suliraning ito. Pinakalayunin nito ang makamit ang hangarin ng sambayanan para sa tunay na kalayaan at demokrasya.
Kinilala mismo ng reaksyunaryong korte ng Pilipinas ang katotohanang lehitimo ang kilusang mapagpalaya sa Pilipinas. Ibinasura ng Manila Regional Trial Court noong Setyembre 21, 2022 ang “teroristang proskripsyon” sa PKP at BHB na isinampa ng Gubyerno ng Republika ng Pilipinas (GRP). Sa 135-pahinang desisyon, sinabi nito na ang PKP at BHB ay dapat ituring na mga rebelde, o masasabing mga rebeldeng may layunin—ang pambansa demokratikong mithiin. Ayon kay Judge Marlo Magdoza-Malagar, ang husgadong naglabas ng naturang desisyon, ang programa ng PKP ay “makatwirang aspirasyon ng kahit anong sibilisadong lipunan.”
Pagtalima sa internasyunal na makataong batas
Higit na pinagtitibay ng pagkilala at pagtalima ng PKP at BHB sa internasyunal na makataong batas (IHL) ang pagiging lehitimo ng armadong paglaban nito. Bilang prinsipyo, itinutuon ng armadong pwersa nito ang mga atake, hindi sa mga sibilyan, kundi laban sa lehitimong mga target militar ng estadong kinakatawan ng GRP. Laman ito ng Comprehensive Aereement on Respect for Human Rights and International Humanitarian Law o CARHRIHL na pinirmahan pareho ng NDFP at GRP noong 1998. Lubhang malayo sa oryentasyon ng kilusang mapagpalaya ang katangian ng mga terorista na layuning maghasik ng takot, lagim at atakehin ang mga sibilyan.
Kung mayroong mga pagkakamali o pagbali sa mga prinsipyo at istandard na ito sa paglulunsad ng digma, handa ang PKP at BHB na mag-imbestiga, aminin at akuin ang responsibilidad, at makipag-ayos at magpataw ng internal na mga sangsyon sa mga imbweltong indibidwal o yunit, liban pa sa pananagutan nito sa IHL at CARHRIHL. Dagdag dito, mahigpit na ipinatutupad ng BHB ang bakal na disiplina sa hanay ng mga kumander at mandirigma. Tumatalima ang bawat mandirigma sa itinakdang “Tatlong Pangunahing Alituntunin sa Disiplina at Walong Puntong Dapat Tandaan” ng hukbong bayan.