Koresponsal 75 bats ng kabataan, nakapagtapos ng BKP
Higit isandaang taon mula noong isulat ni Lenin ang mga katagang “Kung walang rebolusyonaryong teorya, walang rebolusyonaryong praktika,” patuloy na pursigidong inaaral at inilalapat ng mga kabataang kadre’t kasapi ng Partido ang Marxismo-Leninismo-Maoismo. Mahigpit nilang tinatanganan ang rebolusyonaryong teorya bilang sandata, laluna sa harap ng pinakamapanghamong panahon.
Sa kasaysayan ng kilusang kabataan, hindi napigilan ng delubyo ng modernong rebisyunismo, pagsalakay ng pasistang diktadura, at neoliberal na paninibasib ang kabataang kadre sa pagtangan ng rebolusyonaryong teorya at paghasa nito sa rebolusyonaryong praktika. Kaya naman kahit ang pandemya at ang militaristang lockdown ay hindi naging sagka sa tungkulin ng mga kabataang kadre na mag-aral.
Patunay dito ang higit 75 na beses na paglulunsad ng Batayang Kurso ng Partido (BKP) sa hanay ng kabataan sa Metro Manila sa kasagsagan ng pandemya. Ilandaang kabataan ang nakapagtapos ng pag-aaral at napukaw sa saligang mga prinsipyo at paninindigan ng Partido. Bahagi sila ng susunod na salinlahi ng mga kadre na mamumuno sa Partido sa hinaharap.
Isa sa mga pag-aaral ay inilunsad upang patapusin ng BKP ang mga Partidistang mula sa uring petiburges na namulat at nagsimulang kumilos sa kasagsagan ng lockdown. Kalakhan ay mga estudyante, may ilang tumigil sa pag-aaral dahil sa kahirapan sa blended learning, habang ang ilan ay nagtatrabaho na.
Ani Ka Allie, ang pangalawang kalihim sa edukasyon ng yunit ng Partido na naglunsad ng BKP, layunin ng pag-aaral na “pagtibayin sa ideolohiya ang mga kasapi ng Partido, pagsasanay ng mga bagong kadre, at pagpupuspos ng konsolidasyon ng mga kasama.” Bago ilunsad ang BKP, ipinatupad na ng yunit ni Ka Allie ang tuluy-tuloy na pag-aaral ng kanyang kolektiba. Nilaman ng mga pag-aaral ang mga saligang prinsipyo ng Partido, ang disiplina’t panuntunan ng Bagong Hukbong Bayan, at mga aspeto ng demokratikong rebolusyong bayan.
Bago magsimula ang pag-aaral, ibinahagi ni Ka Budang, isa sa mga estudyante, na hindi niya alam kung ano ang aasahan sa BKP. Kinabahan naman si Ka Clem, isa pang mag-aaral, dahil nag-aalala siyang baka hindi niya magagagap ang nilalaman ng mahabang pag-aaral. Ibinahagi naman ni Ka Dex ang pagnanais niyang matutunan ang kasaysayan ng Partido, hukbong bayan, at ng nagkakaisang prente, at mapalalim ang pag-unawa sa imperyalismo.
Iba-iba man ang mga pinagmulan at inaasahan ng mga estudyante, nang gumulong na ang BKP ay naging buhay na buhay ang pag-aaral at pakikipag-aralan ng mga estudyante’t instruktor sa isa’t isa. Sumidhi ang kanilang uhaw sa pagkatuto at ang kagustuhang higit na paghusayin ang kanilang pag-aambag sa rebolusyon. Ibinahagi pa nga ni Ka Budang kung paano sila napatindig at napahiyaw sa ahitasyon nang matutunan at kwentahin nila ang tantos ng pagsasamantala.
Para kay Ka Allie, susi sa tagumpay ng paglulunsad ng BKP ang tuluy-tuloy na pag-aaraal ng mga kasapi ng Partido. “Napakahalaga nito sa pagbibigay-linaw mga gawain ng bawat isa, sa mas pagiging mapagkasama, at sa pagbabalik-tanaw sa kahalagahan ng rebolusyon,” aniya.
Binabalik-balikan ng mga estudyante ang mga leksyon ng BKP sa mga araw at linggo pagkatapos ng pag-aaral. Bitbit nila ang natutunan nilang mga aral. Naging gabay nila ang mga ito sa paglubog sa batayang masa, sa kanilang pagmumulat, dagdag na mga pag-aaral, at pagbaka at pagwawasto sa burges at petiburges na mga kahinaan.
Nabatid ni Ka Budang na hindi kailanman wasto at sasapat na isalba ng petiburges ang kanyang sarili sa karahasan ng malakolonyal at malapyudal na lipunan. Kaya sa dulo ng BKP, itinanong niya sa kanyang sarili: “Anong kawastuan na asamin ang materyal na kayamanan kung patuloy tayong mamumuhay sa mapagsamantalang lipunan na salat sa hustisya? Anong kawastuan ng kaginhawaan kung ang pakahulugan nito ay pagbubulag-bulagan sa korapsyon, kahirapan, at pagsasamantala?”
Sa pagtatapos ng BKP, nabuo ang kapasyahan ng mga mag-aaral na magpursige sa paglaban. “Sobrang nakatulong ang BKP sa akin. Sa totoo nga n’yan, isa ito sa dahilan kung bakit ako nagdesisyong buong panahong kumilos para sa rebolusyon,” ayon kay Ka Budang.