Kahirapang hindi maitago ng nakangiting maskara

,
Ang artikulong ito ay may salin sa EnglishBisaya

Mula ₱300 kada buwan, mahigit ₱600 ang binayarang kuryente ni Bechay, isang maybahay sa District 1 sa Negros Occidental, noong Enero. Doble rin ang itinaas ng presyo sa binibili niyang sibuyas, repolyo, tuyo at asukal kumpara sa nakaraang taon. Tumaas din ang binibili niyang 320-gramong pakete ng Bearbrand mula sa ₱106 tungong ₱130.

Taliwas ito sa ipinagmalaki ng Department of Trade and Industry na anim na buwang “hindi gumalaw” ang presyo ng pinrosesong pagkain. Taliwas din ito sa sinabi ng ahensya na noong Pebrero 8 lamang nagsimulang tumaas ang presyo ng 70 batayang produkto at sa halagang ₱0.45 hangang ₱7.00 lamang.

Pagtaas din sa singil sa kuryente at tubig, at presyo ng pagkain ang daing ng mga taga-Bacolod City na sina RJ, isang manggagawa sa konstruksyon, Daki, isang mananaliksik, at Karmelita, isang maglalako sa lansangan. “Malaki talaga ang itinaas ng kuryente at tubig,” ayon pa kay Karmelita. “Ang hirap i-badyet ang bigas, ulam, at pamasahe kada araw. ”

Noong Enero, pumalo sa 12.1% ang implasyon sa Bacolod City, habang 10.3% ang itinala ng kinapapalooban nitong rehiyon (Region VI). Pangalawang buwan na itong nagtala ang rehiyon ng pinakamataas na tantos sa buong bansa. Pinakamabilis ang pagsirit ng bayarin sa pabahay, kuryente, tubig, panggatong at iba pa (15.1%), kasunod ang transportasyon (14%). Nananatili ring mataas ang implasyon sa pagkain (11%).

Sa loob ng 10 buwan, walang awat ang pagsirit ng implasyon sa rehiyon, mula 3.3% noong Pebrero 2022 tungong 10.5% noong Disyembre 2022. Sa panahong ito, walang ginawa ang mga lokal na upisyal para ibsan ang paghihirap ng mga Negrosanon. Kakoro ang mga upisyal sa ekonomya ni Marcos Jr, minamaliit nila ang epekto ng matataas na bayarin at pagliit ng kita ng karaniwang tao.

Higit na pagdurusa

Lalong hindi mapagkasya ang matagal nang mababang sahod ng mga pamilya sa rehiyon. Sa kaso ni Juvy na may anim na anak, kahit anong gawin niya sa ₱130-₱150 na kinikita ng kanyang mister, hindi nito kayang sagutin ang ₱450 na arawang kailangan nilang mag-anak. Hindi napupunan ng ayudang 4Ps ang kakulangan. Para makaagapay, nangungutang siya sa “lending” o microfinance. Lalo silang nababaon sa utang dahil sa napakataas na interes na sinisingil ng mga ito.

Liban sa “lending,” nangungutang din sa kanilang mga amo ang mga pamilya nina Dailyn, Jonel at Hermegildo, mga manggagawang bukid sa Kabankalan, Negros Occidental. Kulang na kulang ang kinikita nilang ₱200-₱250 sa ₱400-₱500 na pangangailangan nila kada araw. Para mabayaran, nagtatrabaho sila nang mas matagal at sa mas malalawak na tubuhan.

Dagdag na pahirap sa mga manggagawang bukid ang mga sakuna at operasyong militar sa kanilang mga lugar. Malaking epekto sa kanila ang mga ito dahil hindi sila makalabas at makapagtrabaho. Mayroong mga pamilyang hindi pa nakababangon mula sa pinsalang idinulot ng Bagyong Odette noong Disyembre 2021.


Walang dagdag ni piso

Huling ipinag-utos ang umento sa sahod sa rehiyon noong Hunyo 2022. Hindi lahat ng mga nag-eempleyo sumunod dito. “Ni piso, walang idinagdag,” ayon sa mga taga-Bacolod at Kabankalan. Tumaas nang ₱100 ang pakyaw sa pagtatapas (pagputol ng tubo) ng asawa ni Bechay pero napakaliit nito kumpara sa itinaas ng mga presyo.

Itinakdang ₱450/araw ang minimum para sa mga manggagawang hindi sa agrikultura, at ₱410 para sa mga manggagawa sa agrikultura sa rehiyon. Pero sa aktwal, nagsisimula ang arawan nilang sahod sa ₱200. Karaniwang ₱100 kada araw naman ang kita ng mga nasa impormal na sektor tulad ni Karmelita.

Sa kwenta ng Ibon Foundation, nasa ₱981 noong Enero ang nakabubuhay na sahod sa rehiyon habang nasa ₱1,163 ang para sa National Capital Region. Dahil sa implasyon, ang tunay na halaga ng itinakdang sahod sa Western Visayas na ₱450 ay nasa ₱363 lamang.

Sa harap nito, panawagan ng mga Negrosanon ang kagyat na pagpapababa sa presyo ng mga bilihin. “Ibaba ang singil sa kuryente at tubig, at itaas ang sahod!” ayon sa mga taga-Bacolod.

“Dagdag na trabaho,” ayon kay Bechay. Sariling lupa at subsidyong pamproduksyon naman ang nakikitang solusyon ng mga taga-Kabankalan.

Kahirapang hindi maitago ng nakangiting maskara