Mga mandirigmang hors de combat sa Negros, pinatay; konsultant ng NDFP, dinukot ng AFP sa Bukidnon

,
Ang artikulong ito ay may salin sa EnglishBisaya

Sunud-sunod ang mga kaso ng paglabag ng AFP sa internasyunal na makataong batas sa nagdaang mga linggo.

Walang-awa at sadyang pinatay ng mga sundalo ng 94th IB ang dalawang hors de combat na mandirigma at isang sibilyang magsasaka noong Pebrero 5 sa Barangay Oringao, Kabankalan City, Negros Occidental. Pinalalabas ng mga sundalo na napatay ang tatlo sa isang engkwentro.

Nagpapagaling sa isang bahay sa Sityo Mugni sa naturang barangay ang Pulang mandirigmang si Arjen Mahinay (Ka Nonong) matapos ma-stroke. Kasama niya ang medik na si Junjun Callet (Ka Roben). Dinakip sila ng mga sundalo noong Pebrero 4 ng alas-4 ng hapon. Dinakip din ng mga berdugo ang magsasakang si Jomarie Calumba na nagkataong nasa parehong sityo.

Sa Bukidnon, dinukot ng mga pwersa ng AFP ang konsultant ng National Democratic Front of the Philippines (NDFP) na si Ariel Badiang sa Manolo Fortich noong Pebrero 6. Humingi ng tulong sa publiko ang kanyang pamilya para matunton ang kanyang kinaroroonan at mapuntahan. Hindi pa rin siya inililitaw hanggang sa kasalukuyan.

Samantala, nakakulong pa rin ang iligal na inarestong NDFP konsultant na si Ruben Saluta, kanyang asawa na si Presentacion Saluta at kasama nilang si Yvonne Losario.

Sa Cagayan, dinakip ng mga pulis ang sugatang si Orion Yoshida matapos ang sinasabing engkwentro ng yunit ng 5th ID at BHB sa Sityo Nangbaggayan, Barangay Santa Margarita, Baggao noong Pebrero 13. Sinampahan siya ng gawa-gawang mga kasong bigong pagpaslang, paglabang sa Anti-Terrorism Law at illegal possession of firearms and explosives. Hindi siya pinahihintulutang mabisita ng kanyang abugado, mga kaanak at mga grupo ng tagapagtanggol ng karapatang-tao. Si Yoshida ay isang dating estudyante ng De La Salle University (DLSU).

Mga mandirigmang hors de combat sa Negros, pinatay; konsultant ng NDFP, dinukot ng AFP sa Bukidnon