Henosidyong tatak-Amerika

,

Mula Nobyembre 24 hanggang 30, pansamantalang itinigil ng Israel ang pambobomba sa Gaza upang maisagawa ang “prisoner swap” kung saan pinalaya ng Hamas ang 105 sa 345 na dinakip nito sa operasyong Al Aqsa Flood kapalit ang 240 sa halos 10,000 Palestinong nakakulong sa Israel. Kabilang sa mga pinalaya ng Hamas ang dalawang Pilipinong migranteng mangggawa.

Matapos ang 6-araw na “makataong panandaliang tigil-putukan,” Disyembre 1, alas-7 ng umaga sa Palestine, muling pinakawalan ng Israel ang mga eroplanong pandigma sa Gaza. Sa loob ng sumunod na 24-oras, umabot sa 184 ang mga Palestinong napatay, 589 ang nasugatan at 20 bahay ang natupok ng inihulog na mga bomba. Bago nito, mahigit 15,000 Palestino na ang napatay sa pambobomba ng Israel. Lampas 5,300 sa kanila ay mga bata.

Lahat ng mga eroplanong ginagamit ng Israel ay mula sa US at lahat ng mga bombang inihuhulog nito ay mga bombang Amerikano. Sa kabuuan, 80% ng mga armas ng Israel ay gawang-US.


Pagpondo sa Zionismo

Iniluwal at pinanatili ng imperyalistang US ang halimaw na Zionistang estado ng Israel. Mula Ikalawang Digmang Pandaigdig, tumanggap ito ng $146 bilyon, na pinakamalaki sa ayudang iginagawad ng US sa mga bansang alyado at malakolonya nito. Halos lahat nito ay nasa anyo ng ayudang militar, liban sa ilang taong naglaan ng ayudang pang-ekonomya ang US para gawing “industriyalisado” ang bansa.

Susi ang dambuhalang pondong ito sa pagpapaunlad sa Zionistang pasistang makinarya. Bago inilunsad ang Al Aqsa Flood, kung saan napasok ng mga pwersang Palestino ang iba’t ibang kampo at dako sa Israel, ipinagmamayabang itong “pinakasopistikadong militar sa buong mundo sa usapin ng teknolohiya.” Ginamit din ang ayudang ito para itatag at paunlarin ang industriya ng armas ng Israel na kasosyo ng monopolyong mga kumpanyang armas na Amerikano. Ilan sa pinakamalalaki ang mga kumpanyang Elbit Systems, Israel Aerospace Industries at Rafael.

Sa kasalukuyang henosidyo nito sa Gaza, pinagtibay ng Kongreso ng US ang panukalang kagyat na dagdagan ng $14.3 bilyon ang dating taunang $3.3 bilyong ayudang militar sa Israel. Ang ayudang ito ay nasa anyo ng mga misayl na Hellfire, 55mm pambala sa mga kanyon, night-vision, mga sandatang “bunker-buster” (pangkontra sa mga tunnel) at bagong mga sasakyang militar. Dagdag ang mga ito sa dati nang sinusuplay ng US na mga misayl para sa Iron Dome at mga bombang inihuhulog ng mga eroplano. Sinusuplayan din ng US ang Israel ng mga kemikal at bayolohikal na pandigmang materyal.

Tinatayang, $48 bilyon na ang ibinuhos ng Israel sa magdadalawang buwan nang kampanyang henosidyo. Sangkatlo sa halagang ito ay binalikat ng US.


Natatanging papel sa Middle East

Sa kaibuturan nito, umiiral ang Zionistang estado at pasistang makinarya ng Israel para panatilihin ang hegemonya ng US sa Middle East. Mula pa dekada 1980, inilagak ng US dito ang weapon stockpile o imbakan ng armas na pinakamalaki sa labas sa sariling bansa, bilang pantiyak na mabilis itong maipupwesto ang mga armas sakaling sumiklab ang anumang “pangrehiyong sigalot.” Nakatago sa loob ng bansa ang tinawag na War Reserve Stockpile Allies-Israel o WRSA-I na kontrolado ng US. Taun-taon, naglalaan ang US ng $200 milyon para punan ang nagagamit sa mga armas dito. May katulad na imbakan sa South Korea at Japan, at naghahanda ngayon ang US ng mga pasilidad sa Pilipinas para rito.

Noong Oktubre, itinulak ni Joseph Biden, presidente ng US, na tanggalin ang mga resktriksyon sa pagkuha ng Israel ng armas sa imbakang ito para malaya nitong magamit ang mga armas ng US sa henosidyo sa Gaza.

Iginawad ng US sa Israel ang istatus na “mayor na alyadong di-NATO” at mahigpit na ikinawing ang pasistang hukbo nito sa hukbong Amerikano. Mula 1983, magkatuwang na pinaunlad ng US at Israel ang Israel Defense Forces, na sa aktwal ay isang pwersang opensibo para sa madugong kampanyang pananakop sa mga teritoryong Palestino.

Nagmamantine rin ng sariling pwersa ang US sa loob ng Israel, dagdag sa puu-puong libong nakaistasyon sa iba’t ibang bansa sa Middle East. Noong 2017, isinapubliko ng US ang konstruksyon ng permanenteng baseng Amerikano sa loob ng isang kampo militar ng Israel sa disyertong Negev, na may layong 20 kilometro sa Gaza. Dalawang buwan bago ang Al Aqsa Flood, nagbuhos ang US ng $35.8 milyon para palawakin ang sikretong base na ito, na tinaguriang “Site 512” at tinawag na “base sa loob ng isang base.”

Henosidyong tatak-Amerika