Editoryal

Itanghal ang pulang bandila sa ika-55 anibersaryo ng Partido!

, ,

Sa darating na Disyembre 26, ipagdiriwang ng Partido Komunista ng Pilipinas ang ika-55 anibersaryo ng pagkakatatag nito. Isa sa pinakamataas na tungkulin ngayon ng Partido ang patatagin ang sarili sa ideolohiya, pulitika at organisasyon upang lubos na biguin ang kampanya ng pagsupil ng kaaway, pamunuan ang masa sa paglaban sa papet, pahirap at pasistang rehimeng US-Marcos at isulong ang demokratikong rebolusyong bayan.

Gamitin nating okasyon ang anibersaryo para muling pagtibayin ang paninindigan ng bawat kadre at kasapi, baguhan man o datihan, na itaguyod ang Marxismo-Leninismo-Maoismo at batayang mga prinsipyo ng Partido na nakasaad sa konstitusyon at programa nito. Muli nating itaas ang ating mga kamao at bigkasin ang panatang gagawin ang lahat ng makakaya para itaas ang proletaryong rebolusyonaryong kamulatan, at pagsilbihan at ipaglaban ang interes ng mamamayan sa lahat ng panahon, tulad ng sinumpaan ng bawat isa sa pagsapi sa Partido.

Ipagbunyi rin natin sa Disyembre 16, ang rebolusyonaryong buhay ni Kasamang Jose Maria Sison, tagapangulong tagapagtatag ng Partido, sa okasyon ng unang anibersaryo ng kanyang pagpanaw. Mahigpit nating tanganan ang pamana niyang mga turo sa pagsusulong ng rebolusyonaryong pakikibaka ng sambayanang Pilipino.

Alalahanin natin ang lahat ng martir at bayani ng rebolusyong Pilipino. Pinakamataas na pagpupugay sa kanila ang patuloy na paglago at pagsigla ng armadong pakikibaka at mga pakikibakang masa. Ganap nitong pinabubulaanan ang sinasabi ng kaaway na mauupos at malalansag ang Partido, ang hukbo at nagkakaisang prente.

Umiiral ang sitwasyong pabor para ibayong pukawin, organisahin at pakilusin ang malawak na sambayanang Pilipino. Mabilis na nabubulok ang naghaharing sistemang malakolonyal at malapyudal sa Pilipinas. Walang-awat itong binabayo ng magkasabayang krisis sa ekonomya at pulitika dahil sa bulok, pahirap, papet at pasistang paghahari ng rehimeng Marcos.

Naghahatid ito ng mas masahol na pagdurusa sa sambayanang Pilipino. Napakaimportanteng tungkulin ng Partido na pamunuan ang malawak na masa ng sambayanan na masidhing naghahangad na makibaka para ipaglaban ang kanilang kabuhayan at kagalingan, at ipagtanggol ang kanilang mga demokratikong karapatan.

Sa gitna ng malawak na panlipunang ligalig, nasa pusisyon ang Partido na pamunuan ang pagsigla ng mga pakikibakang masa, at palawakin at palakasin ang rebolusyonaryong kilusang masa kapwa sa kalunsuran at kanayunan, kaakibat ng pangkalahatang pagpapabwelo sa demokratikong rebolusyong bayan.

Ubos-kaya nating palawakin at palakasin ang Partido at ang organisadong hanay ng masa. Iwasto ang mga pagkakamali at pangibabawan ang lahat ng mga kahinaan at pag-aalangan. Hugutin at buklurin ang galit sa dibdib ng masa, at pamunuan ang kanilang mga paglaban laluna sa harap ng malubhang pang-aapi at pagsasamantala. Para sa bagong mga tungkulin, kailangan natin ng bagong mga pwersa na puno ng sigasig, sigla at militansya. Palitan natin ang mga nawala o nanamlay.

Ikinalugod ng Partido ang magkasanib na pahayag ng National Democratic Front of the Philippines (NDFP) at ng Gubyerno ng Republika ng Pilipinas (GRP) noong Nobyembre 23 para muling buksan ang usapang pangkapayapaan.

Sinusuong natin ang labanan sa negosasyon katuwang ng armadong pakikibaka para kamtin ang makatarungan at pangmatagalang kapayapaan. Katumbas nito ang pagsusulong ng tunay na reporma sa lupa, pambansang industriyalisasyon, pambansang kasarinlan at tunay na demokrasya.

Tutulan ang paggamit dito ng reaksyunarong estado bilang instrumento sa panlilinlang para itulak ang BHB na isalong ang mga sandata, at alisan ng lakas ang rebolusyonaryong kilusan. Ganap na itakwil ang huwad na proklamasyong “amnestiya” ng rehimeng Marcos na inilabas para sa mapanlinlang na layuning pagpapasuko. Nagsisilbi lang ito sa pansariling interes ng iilang palalo na tumalikod at nagtraydor sa interes ng bayan. Dapat silang itakwil, batikusin at itapon sa basurahan ng kasaysayan.

Sa buong mundo, tumampok ang katumpakang maghimagsik laban sa dayuhang pananakop at pasismo sa magiting na armadong pakikipaglaban ng mamamayang Palestino, gayundin ng mga mamamayan sa Myanmar at iba pang bansa. Napapanahong inilunsad ng NDFP ang internasyunal na teoretikong kumperensya hinggil sa imperyalistang digma na nagsilbing okasyon para palakasin ang tulungan ng iba’t ibang proletaryo, anti-imperyalista at mapagpalayang kilusan sa buong mundo, at palakasin ang panawagan na magsulong ng makatarungang digma at armadong pakikibaka laban sa imperyalistang gera.

Ang mga komunistang Pilipino ay bahagi ng pandaigdigang proletaryong rebolusyon laban sa imperyalismo, ang huling yugto ng naghihingalong kapitalismo. Kinakatawan nito ang rebolusyonaryong mapagpalayang kilusan ng mamamayang Pilipino. Ambag nito sa pandaigdigang kilusang anti-imperyalista ang paglaban sa tumitinding hegemonismo ng US sa bansa sa anyo ng paparaming base militar at papadalas at malalaking war games sa kalupaan at karagatan ng Pilipinas. Dapat todong labanan ng buong bayan ang paggamit ng US sa bansa sa geopulitikal na mga layunin nito sa Asia-Pacific, at ikawing ito sa pandaigdigang pakikibaka para pigilan ang pagsiklab ng inter-imperyalistang gera.

Sa kalunsuran at kanayunan, tuluy-tuloy na nagpapalakas ang Partido at mga rebolusyonaryong pwersa. Ubos-kayang isinusulong ang rebolusyonaryong kilusang masa ng lahat ng mga demokratikong uri at sektor upang ipaglaban ang kani-kanilang interes. Tuluy-tuloy na pinalalakas at pinalalapad ang nagkakaisang prenteng antipasista, anti-imperyalista at antipyudal upang buuin ang pinakamalapad na pagkakaisa ng sambayanan at ihiwalay ang naghaharing rehimeng Marcos. Pinakaimportante, tuluy-tuloy na nagpapalakas ang BHB sa landas ng armadong pakikibaka bilang pangunahing sandata ng paglaban.

Tiwala ang Partido na sa puspusang pagpupunyagi ng lahat ng kadre at kasapi, mapamumunuan nito ang tuluy-tuloy na pagpapalakas ng rebolusyonaryong pakikibaka sa lahat ng larangan, at magtatagumpay ang pambansa-demokratikong rebolusyon sa Pilipinas tungo sa sosyalistang hinaharap.

Itanghal ang pulang bandila sa ika-55 anibersaryo ng Partido!