Masaker sa Sityo Canada Tigmak sa dugo ng mga Lumad ang kamay ni Rodrigo Duterte

,
Ang artikulong ito ay may salin sa English

Hindi tinatantanan si Rodrigo Duterte ng multo ng kanyang pasismo at krimen sa sangkatauhan. Kasabay ng muling pagbubukas ng pinto para papasukin ang imbestigasyon ng International Criminal Court (ICC) laban kay Duterte at kanyang pangkat, lumabas ang bagong impormasyon tungkol sa isang kaso ng pagmasaker ng mga Lumad sa Agusan del Sur.

Noong Marso 15, 2020, walang kaabog-abog na minasaker ng mga tropa ng 88th IB ang limang Higaonon sa Sityo Canada, Barangay San Vicente, Esperanza, Agusan del Sur. Kabilang sa kanila ang dalawang menor-de-edad. Sa salaysay ng mga kaanak, dinakip ng mga sundalo sina Jellyboy Hagayhay (12), Ryan Lumista (16), Emon Hagayhay (18), Man-apyagan Lumista (19) Nieto Pasandigon (21), at Pablo Angkamping (40) nang masalubong malapit sa kanilang komunidad. Papunta sila noon sa sentrong bayan para magbenta ng kanilang mga produkto.

Iginapos ang anim at buong araw na tinortyur ng mga pasista. Pagsapit ng gabi, pinatay ng mga sundalo ang lima. Itinirang buhay ang batang si Jellyboy. Ang bangkay ng lima ay basta itinapon sa mababaw na hukay at hindi ipinaalam sa pamilya ang lokasyon. Inabot ng isang buwan bago natagpuan ng pamilya ang hukay at ang mga bangkay na nakagapos pa’t tadtad ng mga bala.

Si Jellyboy, na saksi sa karumal-dumal na krimen, ay ginawang hostage sa kampo ng militar sa Impasug-ong, Bukidnon. Tatlong-taon na siyang inaalipin sa kampo militar. Tumatanggi ang mga pasistang demonyo na palayain ang bata. Pinagbabantaan pa ng mga ito ang mga magulang ni Jellyboy.

Nang matuklasan ang krimen, kasama ang kanilang datu, siningil ng komunidad ang mga sundalo. Para aregluhin at patahimikin ang mga tao, pinilit ipinalulunok ng mga sundalo ang limos na ₱5,000 sa mga kaanak ng kanilang mga minasaker. Nagsawalang-kibo ang kapitan ng barangay dahil mismong siya ay bayarang ahente ng National Task Force-Elcac.

Liban pa sa masaker, sinunog din ng mga pwersa ng Special Action Forces ng PNP at Armed Forces of the Philippines (AFP) ang eskwelahan at lahat ng bahay sa Sityo Canada, tatlong araw matapos ang masaker. Naabo ang 15 bahay sa baryo at halos walang natira sa paaralang Lumad na itinayo ng mga grupong relihiyoso at komunidad. Sinunog rin ng mga berdugo ang mga libro, papel, at ibang kagamitan sa eskwelahan.

Hindi pa nakuntento, pinagtutumba ng mga sundalo at pulis ang mga puno ng prutas at hinawan ang komunidad para makababa ang kanilang helikopter. Kumander noon ng 88th IB si Lt Col Franklin Fabic (ngayo’y koronel ng Unified Command Staff for Intelligence ng AFP WestMinCom).

Simula 2019, hindi bababa sa 22 kaso ng paglabag sa karapatang-tao ang naitala ng Ang Bayan na may tahasang pananagutan ang 88th IB. Biktima ng mga kasong ito ang higit 3,500 magsasaka at Lumad.

Tigmak sa dugo ng mga Lumad ang kamay ni Rodrigo Duterte