Operasyong dredging sa Misamis Oriental, pinatitigil

,
Ang artikulong ito ay may salin sa English

Nagkamit ng inisyal na tagumpay ang mga residente ng isang barangay sa Jasaan, Misamis Oriental nang pansamantalang ipatigil ang mga operasyon ng isang kumpanyang sangkot sa paghuhukay ng buhangin para sa proyekto kaugnay ng Dolomite Beach sa Manila Bay ng dating rehimeng Duterte. Napatigil ng isang lokal na samahan ng mga residente ng Barangay San Nicolas sa nagturang bayan, ang mapaminsalang dredging operation ng kumpanyang Premium Megastructure, Inc. (PMI) noong Setyembre 7.

Puno ng pangamba ang mga residente ng Barangay San Nicolas at mga karatig na barangay nito. Nag-ooperasyon sa itaas na bahagi ng Kabulig River ang plantang hydropower ng kumpanyang Mindanao Energy (Minergy) mula pa noong 2013. Noon pa pinangangambahan ng mga residente na baka gumuho ang dam na magpapalubog sa kanilang mga komunidad. Pinalala ng operasyon ng PMI ang naturang banta.

Liban sa panganib sa komunidad, mapangwasak sa kalikasan ang pagkakwari at dredging ng kumpanya.


Ano ang PMI?

Nagsimula bilang kumpanyang konstruksyon ang PMI sa Leyte noong 2012. Lumago ang mga operasyon nito matapos mabiyayaan ng pampublikong kontrata sa paggawa ng haywey sa Leyte. Pero pinakamabilis ang paglaki ng kumpanya sa ilalim ng rehimeng Duterte kung saan nagpalawak ito ng operasyon sa reklamasyon at dredging. Pagmamay-ari ito ni Alfredo Comendador Jr.

Sa Region 10, pangunahing nasa dredging ng buhangin ang mga operasyon nito. Dagdag sa pagkakasangkot sa pinsalang dala nito sa rehiyon, sangkot din ang kumpanya sa mapangwasak na mga proyektong imprastruktura sa ibang bahagi ng bansa. Liban sa Dolomite Beach, kontraktor ang kumpanya sa proyektong Cebu-Cordoba Link Expressway at Bataan Transhipment Hub (BTH), parehong napabibilang sa pinakamalalaking proyektong imprastruktura ng estado. Ang BTH ay proyektong daungan na magtatambak ng 235 ektaryang lupa sa Mariveles Bay.


Mapangwasak na dredging

Noong 2021, nagsumite ng aplikasyon ang PMI para sa pagkukwari sa Kabulig River na matatagpuan sa Barangay San Juan at sa kalapit nitong mga barangay na San Isidro at Solana sa Jasaan. Plano ng PMI na hakutin ang nahukay na graba mula sa Barangay Los Banzon, sa parehong bayan, at dalhin sa Manila Bay para sa reklamasyon. Kaagad itong tinutulan ng mga residente.

Nangangamba ang mga residente sa kanilang buhay dahil maaaring tangayin ng baha ang apat na purok ng barangay. Maaapektuhan din ang mga naninirahan malapit sa baybayin ng Barangay Bubuntugan at Lower Jasaan.

Nangalap ang mga myembro ng samahan ng pirma sa kani-kanilang barangay para ipetisyon ang pagtigil sa mga operasyon ng PMI. Inilapit nila ito sa munisipyo sa Jasaan. Agad din silang nagsumite ng petisyon sa mga tanggapan ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) sa munisipyo at prubinsya.

Noong Marso 13, 2022, natuloy ang operasyon ng PMI. Pumayag ang dating barangay kapitan ng San Nicolas na si Warren Manggo na upahan ng kumpanya ang 15-ektaryang lupa ng residenteng si Sabas Tagarda. Pagdadahilan niya “walang tumutol na residente sa pagpasok ng PMI.” Dahil dito, naghabla ng kasong “falsification of public document” sa Ombudsman ang mga residente laban kay Manggo.

Masahol pa, nakasaad sa permit ng PMI na dredging ang kanilang gagawin sa San Nicolas, ngunit pagmimina ng black sand ang ginawa ng kumpanya sa aktwal.

Dahil dito, lalo pang lumakas ang pagtutol ng mga residente. Sinaklaw nila sa kanilang signature campaign ang ibang mga barangay na maaapektuhan ng proyekto at nagprotesta sila sa harap ng nagpapatuloy na operasyon ng PMI. Kasama sa iginigiit ng mga residente ang paglabag ng PMI sa itinakdang dami ng grabang kukunin.

Batid ng mga residente ng San Nicolas na hindi pa nagtatapos ang kanilang laban. Mawawalan ng bisa ang ipinataw na temporary restraining order (TRO) sa kumpanya ngayong Disyembre. Gayundin, nagpapatuloy ang pagkukwari nito sa kalapit na mga baryong San Isidro at Solana. Tuluy-tuloy silang maninindigan para sa kanilang lupa at sa kalikasan.

Operasyong dredging sa Misamis Oriental, pinatitigil