NDFP at GRP, nagkasundong muling buksan ang usapang pangkapayapaan
Magkahiwalay na inianunsyo noong Nobyembre 28 ng Negotiating Panel ng National Democratic Front of the Philippines (NDFP) at mataaas na upisyal sa gabinete at militar ng Gubyerno ng Republika ng Pilipinas (GRP) ang balak ng dalawang panig na muling buksan ang usapang pangkapayapaan. Isinapubliko nila ang magkasanib na pahayag na pinirmahan ng NDFP Negotiating Panel at ng GRP noong Nobyembre 23 sa Oslo, Norway.
Humarap sa publiko at nagbasa ng mga pahayag sina Kasamang Julie de Lima, at mga myembro ng NDFP Negotiating Panel na sina kasamang Coni Ledesma, at Nonoy Palima, at si Ka Luis Jalandoni bilang punong tagapayo.
Ang Oslo Joint Statement ay deklarasyon ng balak o paghahangad na muling buksan ang usapan at buuin ang balangkas kung papaano ito isasagawa. Isa itong pangkalahatang deklarasyon kung saan pinagsanib ang mga hangarin ng magkabilang panig: ang paglutas sa “malalalim na nakaugat na sosyo-ekonomiko at pulitikal na mga usapin” at “paglutas sa mga ugat ng armadong tunggalian,” sa panig ng NDFP; at sa kabilang panig, ang “pagtatapos ng armadong pakikibaka” at “transpormasyon ng CPP-NPA-NDFP,” na nilalayon ng GRP.
“Ang Pinagsanib na Pahayag na parehong pinirmahan ng NDFP at GRP ay makabuluhan sa sarili nito at nagbubukas sa pinto para sa maraming potensyal at hinaharap sa paghahangad ng isang makatarungan at pangmatagalang kapayapaan sa ating sariling bayan at para sa kapakanan ng ating mamamayan,” pahayag ni Ka Luis Jalandoni, myembro ng NDFP National Executive Council at senior consultant sa usapang pangkapayapaan, sa araw na pinirmahan ang pinagsanib na pahayag. Aniya, handa ang parehong Partido na ipagpatuloy ang negosasyon habang “naninindigan sa mga tagumpay at natututo mula sa mga leksyon sa nakaraan.”
Produkto ng serye ng mga impormal na talakayan na ginanap sa Netherlands at Norway ang pinagsanib na pahayag. Sinimulan ito noon pang 2022 sa pagitan ng mga emisaryo ng GRP at ng NDFP sa tulong ng Royal Norwegian Government (RNG). Sa panig ng GRP, lumagda dito sina Special Assistant to the President Antonio Ernesto F. Lagdameo Jr, ang emisaryong si Gen. Emmanuel T. Bautista (Ret) at Presidential Adviser on Peace, Reconciliation and Unity Secretary na si Carlito Galvez Jr. Sa panig ng NDFP, lumagda sina Ka Julie, Ka Luis, Ka Coni, at Ka Nonoy. Ang pagpirma ay sinaksihan ni RNG Special Envoy Christina Lie Revheim.
Pinasalamatan ng NDFP ang RNG para sa matatag na suporta at matiyagang pagsisikap nito para pagtagpuin ang dalawang partido sa muling pag-uusap. Ang seremonya ng pagpirma sa Oslo ay dinaluhan ng ministro sa ugnayang panlabas ng RNG na si Espen Barth Eide at ibang mga upisyal ng Norway.
Puno ng tinik at tilos
Habang ikinalugod ng PKP ang pagpirma ng negotiating panel sa pinagsanib na pahayag, kinilala nito na puno ng tinik at tilos ang landas sa pagbubukas pa lamang ng usapan, at lalo tungo sa makatarungan at pangmatagalang pangkapayapaan.
Unang kalahating hakbang pa lamang ito sa muling pagbubukas ng negosasyon. Maaari itong humantong sa aktwal na muling pagbubukas ng usapang pangkapayapaan, maaari ring hindi.
“Mayroong usapang pangkapayapaan dahil mayroong gera,” paglilinaw ni Marco Valbuena, punong upisyal sa impormasyon ng PKP. “Ang NDFP at GRP ay kumakatawan sa dalawang panig (co-belligerent) ng digmang sibil sa Pilipinas. Sila ay magkalaban at kumakatawan sa lubos na magkatunggaling interes at layunin, ngunit nagtagpo sa negosasyon sa ilalim ng deklaradong layunin na pagkakamit ng makatarungan at pangmatagalang kapayapaan.”
Ayon naman kay Ka Julie, kinakaharap ng usapan ang praktikal na usapin katulad ng teroristang designasyon ng GRP sa PKP, BHB, NDFP at pati na rin Ka Luis. Gayundin, mahihirapan ang NDFP sa negosasyon kung mananatiling nakapiit ang mga konsultant nito na iligal na dinakip at ikinulong ng GRP sa loob ng nakaraang anim na taon.