Bangkay ng mga napatay sa engkwentro sa Batangas, nilapastangan ng 59th IB
Pahirapan ang pagkuha ng mga bangkay ng mga napatay sa isang engkwentro sa pagitan ng isang yunit ng Bagong Hukbong Bayan, at mga elemento ng 59th IB, sa hangganan ng mga barangay Dilao at Malalay, Balayan, Batangas noong Disyembre 17. Sa huling ulat, pito ang natunton nang bangkay ng mga grupo ng karapatang-tao na nagsagawa ng fact finding mission sa lugar.
Naabutan ng mga pamilya ng napaslang ang mga bangkay ng kanilang mga kaanak na basta lamang iniwan sa hallway ng isang punerarya. Isa sa mga napaslang ang kaagad na inilibing nang di ipinaalam sa pamilya. Bantay-sarado ang naturang mga punerarya ng mga sundalo na humarang sa mga abugado at paralegal na kasama ng mga pamilya.
Binatikos ng mga grupo ang paglapastangan ng militar sa labi ng mga napaslang, na labag sa mga internasyunal na makataong batas. Anila, malinaw na may pananagutan ang 59th IB sa napakaraming paglabag sa karapatang-tao sa Batangas.