Mga drayber ng bus, nagprotesta sa upisina ng LTO

,

Nagprotesta sa upisina ng Land Transportation Office (LTO) sa Quezon City noong Disyembre 18 ang mga drayber ng bus mula sa iba’t ibang kumpanya upang ipabasura ang hindi makatarungang Demerit Points System ng ahensya na ipinatupad noon pang 2019. Pinangunahan ang pagkilos ng Manibela o Malayang Alyansa ng Bus Employees at Laborers.

Nagpataw ang naturang sistema, na bahagi ng Republic Act 10930, ng doble-dobleng “demerit points” para sa mga drayber ng pampumblikong sasakyan kumpara sa pribadong mga sasakyan. Sang-ayon dito, kapag nagkamit ang isang drayber ng 40 “demerit points” dulot ng mga “paglabag” sa batas trapiko, ipagkakait ang kanyang lisensya ng dalawang taon.

Libu-libong mga drayber at manggagawa ng bus ang napeperwisyo at nanganganganib mawalan ng kabuhayan dulot nito. Lalo itong tumindi sa nakaraang mga buwan nang nakipagsabwatan ang mga lokal na gubyerno at coast guard sa pagpapatupad ng patakaran. Giit nila, kasalanan din ng magulong sistema ng transportasyon kung bakit “nalalabag” ng mga drayber ang mga patakaran sa trapiko. Wala umanong ipinatutupad na maayos na sakayan at babaan ng mga pasahero.

Mga drayber ng bus, nagprotesta sa upisina ng LTO