Higit na palakasin ang paglaban ng masa sa rehimeng US-Marcos
Ang huling mga buwan ng taong 2023 ay kinatampukan ng mas lalong mabilis na pagsidhi ng krisis ng malakolonyal at malapyudal na naghaharing sistema sa ilalim ng pahirap, papet at pasistang rehimeng US-Marcos. Walang awat ang pagtaas ng presyo ng mga bilihin, pagtumal ng ekonomya, paglala ng korapsyon, at paglaki ng utang ng gubyerno.
Bunga ng mga pahirap na patakaran ng rehimeng Marcos, patuloy na lumulubha ang katayuan sa buhay ng masang Pilipino, paglala ng disempleyo, pag-agaw sa kabuhayan, kawalan ng pagkakakitaan, mababang sahod, hirap at gutom.
Sa kabilang panig, tuluy-tuloy na paglaban at protesta ang tugon ng iba’t ibang sektor sa pagpapahirap at pambubusabos sa kanila ng rehimeng US-Marcos. Nitong nagdaang mga linggo, magkakasunod na tigil-pasada at mga kilos-protesta ang inilunsad sa buong bansa laban sa napipintong pagpapatupad ng mga hakbangin na magkakait sa karapatan sa kabuhayan ng daanlibong mga drayber at opereytor ng dyip. Liban dito, tuluy-tuloy ding umaabante ang mga paglaban ng iba’t ibang mga demokratikong sektor katulad ng mga manggagawa, magsasaka, mangingisda, guro, manggagawang pangkalusugan, kabataang estudyante at iba pa para sa kanilang mga kahingiang pang-ekonomya at panawagang pampulitika.
Ang unti-unting sumisiglang paglaban na ito ay tiyak na bibilis sa mga susunod na buwan sa darating na taon, kasabay ng inaasahan na pagbulusok ng batbat-sa-krisis na sistema sa ilalim ng paghahari ng rehimeng US-Marcos. Liban sa mga usaping pang-ekonomya o pangkabuhayan, kabi-kabila pang mga usaping pampulitika, katulad ng pagtatayo ng bagong mga base militar ng US, charter change, mga paglabag sa karapatang-tao, at iba pa ang tiyak na mag-uudyok ng paparami at papalaking mga kilos-protesta sa lansangan, talakayang bayan at paglawak ng organisadong hanay ng masa.
Sa susunod na taon, dapat ubos-kaya at mapangahas na maggawaing masa ang mga pambansa-demokratikong pwersa upang mas malawakan pang abutin at epektibong pamunuan ang masa sa kanilang mga pakikibaka. Sistematiko at walang-kapagurang abutin ang pinakamalapad na hanay ng masa. Buuin ang daan-daang mga pangkat para mag-organisa at magpropaganda sa masa. Tuluy-tuloy silang sasanayin at armasan para itaas ang kakayahan at paunlarin ang mga paraan sa pamumuno sa masa. Dapat isagawa nila sa araw-araw ang mga pampulitikang talakayan at mga aktibidad upang itaas ang kanilang kaalaman at kamulatan at patalasin ang kanilang isip sa pagsusuri sa mga usapin. Buuin ang malinaw na plano para tiyakin na antas-antas na lumalaki ang bilang ng naaabot na masa kada lumipas na linggo at buwan sa mga empresa, komunidad, paaralan, tanggapan at iba pang may konsentrasyon ng masa.
Dapat isagawa ng mga pambansa-demokratikong pwersa ang malawakang kampanya ng panlipunang pagsisiyasat at pagsusuri ng mga uri sa iba’t ibang lugar at sektor. Tungkulin sa iba’t ibang antas ang sistematikong pagtipon ng mga impormasyon at datos upang tukuyin ang mga partikular na kalagayan at suliraning kinakaharap ng masa sa balangkas ng malakolonyal at malapyudal na sistema. Dapat suriin mula sa maka-uring pananaw ng proletaryado ang mga datos na ito upang ilantad ang dinaranas na pang-aapi at pambubusabos sa masa. Tungkulin na ikawing iyon sa mga usapin na kinakaharap ng buong bayan at punitin ang mga hinahabing kasinungalingan ng naghaharing rehimen. Dapat tukuyin ang angkop na mga panawagang pupukaw sa kanila at mga paraan paano sila organisahin at pakilusin sa pambansa-demokratikong kilusan.
Ubos-kayang isulong ang isang malawakang kilusang propaganda-edukasyon sa hanay ng masa na lubos na naglalantad sa anti-mahirap at makadayuhang rehimeng US-Marcos. Itaas ang kamulatan ng masa at pukawin ang kanilang militansya at lakas ng loob na sama-samang ipaglaban ang kanilang demokratikong interes at mga karapatan sa balangkas ng reaksyunaryong batas habang hindi nagpapatali rito. Puspusang ilantad ang rehimeng US-Marcos at ang reaksyunaryong estado na pampulitikang kinatawan ng buong naghaharing uri na ginagamit para pagsilbihan ang interes ng naghaharing burgesyang komprador at malalaking panginoong maylupa, at ng mga dayuhang bangko at kumpanya.
Itaas ang kakayahan ng mga pambansa-demokratikong pwersa na mabilisang maglabas ng mga pahayag na nagsusuri sa mga isyu upang magsilbing gabay sa pagsusuri at pagkilos ng masa. Papulahin ang kalunsuran at kanayunan sa mga patriyotiko at demokratikong sigaw ng taumbayan. Pabahain ang lahat ng angkop na anyo ng pawalis at solidong propaganda na tuwirang umaabot sa masa. Idaos ang mga asembliya at mga dagliang pagtatanghal sa mga pabrika, paaralan, simbahan, pamilihan, terminal, at mga komunidad para sa mga talakayang-bayan o sama-samang panonood ng mga progresibong sine, dokumentaryo o pagbabalita. Isagawa ang mga ito hindi lamang para manood o makinig ang masa, kundi para bigyan sila ng pagkakataon na maglabas ng mga hinaing, magbigay ng pananaw at makipagkaisa.
Dapat pangibabawan ang lahat ng salik na nagpapatamlay at pumipigil sa pagsulong ng demokratikong kilusang masa. Tukuyin, ugatin at iwaksi ang lahat ng bagaheng pumipigil sa pagsulong ng masa, kabilang na ang lahat ng anyo ng pag-aalangan at pangamba o takot sa hanay ng masa at mga organisadong pwersa. Mapangingibabawan ang lahat ng ito sa pamamagitan ng pagsulong at pamumuno sa paglaban. Maraming bagong tungkuling kailangang gampanan, kaya’t kailangang palitawin ang maraming bagong pwersa. Ang apoy ng mga pakikibakang masa sa mga darating na buwan ang magpapanday sa bagong mga pulutong ng mga pambansa-demokratikong pwersang uusbong mula sa hanay ng masa, na magdaragdag sa sigla at tapang ng kilusang masa sa kalunsuran at kanayunan.
Magtiwala sa mga bagong pwersa laluna sa hanay ng nakababatang henerasyon: mapangahas silang bigyan ng responsibilidad, gabayan, tasahin at lagumin ang karanasan para sa mabilis na pag-unlad at pagbalikat sa papalaking mga gawain. Kaalinsabay nito, tuluy-tuloy na magpalitaw ng bagong mga kadreng mamumuno sa mga gawain at isagawa ang kumprehensibong pagsasanay sa kanila sa ideolohiya, pulitika at organisasyon.
Dapat palakasin ng Partido at mga rebolusyonaryong pwersa ang pamumuno nito sa tuluy-tuloy na pagpapasigla ng rebolusyonaryong kilusang masa kapwa sa kalunsuran at kanayunan. Kaakibat ito sa pangunahing tungkuling pamunuan ang Bagong Hukbong Bayan at pagsusulong ng rebolusyonaryong armadong pakikibaka sa kanayunan.