Makatarungan at matagalang kapayapaan, hindi pagsuko ang dapat pag-usapan
Walang puwang sa usapang pangkayapaan ang pag-uusap, ni pagpapahiwatig, higit lalo kahingian, para sa pagsuko ng National Democratic Front of the Philippines (NDFP) o ng armadong rebolusyonaryong pakikibaka sa Pilipinas. Ito ang pahayag ni Kasamang Luis G. Jalandoni, Senior Adviser sa Negotiating Panel ng NDFP, sa harap ng sunud-sunod na pahayag ng mga upisyal ng Gubyerno ng Republika ng Pilipinas (GRP) at Armed Forces of the Philippines (AFP) na naglalarawan sa usapang pangkapayapaan bilang usapang “pagpapasuko.”
Pinirmahan noong Nobyembre 23 ang Oslo Joint Statement sa bansang Norway na nagdeklara ng balak ng GRP at ng NDFP na idaos muli ang usapang pangkapayapaan.
Pinuna sa partikular ni Kasamang Juliet de Lima, interim chairperson ng NDFP Negotiating Panel, si Gilberto Teodoro Jr, kalihim ng Department of National Defense, sa sinabi niya na ang pagsuko ng NDFP ang batayan ng GRP sa pakikipagkasundong muling buksan ang negosasyon. Aniya, nakakalimutan ni Teodoro na ang GRP ang lumapit sa NDFP at hindi ang kabaligtaran.
Ayon kina Ka Luis at Ka Julie, “ang usapang pangkapayapaan ay hindi usapan para sa kapitulasyon.” Pagdidiin nila, ang negosasyon ay isang natatanging pagkakataon para makahanap ng pamamaraan na katanggap-tanggap sa dalawang panig at prinsipyado para ganap na tugunan ang tunay na mga rason ng armadong tunggalian.
Dapat umanong ituon na lamang ng GRP ang pansin sa makabuluhang adyenda ng negosasyon na nakasaad sa The Hague Joint Declaration. Nangangahulugan ito ng pagtatalakay sa borador ng Comprehensive Agreement on Social and Economic Reforms (CASER), na nagpapaliwanag ng mga sosyo-ekonomikong ugat ng armadong tunggalian.
Suporta sa NDFP
Nasa likod ng NDFP negotiating panel ang mga alyadong organisasyon nito sa paggigiit sa batayan at kagyat na mga kahingian ng mamamayan para sa reporma sa lupa at pambansang industriyalisasyon at iba pang hakbangin para sa hustisyang panlipunan at pambansang soberanya. Kinakatawan nila ang pambansa at demokratikong interes ng kani-kanilang sektor.
Kaugnay ng pinirmahang Oslo Joint Statement, naglabas ng pahayag ng suporta ang pambansang pamunuan ng Makabayang Kilusan ng Bagong Kababaihan (Makibaka), Liga ng Agham para sa Bayan (LAB), Katipunan ng mga Gurong Makabayan (Kaguma), Lupon ng Manananggol para sa Bayan (Lumaban), Christians for National Liberation (CNL), gayundin ang Partido Komunista ng Pilipinas at Bagong Hukbong Bayan.
Bukas din itong tinanggap ng mga panrehiyon at pampubrinsyang balangay ng NDFP. Itinutulak ngayon ng mga rebolusyonaryong organisasyon ang pag-aaral at pagbabalik-aral sa mga akda at pahayag ni Kasamang Jose Maria Sison, ng NDFP at ng Partido na may kaugnayan sa usapang pangkapayapaan para buklurin at anihin ang suporta ng mas malawak na masang Pilipino.
Ano ang dapat pag-usapan?
Dapat pag-usapan ang laganap na kawalan ng lupang sakahan ng masang magsasaka sa kanayunan. Dahil isang digmang magsasaka ang digmang bayan, susing usapin ang pagsusulong sa tunay na reporma sa lupa. Binubuklod ng Pambansang Katipunan ng mga Magbubukid (PKM) ang lakas ng magsasaka para isulong ang mga pakikibakang ito.
Walang napala ang masang magsasaka sa mga huwad na reporma sa lupa ng reaksyunaryong estado. Tinukoy ng PKM-Laguna ang kaso ng konsentrasyon ng lupa tulad ng 7,100 ektarya na nasa kamay ng pamilyang Yulo, pinakamalaking asyenda sa Laguna, na sumasaklaw sa Calamba, Cabuyao, Sta. Rosa, at Biñan.
Ayon sa PKM-Laguna, talamak ang pagpapalayas sa mga magsasaka sa lupain ng mga Yulo na ibinebenta sa mga malalaking burgesyang kumprador tulad ng mga Ayala. Isinailalim sa pagpapalit-gamit ang mga irigadong lupa tungo sa mga golf course, subdibisyon, industrial park, at iba pang komersyal na gamit, na walang kapakinabangan sa masang magsasaka. “Paano kami makapagtatanim sa mga sementadong kalsada at mga aspalto na tinatayuan ng naglalakihang gusali? Gutom ang aabutin namin kung ito ay magpapatuloy,” pahayag ng PKM-Laguna.
Dapat pag-usapan ang pagsusulong ng pambansang industriyalisasyon. Ang pagtataguyod nito ay makaaagapay sa pagpapaunlad ng ekonomya. Kinakailangan ito para makalikha ng mga trabaho, itaas ang kita at tugunan ang batayang mga pangangailangan ng mamamayan.
Dapat pag-usapan ang malawakang kahirapan, kawalan ng trabaho at mababang sahod ng masang manggagawa. Ayon mismo sa estadistika ng estado, umabot sa 2.3 milyong trabaho ang naitalang nawala noong Setyembre. Dagdag sa mga nawalang trabaho ang 358,000 na inilaglag sa pwersa ng paggawa sa parehong panahon. Dumarami rin ang bilang ng nagtatrabaho sa impormal na ekonomya.
Tuluy-tuloy na naaagnas ang tunay na halaga ng sahod ng mga manggagawa. Sa NCR, ₱504 na lamang ang tunay na halaga ng natatanggap na minimum na ₱610. Wala pa ito sa kalahati ng ₱1,189 kada araw na antas ng nakabubuhay na sahod. Sa abereyds, 35.5% lamang sa nakabubuhay na sahod ang natatanggap ng mga manggagawa sa buong bansa.
Dapat pag-usapan ang lantarangang pangangayupapa ng rehimeng Marcos sa among imperyalistang US. Hinahayaan nitong kaladkarin ng US ang Pilipinas sa pagsiklab ng inter-imperyalistang gyera laban sa China, at pinagagamit ang buong bansa bilang base sa ilalim ng Enhanced Defense Cooperation Agreement at iba pang tagibang na tratadong militar.
Dapat ding pag-usapan ang pagtatanggol sa pambansang soberanya ng Pilipinas laban sa panghihimasok at pang-aatake ng imperyalistag China sa West Philippine Sea.
Dapat pag-usapan ang pagkakamit ng hustisya sa libu-libong biktima ng mga paglabag sa karapatang-tao. Mula Disyembre 1, 2022 hanggang Disyembre 1 ngayong taon, naitala ng Ang Bayan ang 957 kaso ng paglabag sa karapatang-tao at 127,386 biktima ng rehimeng US-Marcos. Walang pakundangan sa pagsagasa sa mga komunidad sa kanayunan ang armadong pwersa nito, gamit ang kampanya ng aerial bombing, panganganyon at pag-iistraping.
Ito, at iba pang mga sosyo-ekonomikong usapin, ang pilit iniiwasan at gustong tabunan ng rehimeng US-Marcos sa posibleng muling pagbubukas ng negosasyon.