Masaker sa kabuhayan ng mga tsuper at opereytor, pananagutan ni Marcos
Nakaambang tuldukan ng rehimeng US-Marcos ang pampasaherong sasakyan (public utility vehicle o PUV) sa pagpilit nitong ipatupad ang pwersahang pagtatanggal sa daan ng mga tradisyunal na dyip at iba pang sasakyang pangmasa sa tabing ng modernisasyon sa katapusan ng taon. Ibubunsod nito ang pagmasaker sa kabuhayan ng libu-libong tsuper at opereytor at pagpapahirap sa ordinaryong komyuter na lubos na nakaasa sa dyip bilang pangunahing moda ng transportasyon.
Unang hakbang lamang ang sapilitang konsolidasyon ng mga prangkisa at pagbubuo ng mga “korporasyon” o kooperatiba sa tuluy-tuloy na pagtanggal sa mga dyip sa mga lansangan, pagpalit dito ng mga luma at bagong mga sasakyan at paglalatag ng engrande, napakamahal at popondohan ng utang na mga imprastruktura sa transportasyon. (Tingnan ang kaugnay na artikulong “Pagkatay sa hari ng lansangan, sakripisyong alay sa altar ng imperyalistang Japan”)
Noong Disyembre 12, tigas-mukhang idineklara ni Marcos na “70% na ng mga opereytor ang pumaloob at nagkonsolida” sa ilalim ng huwad na programang modernisasyon. Insulto niyang binansagang “minorya” ang libu-libong tsuper at opereytor na lumaban sa huwad na programa mula pa noong 2017. Sa aktwal, dalawang beses na napilitan ang estado na palawigin ang “dedlayn” dulot mismo ng pagtutol ng mayorya ng nasa sektor.
Dagdag pa, purong pambabaluktot ito ng katotohanan. Ayon sa mga tsuper, ang bukambibig na datos ni Marcos ay tumutukoy sa kabuuang bilang ng nagkonsolida para sa lahat ng tipo ng PUV sa buong bansa, kabilang ang mga bus. Ang totoo, 26% pa lamang ng mga yunit ng dyip ang nagkonsolida sa National Capital Region (NCR), habang 36% pa lamang ang sa UV Express. Ipinakikita nito ang laganap na pagtutol ng mga drayber at tsuper sa sapilitang konsolidasyon.
Sa pagpasok ng bagong taon, nasa 30,862 ng mga yunit ng dyip at 4,852 yunit ng UV Express ang hindi makapapamasada sa NCR dahil hindi ito nagkonsolida. Mawawalan ng kabuhayan ang halos 64,000 na mga tsuper at 25,000 na mga opereytor sa NCR. Gutom ang idudulot nito sa halos 20,000 pamilya sa buong NCR. Sa buong bansa, nasa 64,639 yunit ng PUV ang hindi nagkonsolida at mawawalan ng trabaho ang may 140,000 tsuper at 60,000 opereytor. Maaapektuhan nito ang 28.5 milyong pasahero.
Sa pagtatangkang lokohin ang mga tsuper, naglabas ng Memorandum Circular 2023-051 ang Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) noong Disyembre 15, na nagsasabing papayagang makabyahe ang mga yunit na naghain na ng konsolidasyon kahit hindi pa aprubado ng ahensya. Itinuring ito ng mga tsuper na “pailalim” na hakbang ng ahensya para patuloy na pwersahing magkonsolida ng mga prangkisa.
“Budol” ng konsolidasyon
Nasa ₱1.8 milyon-₱2.6 milyon ang presyo ng sasakyang “moderno,” o yaong pasado sa Euro-4 na pamantayan ng emisyon (binubugang usok), na inasembol sa loob ng bansa gamit ang imported na makina at pyesa. Abot ₱4 milyon naman ang buong-imported na sasakyan. Lampas ito sa kakayahan ng mga tsuper at opereytor. Gayunpaman, ilan sa kanila ang nakipagsapalaran, nagkonsolida ng prangkisa, at bumili, sa pamamagitan ng pangungutang, ng mga yunit na nakaayon sa istandard ng programa.
Sa isang lathalain na inilabas ng Ibon Foundation, isiniwalat ang kinahinatnan ng isang kooperatiba na sumuong sa konsolidasyon at “modernisasyon.” Nangutang ang mga drayber at opereytor nito ng tumataginting na ₱70 milyon sa bangko para makakuha ng 15 modernong dyip noong 2020, na dinagdagan nila ng 11 yunit sa sumunod na taon.
Kinailangan nilang maglikom ng ₱33,000 kada buwan para mabayaran ang utang kada sasakyan. Dagdag ang sahod at maintenance sa pagpapatakbo sa kooperatiba. Sa kwenta nila, kinakailangang makapag-remit ng ₱6,000-₱7,000 ang bawat yunit araw-araw para hindi malugi ang kanilang operasyon. Sa karanasan, hanggang ₱3,000 lamang ang kayang i-remit kada yunit.
Doble pasakit sa kanila ang mataas na presyo ng langis dahil doble ang kinukonsumo ng modernong dyip. Dulot nito, hindi nakasasapat para sa mga drayber at kanilang pamilya ang buwanang kita. Ang iba sa kanila, bumalik na lamang sa pagmamaneho ng tradisyunal na dyip na mas mababa ang konsumo sa langis at pagbabayad ng bawndari sa opereytor.
Ayon sa mga drayber at opereytor, sa tagal na nilang namamasada, dito lamang sila sa “modernisasyon” nalugi. Ayon pa sa isa, dati ay kumikita siya ng ₱3,900 sa sistemang bawndari sa tatlong yunit ng tradisyunal na dyip, sa “moderno” hanggang ₱625 lamang ang kanyang arawang kita.
Krisis sa transportasyon
Walang duda, napakalaking perwisyo sa mga komyuter ang biglaan at pwersahang pag-aalis ng mga tradisyunal na dyip sa daan pagpasok ng taon, o kahit matapos ang palugit ng LFTRB habang nasa proseso ng konsolidasyon ang mayorya ng mga prangkisa. Sa Metro Manila lamang, tinatayang nasa 75.8 milyong pasahero ang isinasakay ng mga ito kada kilometro, ayon sa isang pag-aaral noong 2015. Ito ang pinakalaganap na moda ng transportasyon, pinakaabot-kaya, at ayon sa mga eksperto, pinakaangkop sa klima at umiiral na mga daan sa Pilipinas, laluna sa mga prubinsya.
Tinatayang lagpas doble ang itataas ng pamasahe, oras na tanggalin ang mga hari ng lansangan. Sa pag-aaral ng isang institusyon sa University of the Philippines noong 2021, maaaring umabot nang hanggang ₱34 ang minimum na pamasahe sa modernong dyip, mula sa kasalukuyang ₱13 para sa unang apat na kilometro sa tradisyunal. Ngayon pa lamang, mas mahal na nang ₱2 ang pamasahe sa modernong dyip.
Ayon sa pag-aaral, mapipilitang magtaas ng singil sa pamasahe ang mga kooperatiba para mabayaran ang napakamahal na mga modernong dyip at saklawin ang pana-panahong pagpapaayos dahil sa mababang kalidad ng mga ito.
Buhay-o-kamatayang laban
Muling naglunsad ng tigil-pasada at malawakang protesta ang mga tsuper at opereytor sa buong bansa nitong Disyembre. Ikinasa nila ang dalawang-araw na tigil-pasada noong Disyembre 14-15 at nagtungo sa Mendiola para magprotesta. Sigaw nila: Marcos traydor sa tsuper, walang puso sa komyuter, tuta ng korporasyon at dayuhan!
Inianunsyo din ng grupong Pagkakaisa ng mga Samahan ng Tsuper at Operator Nationwide (Piston) at Samahang Manibela Mananakay at Nagkaisang Terminal ng Transportasyon (Manibela) ang pagpapatuloy ng kanilang mga protesta, aksyong masa at tigil-pasada hanggang matapos ang taon, bago sila tuluyang pagbawalang mamasada sa lansangan.
Ayon sa Piston at Manibela, tuluy-tuloy na lalabanan ng mga tsuper, opereytor at mamamayan ang sapilitang konsolidasyon at palpak, pahirap, at huwad na PUV Modernization Program. Determinado silang “isandal sa pader” ang rehimeng Marcos at papanagutin ito sa pagmasaker sa kabuhayan ng maralitang Pilipino.