Magsasaka sa Northern Samar, pinatay ng 74th IB
Pinatay sa walang-patumanggang pamamaril ng mga sundalo ng 74th IB ang magsasakang si Pido Mendes sa Barangay San Jose, Mapanas, Northern Samar noong Nobyembre 22. Nasa kasagsagan noon ng isang focused military operation ang naturang yunit militar na nakapailalim sa kumand ni BGen. Noel Vestuir ng 802nd IBde.
Mula 2013, tinutugis na si Mendes, 60, ng mga sundalo matapos siyang makatakas sa panghuhuli ng 34th IB. Simula noon, tumitira na siya sa kanyang sakahan sa bukid para iwasan ang mga sundalo.
Pag-aresto. Matapos ang palabas na engkwentro ng 94th IB, inaresto ng mga sundalo ang magsasakang si Pokoy Rebradilla, kasama ang kanyang anak, sa Sityo Karanawan-Buli, Barangay Buenavista, Himamaylan City, Negros Occidental noong Disyembre 7. Isinailalim siya sa tortyur at iligal na ikinulong sa kampo nito sa Barangay Tambo, Ayungon, Negros Oriental.
Pagdukot. Dinukot noong Disyembre 18 at ipinresenta bilang “surrenderee” noong Disyembre 18 ng 11th IB ang dalawang buntis na hors de combat na mga mandirigma ng Bagong Hukbong Bayan (BHB)-Southeast Negros. Dinampot sila sa Siaton, Negros Oriental at kasalukuyang itinatago ng militar.
Militarisasyon. Nagtambak ng ilandaang tropang militar ang 62nd IB sa Binalbagan at karatig na mga bayan sa Negros Occidental simula Disyembre 9. Layunin nitong patahimikin at supilin ang mga kaanak at residente sa kanilang panawagang hustisya para kay Braulio “Banny” Tubalado na pinatay ng mga sundalo noong Disyembre 6.
Higit 100 sundalo ng 62nd IB ang nag-ooperasyon sa Sityo Sunflower sa Barangay Santol at Sityo Tambo, Barangay Amuntay, pareho sa Binalbagan. Sapilitang pinalikas ng mga sundalo ang 15 pamilya mula sa Sityo Karanawan, Barangay Amuntay noong Disyembre 9. Umabot sa 100 katao ang apektado ng pagpapalikas, kabilang ang mga bata.
Panggigipit. Arbitraryong idinetine at idineport ng rehimeng US-Marcos si Edna Becher, Filipina-Swiss na aktibista at tagapangulo ng Anakbayan-Switzerland, noong Disyembre 7. Ikinulong siya ng higit sa dalawang oras sa NAIA Terminal 3 bago pwersahang pinabalik sa Switzerland. Inilagay siya sa “blacklist” o mga pinagbawalang maka-pasok sa bansa dulot ng kanyang umano’y “kontra-gubyernong mga aktibidad.” Isa si Becher sa mga aktibistang nagprotesta laban kay Marcos Jr sa Switzerland noong Enero.
Sa Bicol, ginigipit ng 903rd IBde si Reynard Magtoto, myembro ng National Union of Journalists of the Philippines (NUJP) at mamamahayag ng Baretang Bikolnon.
Samantala, nagpyansa noong Disyembre 18 ang dalawang lider-masa sa Cebu sa kasong frustrated homicide na isinampa ng militar. Nagpyansa sina John Ruiz III, koordineytor ng Bayan Muna Central Visayas, at Jhonggie Rumol matapos malaman ang kasong nagdadawit sa kanila sa armadong engkwentro ng BHB at AFP sa Toboso, Negros Occidental noong Abril.