Mga protesta

,
Ang artikulong ito ay may salin sa English

 

Raling-iglap ng KM. Mapangahas na inilunsad ng Kabataang Makabayan (KM) ang iglap-protesta sa kahabaan ng Recto Avenue sa Maynila noong Disyembre 10. Nagraling-iglap din ang KM-Southern Tagalog sa UP-Los Baños noong Disyembre 19. Isinagawa nila ito sa gitna ng paglagay ng rehimeng US-Marcos sa organisasyon sa listahan ng mga “teroristang organisasyon.” Ang rali ay bahagi ng pagdiriwang sa ika-59 anibersaryo ng KM noong Nobyembre 30.

Tanggalan sa Converge ICT. Tutol ang mga manggagawa ng Converge ICT sa pagtatanggal sa 600 manggagawa ng Metroworks (kapatid na kumpanya ng Converge) sa buong Metro Manila noong Nobyembre. Nagpiket sila sa sa Regional Conciliation and Mediation Board-NCR sa Quezon Avenue, Quezon City noong Disyembre 6 kasabay ng pagdinig sa “redundancy program” at “cost-cutting” ng kumpanyang Converge ICT. Pag-aari ang kumpanya ni Dennis Anthony Uy na taga-Angeles City.

Petisyon kontra NTF-Elcac sa Negros. Nagprotesta sa harap ng lokal na Commission on Human Rights sa Bacolod City noong Disyembre 7 ang mga magsasaka at maralitang Negrosanon para igiit ang kagyat na pagbubuwag sa National Task Force-Elcac. Kasabay nito, naghain sila ng pormal na petisyon at nakipagdayalogo sa mga upisyal ng ahensya. Pinirmahan ng 1,500 magsasaka at maralita ang petisyon. Pinangunahan ang pagpetisyon ng Human Rights Advocates Negros at Kilusang Magbubukid ng Pilipinas-Negros.

Pribatisadong serbisyong patubig sa Bulacan, binatikos. Nagprotesta sa harap ng upisina ng Water District sa Barangay Minuyan III, San Jose del Monte, Bulacan ang mga kasapi at tagasuporta ng Alliance for Consumers Protection-CSJDM noong Disyembre 11 para batikusin ang pangit na serbisyo at patung-patong pang mga singilin nito sa mga konsyumer. Isinapribado ang serbisyong patubig simula noong Mayo 2018 nang pumasok ang lokal na gubyerno sa joint venture agreement kasama ang PrimeWater Infrastructure Corporation, pag-aari ng pamilyang Villar.

Mga mangingisda ng Sorsogon, tagumpay. Napatanggal ng mga mangingisda sa Gubat, Sorsogon ang ilan sa anti-mangingisdang probisyon sa Fishery Administrative Order No. 264 ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources noong Disyembre 11 matapos ang pagpetisyon at sama-samang pagkilos ng Save Gubat Bay Movement simula pa Hunyo. Muli na silang mapahihintulutan na mangisda ng mga king crab na hindi makatarungang ipinagbawal ng ahensya.

Mga protesta