Unang taon ng pagkamartir ni Ka Joma, ginunita

,

Ginunita sa pamamagitan ng mga kumperensya at pangkulturang pagtatanghal ang unang taon ng pagkamartir ni Kasamang Jose Maria Sison, dakilang lider, guro at komunistang Pilipino.

Nagtipon sa University of the Philippines (UP)-Diliman ang daan-daang indibidwal, kapwa mga beteranong aktibista at kabataan, para sa isang talakayan at repleksyon sa mga sulatin ni Ka Joma. Pinamagatang “Reflections on Palestine, the Philippines, and the Struggle for a Just and Lasting Peace,” nagbigay ng mga repleksyon o personal na paglalarawan ang mga panauhin ng aktibidad sa mga sulatin ni Ka Joma kabilang ang “Our Urgent Tasks,” artikulo sa agresyon at masaker ng Israel sa mamamayang Palestino, mga sulatin sa usapang pangkapayapaan sa pagitan ng NDFP at GRP, “On Revolutionary Violence,” at kanyang huling pahayag na “Hindi magagapi ang demokratikong rebolusyon ng sambayanang Pilipino.”

Sa Utrecht, The Netherlands, nagtipon ang mga kasama at kaibigan ng rebolusyonaryong kilusan sa Pilipinas sa upisina ng NDFP International kung saan tampok ang mga talumpati, awit, pagbasa ng tula at iba pang tipo ng kultural na pagtatanghal para gunitain ang makulay at makabuluhang buhay ni Ka Joma.

Inilunsad din ng mga yunit ng Partido Komunista ng Pilipinas at Bagong Hukbong Bayan sa buong bansa ang iba’t ibang aktibidad para gunitain at pagpugayan si Ka Joma. Sa ilang larangan, isinabay sa araw na iyon ang muling pagsumpa sa bandila ng Partido para pagtibayin ang buong pusong pagsisilbi sa mamamayang Pilipino at pag-aalay ng buhay sa pagtatagumpay ng demokratikong rebolusyong bayan.

Unang taon ng pagkamartir ni Ka Joma, ginunita