Paggalang sa internasyunal na makataong batas, puspusang ipinaglaban

,
Ang artikulong ito ay may salin sa EnglishBisayaHiligaynon

Mabilis na nagpadala ng mga pangkat ang Karapatan-Southern Tagalog at iba pang grupo sa Batangas at Quezon noong nakaraang linggo para tiyakin na igagalang ng mga armadong pwersa ng reaksyunaryong estado ang internasyunal na makataong batas. Umagapay sila sa masang magsasaka at umalalay sa mga kaanak ng mga Pulang mandirigma ng Bagong Hukbong Bayan sa pagtiyak ng kanilang mga karapatan.

Sa Batangas, inasikaso ng pangkat at pamilya ang pagkuha sa mga bangkay ng mga mandirigmang sina Junalice Arante-Isita (Ka Arya), Bernardo Bagaas (Ka Mamay/Mike) at Erickson Cueto (Ka Ricky/Vale) na napaslang sa pag-atake ng 59th IB noong Marso 26 sa Barangay Elvita (Tubahan), Rosario, Batangas.

Sa Quezon, tumulong sila sa pamilya nina Divine Sureta (Ka Zoe) at Paul Cruz (Ka Isko), mga mandirigmang namartir sa engkwentro sa Guiniyangan noong Marso 28.

Sa parehong pagkakataon, dumanas sila ng panggigipit mula sa pulis at militar. Labis na inantala ang pamilya sa pagkuha sa labi ng kanilang mga kaanak at ginambala pati ang mga komunidad na pagdadausan ng lamay. Gayunman, matapang nilang iginiit ang karapatan ng mga pamilya at nanindigan na dapat igalang ang internasyunal na makataong batas.

Isang pangkat din ang ipinadala nila sa Calauag, Quezon para alamin ang kalagayan ni Randy Reota, iniulat ng militar na sumukong kasapi ng BHB noong Marso 25. Nais nilang tiyakin ang paggalang sa mga karapatan ni Reota.

Paggalang sa internasyunal na makataong batas, puspusang ipinaglaban