Protestang magsasaka laban sa liberalisasyon, muling bumwelo sa India

,
Ang artikulong ito ay may salin sa EnglishBisayaHiligaynon

Noong Marso, hinikayat ng Communist Party of India-Maoist (CPI)-Maoist ang puu-puong libong magsasaka na ipagpatuloy ang kanilang protesta hanggang di nila nakakamit ang kanilang mga hinihingi. Mula kalagitnaan ng Pebrero, tuluy-tuloy ang mga pangmasang pagkilos na nilalahukan ng 30,000-50,000 magsasaka para igiit ang makatarungang presyo ng bilihan ng kanilang mga produkto at pagpapatupad ng mga pangako ng naghaharing partidong Bharatiya Janata Party (BJP) sa nakaraang dalawang taon.

Sakay sa kanilang mga traktora, binalak ng mga magsasaka na dalhin sa Delhi, kabisera ng India, ang kanilang protesta pero hinarang at dinispers sila sa Shambu, isang bayan na 200 kilometro ang layo sa kabisera. Mula Pebrero 13, paulit-ulit na binuwag ng mga sundalo at pulis ang kanilang protesta sa pamamagitan ng pagbagsak ng bombang teargas gamit ang mga drone at pamamaril gamit ang tunay na bala at rubber bullets. Di bababa sa dalawang raliyista ang napatay at daan-daan ang nasugatan. Mayroong mga nabingi at nabulag dahil sa pang-aatake. Karamihan sa mga kalahok sa protesta ay mula sa estado ng Punjab at Haryana.

Noong Marso 14, tumulak sa Delhi ang 5,000 sa kanila sa pangunguna ng Samyukt Kisan Morcha (Di Pulitikal) at Kisan Mazdoor Morcha. Kinatawan nila ang di bababa sa 40 unyong pangsakahan na kalahok sa protesta sa pakikipagdayalogo sa gubyernong Indian.

Ang panibagong bugso ng pagkilos ay karugtong ng mahigit isang taong protesta at pagkakampo ng mga magsasaka noong 2020-2021 na nagpaatras sa tatlong batas na naglayong isailalim ang sektor ng agrikultura sa mga patakaran liberal. Isa sa mga pangako noon si Narenda Modi, punong ministro ng India, ang pagdodoble ng kita ng mga magsasaka bago matapos ang kanyang kasalukuyang termino sa 2025.

Dalawang taon matapos ang mga pangako, nangalahati ang kita ng mga magsasaka. Mas malala, tinatangka ng rehimeng Modi na ilusot ang liberalisasyon sa kalakalan at pribatisasyon ng mga serbisyo sa agrikultura nang hindi idinadaan sa parlamento.

Sa kasalukuyang pagkilos, iginigiit ng mga magsasaka na pagtibayin ng estado ang minimum price support (MSP) o presyo ng pagbili ng estado ng mga produkto laban sa pambabarat ng mga komersyante at biglaang mga pagbagsak ng presyo ng merkado. Anila, dapat itakda ang MSP na 50% na mas mataas sa gastos nila sa produksyon, para matiyak na mabubuhay nila ang kanilang mga pamilya. Panawagan nilang saklawin nito ang lahat ng mga pananim, at hindi lamang sa 23 pananim tulad ng ipinatutupad ng BJP.

Kaugnay nito, ipinanawagan nila ang pagbasura sa mga kasunduan na pinasok ng India sa World Trade Organization at hindi pagpasok sa anumang kasunduan para sa “malayang kalakalan.” Kinundena nila ang pagtutulak ng makapangyarihang bloke sa WTO para sa pagbabasura sa sistemang MSP bilang isang porma ng subsidyo. Tinututulan din nila ang pagtutulak ng WTO para sa pagtatanggal ng subsidyo sa abono, pestisidyo, binhi, kuryente at iba pang serbisyo na lubhang kinakailangan ng mga magsasaka.

Iginigiit ng mga magsasaka ang pagbura ng kanilang mga utang, na naipagtagumpay nila sa mga pagkilos noong 2020-2021. Ipinanawagan din nila ang hustisya para sa 750 magsasakang namatay dulot ng pandarahas ng estado sa mga pagkilos na ito.

Ang pakikibaka ng mga magsasaka ay hindi hiwalay sa pakikibaka ng iba pang sektor ng lipunang Indian, partikular sa pakikibaka ng mga Adivasi (pambansang minorya), ayon sa CPI-Maoist. Kapwa layuning ng mga kilusang ito ang ipagtanggol ang kayamanan at likas na rekurso ng bansa. Sa gayon, dapat suportahan ito ng lahat ng demokratikong sektor ng lipunang Indian, tulad ng pagsuporta nila sa mga protesta noong 2020-2021. Nasa 40%-60% ng 1.4 bilyong mamamayang Indian ay nakaasa sa agrikultura. Mahigit kalahati sa kanila ay walang sariling lupa, at ang iba ay maliliit na magsasaka.

Protestang magsasaka laban sa liberalisasyon, muling bumwelo sa India