3 sibilyan, pinaslang ng AFP sa Negros at Masbate
Pinaslang ng mga sundalo ng Armed Forces of the Philippines (AFP) ang tatlong sibilyan sa Negros Occidental at Masbate sa nagdaang mga linggo. Ang Negros Occidental at Masbate ang una at pangalawang may pinakamaraming naitalang biktima ng pagpaslang sa ilalim ng rehimeng Marcos.
Noong Agosto 22, brutal na pinaslang ng 94th IB ang mag-asawang sibilyan na sina Marvin Incancion, 37, at Jolina Martinez, 27, sa kanilang kubo sa Sityo Pisok, Barangay Buenavista, Himamaylan City, Negros Occidental. Namatay sila sa mga tama ng baril sa ulo. Halos hindi na makilala ang mukha ni Martinez dahil sa tindi ng pamamaril.
Noong Setyembre 1, pinaslang ng 2nd IB ang 30-anyos na magsasakang si Tata Bacutin sa Barangay Pili, Placer, Masbate sa kasagsagan ng pananalasa ng Bagyong Enteng. Siya ang ika-33 biktima ng pampulitikang pamamaslang sa prubinsya.
Pinalalabas na mga Pulang mandirigma na napatay sa engkwentro ang mga biktima.
Blokeyo sa pagkain. Labis na gutom at perwisyo ang idinudulot ng ilang linggo nang blokeyo sa pagkain ng 80th IB at 70th IB sa apat na sityo ng Barangay Umiray, General Nakar, Quezon. Hinaharang ng mga sundalo ang mga sako ng bigas at iba pang pagkain para sa mga tindahan sa mga nasabing sityo dahil sa walang-batayang paratang na ang mga iyon ay para sa Bagong Hukbong Bayan.
Pag-aresto. Dinukot ng mga pulis at militar at sinampahan ng gawa-gawang kasong kriminal sina Cirila Estrada, dating bilanggong pulitikal, at Victor Pelayo sa Capiz noong Agosto 29. Hindi sila kaagad inilitaw at natunton lamang ng mga grupo sa karapatang-tao at kaanak sa istasyon ng pulis sa Roxas City matapos ang dalawang araw.
Sa Quezon, iligal na inaresto ng mga pulis ang magniniyog na si Roberto Mendoza noong Setyembre 1 sa Barangay Silongin, San Francisco. Si Mendoza ay ama ng tagapagtanggol ng karapatang-tao na si Lieshel Mendoza na ginigipit ng 85th IB. Winasak rin ng mga pulis ang dingding ng kanyang kubo matapos itong halughugin.
Panggigipit. Iligal na kinuha ng mga sundalo ng 3rd Civil-Military Operations Battalion ng 3rd ID ang mga pangalan ng mga kasapi at upisyal ng Asosasyon sang Magagmay nga Mangingisda sa Santiago sa Barangay Santiago, Barotac Viejo, Iloilo noong Agosto 18. Sa Maynila, iniulat sa barangay ni Enrique Lozada Jr (Teng), tagapagsalita ng Bayan-Manila, noong Agosto 19 ang sarbeylans ng pulis sa kanya.