60 pambobomba at panganganyon sa ilalim ng rehimeng US-Marcos
Sa gitna ng malawakang gutom at kahirapan, inianunsyo noong Agosto 29 ni Gilbert Teodoro, kalihim ng Department of Defense, ang plano ng Armed Forces of the Philippines (AFP) na bumili ng mga misayl at 40 eroplanong pandigma sa halagang ₱300-₱400 bilyon. Bibilhin ang mga ito mula sa mga Amerikanong kumpanya sa armas at kanilang mga subsidyaryo.
Sa kasalukuyan, sinasabing may 224 panghimpapawid na sasakyang panggera ang AFP. Ginagamit ang mga ito sa mga walang pakundangang pambobomba sa kagubatan at mga sibilyang komunidad sa hibang na layunin ng AFP na “gapiin” ang rebolusyonaryong kilusan.
Hindi bababa sa 60 ang naitala ng Ang Bayan na mga kaso ng pambobomba, panganganyon at istraping mula Hulyo 2022 hanggang Hunyo 2024. Ang 32 dito ay aerial bombing o paghuhulog ng di bababa sa apat na malalaking bomba gamit ang mga FA-50, Super Tucano at mga pang-atakeng helikopter.
Pinakamarami ang naitalang pambobomba at pang-iistraping sa Bukidnon, kasunod sa Northern Samar, Abra, Kalinga, Cagayan at Aurora. Nagkaroon din ng mga pambobomba sa Oriental Mindoro, Western Samar, Misamis Oriental, Apayao, Surigao del Sur, Agusan del Norte, Iloilo, Negros Occidental, Quezon at Camarines Sur, Nueva Vizcaya, Agusan del Sur, Zamboanga del Norte, Negros Oriental, Masbate at Samar.
Sa lahat ng pagkakataon, kasabay ng mga pambobombang ito ang panganganyon at masasaklaw at matatagal na operasyong kombat ng militar na pinagmumulan ng laganap na pang-aabuso at mga paglabag sa karapatan ng mga sibilyan.