Koresponsal Kalunus-lunos na kalagayan ng mga magsasaka ng mais sa Bukidnon

,

Bago pa man sumikat ang araw, nagbabanat na ng buto si Tatay Arman sa kanyang tatlong ektaryang maisan sa Bukidnon. Humihinto lamang siya sa pagtatrabaho bago lumubog ang araw. Siya ang gumagawa sa lahat ng gawain dito—mula sa pagtatanim, pag-spray ng pestisidyo, pag-abono hanggang sa pag-aani. Sa kabila ng kanyang pagsisikap, kikita lamang siya ng ₱48,210 sa apat na buwang siklo ng anihan.

Ang kapabayaan ng reaksyunaryong gubyerno ang pangunahing dahilan ng paghihirap ni Tatay Arman. Walang suporta ang estado sa katulad niyang mahirap na magsasaka para makaagapay sa mahal na gastos sa produksyon. Wala ring subsidyo sa pagpepresyo ng kanyang ani para mabawi niya ang ginastos na kapital. Dahil dito, napipilitan siyang mangutang sa mga institusyon at indibidwal sa napakataas na interes para makapagtanim sa susunod na siklo ng anihan.

Tila pinaglalaruan si Tatay Arman at katulad niyang mga magsasaka pagdating sa bentahan ng kanilang ani. Itinataas ng mga komersyante ang presyo kapag kulang o halos walang inaani ang mga magsasaka at ibinababa tuwing anihan. Kwento ni Tatay Arman, umabot noong Hunyo sa ₱23 kada kilo ang bilihan ng mais sa panahong wala silang maibenta dahil sa El Niño. Bago nito, nasa ₱16/kilo lamang ang bilihan.

Imperyalistang monopolyo sa mais

Hindi sana malaki ang gastos ni Tatay Arman kung naipagpatuloy niya ang tradisyunal na organikong pagsasaka. Dulot ng imperyalistang monopolyo sa sektor ng agrikultura sa bansa, napipilitang gumamit ang mga magsasakang tulad niya ng mga high-yielding variety ng mais at nakasisirang mga kemikal at abono.

Kadalasan, napipilitang gumamit ang mga magsasaka ng Pioneer na klase ng mais, isa sa mga genetically modified organism (GMO) na binhi. Upang epektibong tumubo ang naturang binhi, kinakailangan itong gamitan ng mga abonong tulad ng Urea, na umabot na sa ₱1,400 kada sako. Ang abono ring ito ay nagdudulot ng iba’t ibang uri ng peste sa mais, kaya’t napipilitang bumili ang mga magsasaka ng spray tulad ng Alecta na nagkakahalaga ng ₱1,400 bawat galon.

Natuklasan ng mga magsasaka na ang pestisidyong kanilang ginagamit ay nagdudulot ng pagdami ng damong “bila-bila” (paragis grass o goosegrass) na hindi kayang patayin ng parehong spray. Napipilitan ang mga magsasaka na bumili ng ibang uri ng spray o kaya’y manu-manong bunutin ang damo. Dagdag dagok rin sa mga magsasaka ang mga uod na kumukutkot sa kanilang mais, bunga ng ilang buwang tagtuyot.

Mapagsamantalang usura sa kanayunan

Malaking pahirap sa mga magsasaka ang napakataas na interes sa pautang na ipinapataw ng malalaking usurero. Sa kaso ni Tatay Arman, napilitan siyang umutang ng abono at pestisidyo sa halos 50% na interes.

Aniya, wala siyang mapagpipilian dahil halos magkapareho ang singil ng mga usurero. Sa bayan niya, 10% ang ipinapataw na interes ng mga usurero sa mga dating mangungutang, pero halos 50% kung baguhan. Dahil dito, palaging lugi si Tatay Arman. Aniya, “Ingles gyud pirme kung ting-ani, short.” (“Ingles na lang lagi kapag tag-ani, short.”)

Walang pagkakaiba ang kalagayan ni Tatay Hildo na matagal nang nakaasa sa pautang para sa kanyang isang ektaryang maisan. Umutang siya ng kabuuang ₱71,370 para makapagtanim, sa 10% interes. Pagsapit ng anihan, kumita siya ng ₱67,200, kulang nang ₱4,170 hindi pa kasama ang interes.

Kung sinusubsidyuhan ng estado ang presyo ng bilihan ng mais para manatili ito sa ₱23/kilo, may kaunting ginhawa sana ang mga magsasaka. Sa maisan ni Tatay Arman, sa presyong ito, maaari siyang kumita ng ₱37,890 o ₱421 kada araw.

Ang Bukidnon ang pangalawang pinakamalaking prodyuser ng mais sa buong bansa. Umaabot sa higit 500,000 metriko tonelada (o 500 milyong kilo) ang produksyon ng mais sa buong prubinsya. Dahil sa kapalpakan ng estado, makikita rin dito ang malaking bilang ng mga gutom at lubog sa kahirapan na mga magsasaka.

____
Mula sa Ang Kalihukan, rebolusyonaryong pahayagan ng mamamayan ng North Central Mindanao Region.

Kalunus-lunos na kalagayan ng mga magsasaka ng mais sa Bukidnon