Mababang pamantayan sa kahirapan, instrumento para baratin ang sahod
Kabi-kabila na batikos ang inabot ng rehimeng Marcos nang ipagtanggol ng mga upisyal nito ang ₱21/kainan o ₱64/araw bilang pamantayan ng gutom at ₱91/araw bilang pamantayan ng kahirapan. Gamit ito, pinalalabas ni Marcos na hindi na “hirap sa pagkain” ang isang 5-ka-taong pamilya na gumagastos ng ₱9,581/buwan. Gamit ang imbentong mga presyo at singil, ipinagmalaki ng kasalukuyang rehimen na “bumaba” ang bilang ng naghihirap na mga Pilipino mula 18.1% noong 2021 tungong 15.5% noong 2023.
Para ibaba ang pamantayan ng kagutuman, binago ng gubyernong Marcos ang laman ng “subsistence food basket” o listahan ng mga pagkain para mabuhay ang tao. Halimbawa nito ang pagtakda ng nudels bilang ulam at monggo na may dilis bilang pagkukunan ng protina, sa halip na isda o karne, na inalis sa listahan. Binawasan na nga ang laman ng basket, inimbento pa ang presyo, tulad ng ₱7/pakete para sa nudels imbes na ₱11/pakete at ₱4 para sa kapeng 3-in-1 imbes na ₱8 kung bilhin nang tingian.
Pinaliit ng mga upisyal ni Marcos ang gastos na “hindi pagkain” tulad ng sa pabahay, tubig, kuryente, pamasahe, serbisyong medikal at iba pang batayang pangangailan. Malayo ito sa katotohanan, dahil singil pa lamang sa kuryente ng karaniwang pamilya, halos maubos na ito. Noong Hunyo, nagbabayad na ng ₱1,890.32 (₱60/araw o ₱12/tao) ang isang pamilyang kumukonsumo lamang ng 200kwh/buwan. Hindi sapat ang matitirang ₱15 para sa minimum na balikang pamasahe.
Liban sa layunin nitong lumikha ng umuunlad na kalagayan ng mamamayan, ang manipulasyong ito sa estadistika ay paraan upang lalong hilahin pababa o pigilan ang pagtaas ng sahod at sweldo ng mga manggagawa at kawani. Ginagamit itong katwiran upang sagkaan ang pagbibigay ng makabuluhang umento sa minimum na sahod, na ginagamit ding salalayan para pigilan ang pagtaas ng sahod ng mga manggagawang may kasanayan. Dahil dito, tuluy-tuloy na sumasadsad ang antas ng kabuhayan ng masang manggagawa, magsasaka, mga kawani at karaniwang mamamayan.
Noong 2023, itinakda lamang ng estado ang pambansang sukatan ng kahirapan sa ₱13,873/buwan o ₱462.43/araw. Halos kalahati lamang ito sa tantya ng Ibon Foundation na ₱26,210/buwan o ₱873.66 kada araw (na katumbas ng ₱1,207 na arawang sahod sa 5-araw na linggong pagtatrabaho). Ginagamit ng rehimeng Marcos ang napakababang sukatang ito ng kahirapan upang bigyang matwid ang barya-baryang dagdag sahod na ₱35/araw noong 2023 at ₱40/araw ngayong 2024.
Mas malala pa dito ang ipinatutupad na “two-tier” o dalawang andanang sistemang pasahod na sinimulan noong 2012 una sa Southern Tagalog. Itinatakda ang unang andana na mas mababa pa sa minimum na sahod o sa karaniwang tinatanggap na sahod ng mga manggagawa sa rehiyon, bagay na lalong humihila sa sahod ng mga manggagawa. Ang ikalawang andana na diumano’y ibabatay as produktibidad, ay itinatakda lamang sa kapritso ng kapitalista at kailangan pang idaan sa negosasyon.
Nakabubuhay na sahod laban sa kahirapan
Sa pag-aaral ng Ibon, mas reyalistikong tingnan ang bilang ng mga pamilyang Pilipino na nabubuhay nang mas mababa sa nakabubuhay na sahod para makita ang tunay na mukha ng kahirapan. Anito, nasa 13.7 milyong pamilya ang nabubuhay sa ₱23,000/buwan pababa. Samantala, ang 19.2 milyon na nabubuhay sa ₱29,000/buwan pababa ay maaring ituring na nakatuntong sa “poverty line.”
Alinsunod sa kalkulasyon ng Ibon, hindi bababa sa ₱26,261/buwan ang pangangailangan ng isang 5-kataong pamilya para mabuhay nang disente. Pinakamalaking bahagi nito ang mapupunta sa gastos sa pagkain (₱13,740), kasunod sa pabahay (₱4,666), kuryente, tubig, LPG, iba pa (₱2,722), iba pang serbisyo (₱1,788) at transportasyon (₱1,487). Ang natitira (₱1,851) ay hahatiin para sa gamit sa bahay, komunikasyon, gastos pangkalusugan, pananamit, edukasyon, espesyal na mga okasyon, alak, pang-aliw, pang-impok at iba pa.
Sa isang pag-aaral naman ng Ateneo Policy Center noong Agosto, mangangailangan ang isang pamilya ng hindi bababa sa ₱693/araw (₱20,790 kada buwan o ₱138.66/tao) para pa lamang sa pagkain. Ito ay para tugunan ang rekisitong diyeta na itinakda sa “Pinggang Pinoy” ng Food and Nutrition Research Institute (FNRI) ng estado. Gamit ang pinakamurang mga sangkap, natuklasan ng pag-aaral na nagkakahalaga ng di bababa sa ₱46.20/kainan ang maituturing na malusog na diyeta sa National Capital Region, habang ₱43.80/kainan naman ang sa ibang bahagi ng bansa.