Mga protesta
Mga protesta sa pagbubukas ng mga unibersidad. Daan-daang kabataan sa mga unibersidad ang naglunsad ng mga protesta noong Agosto bilang pagsalubong sa pagbubukas ng klase. Ipinanawagan nila ang dagdag-pondo para sa edukasyon, pagtigil sa komersyalisasyon sa edukasyon, pagtutol sa pagtataas ng matrikula at iba pang mga bayarin, pagtataguyod sa akademikong kalayaan at iba pa. Itinampok din nila ang ibang isyung pambayan. Nagkaroon ng pagkilos sa lahat ng kampus ng University of the Philippines. Naiulat ang mga protesta sa University of Sto. Tomas, Ateneo de Manila University, Far Eastern University, Saint Louis University, Pamantasan ng Lungsod ng Maynila, Technological University of the Philippines-Manila at Bulacan State University.
Mga katutubo sa South Cotabato, nagtipon kontra-mina. Mahigit 500 katutubong B’laan at T’boli ang nagtipon sa Sityo Tablo, Barangay Maan, T’boli, South Cotabato noong Agosto 22 para iparating sa NCIP ang kanilang pagtutol sa pagmimina ng 88 Kiamba Mining and Development Corporation at lahat ng iba pang aplikasyon para sa pagmimina sa kanilang lugar. Ang pagtitipon ay tugon sa ipinatawag na konsultasyon ng NCIP, pero di ito sinipot ng ahensya.