Pagtutuloy sa usapang NDFP-GRP, muling itinutulak
Nagsagawa ng pagsamba (liturgical celebration) ang National Council of Churches of the Philippines (NCCP) at Philippine Ecumenical Peace Forum noong Setyembre 1 para gunitain ang ika-32 taong paglagda sa The Hague Joint Declaration ng mga kinatawan ng National Democratic Front of the Philippines (NDFP) at ng Government of the Republic of the Philippines (GRP) sa The Hague, Netherlands. Nilalaman ng deklarasyong ito ang balangkas ng negosasyon at ang pagkakasunud-sunod ng mga sustantibong adyenda para makamit ang makatarungan at matagalang kapayapaan.
Bago nito, kinundena ng mga rebolusyonaryong pwersa ang pahayag ni Eduardo Año, National Security Adviser, na nagsabing hindi niya nakikitang matutuloy ang usapang pangkapayapaan. Salungat ito sa pahayag na nagsabing “positibo” ang rehimeng Marcos na magbubunga ang usapan sa isang “pinal na kasunduan.”
Sa harap ng magkakasalungat na senyales mula sa GRP, muling pinagtibay ng NDFP ang kahandaan nito para sa usapan bilang epektibong paraan para tugunan ang mga ugat ng umiiral na gera sibil. Ayon naman sa Partido Komunista ng Pilipinas, ang pagsulong ng usapan ay lubos na nakadepende sa lakas ng boses ng sambayanang Pilipino at sa sama-sama nilang pagtulak sa rehimeng Marcos na pakinggan ang matagal nang sigaw para sa tunay na reporma sa lupa at pambansang industriyalisasyon at ang kahilingan para sa pagwawakas sa mga pang-aabuso sa karapatang-tao at internasyunal na makataong batas.