Editoryal

Nagpapatuloy na kasaysayan ng paglaban sa mga base militar ng US

, ,

Gugunitain ng sambayanang Pilipino sa mga darating na araw ang makasaysayang pagtatapos sa Military Bases Agreement noong Setyembre 16, 1991. Araw iyon na itinakwil ng Senado ng Pilipinas ang panukalang palawigin nang sampung taon ang pananatili ng mga base militar ng US bansa. Mistulang bulkang sumabog na humugos sa lansangan noon ang 170,000 mamamayang pinagbuklod ng makabayang mithiing alisin ang pinakakasuklam-suklam na simbolo ng dominasyon at kontrol ng US sa Pilipinas. Sa bisa ng gayong pasya at tulak ng makapangyarihang pagtutol ng bayan, nagkamit ng tagumpay ang ilang dekada na noong pakikibaka para patalsikin ang mga sundalong Amerikano sa Clark Air Base, Subic Naval Base at iba pang mga base militar ng US sa Pilipinas.

Marapat lamang na balikan ng sambayanang Pilipino ang makasaysayang araw na iyon sa kanilang pakikibaka, at sapulin ang malalim na kabuluhan niyon sa kasalukuyang panahon. Tuluyang ikasasawi ng kalayaan ng Pilipinas kung kalilimutan ang dinaanang mahabang kasaysayan ng makabayang pakikibaka. Karugtong na pakikibaka para sa tunay na kalayaan ang kasalukuyang pakikibaka laban sa bagong mga base militar ng US, mga tagibang na kasunduang militar, at nagpapatuloy na panghihimasok at pamamayagpag ng mga pwersang militar ng US sa Pilipinas.

Sa nagdaang dalawang taon, biglang dumami ang mga base militar ng US sa Pilipinas at palaki nang palaki ang presensya ng mga pwersa nito sa bansa. Sa anumang sandali, may ilandaang tropang Amerikano na nakapakat sa bansa. Tinatauhan nila ang hindi bababa sa 17 base militar ng US, kabilang ang siyam na itinayo sa balangkas ng Enhanced Defense Cooperation Agreement (EDCA), pati na ang iba pang base militar na hindi nila isinasapubliko.

Maya’t maya, bumubuhos ang ilanlibong sundalong Amerikano sa bansa para idaos ang sunud-sunod na mga pagsasanay sa gera sa iba’t ibang panig ng bansa, para sa mga pakitang-taong “makataong misyon,” at para sa pamamahinga at pag-aaliw ng kanilang mga tropa. Lulan sila ng dambuhalang mga barkong pandigma ng US na idinadaong sa bansa mula sa paglalayag sa palibot ng Pilipinas, sa South China Sea hanggang sa iba pang bahagi ng Asia at Pacific.

Sa ilalim ng Visiting Forces Agreement, labas-masok sa bansa ang mga sundalong Amerikano, at nananatili sa loob at labas ng kanilang mga base militar. Dala at ipinupwesto nila ang mga jet fighter, drone, mga misayl, bomba at iba pang malalakas na sandata. Katulad sa nakaraan, ginagamit ng imperyalismong US ang bansa bilang muog ng kanilang kapangyarihan sa Asia-Pacific para magpakitang-gilas militar, ipamalas ang kanilang nakasisindak na lakas, isagawa ang panghihimasok o agresyon sa mahihinang bansa, at tuluy-tuloy na maghanda sa gera.

Batid ang malalim na sentimyento at mahabang kasaysayan ng paglaban ng mamamayang Pilipino sa panghihimasok ng US, iniiwasan nilang tawaging mga “base militar” ang kanilang mga base militar sa Pilipinas, kundi mga “pasilidad,” mga “pinagkaisahang lokasyon” o iba pang katawagan. Sa ilalim ng EDCA, itinatayo ito sa loob ng mga kampo ng AFP na nagtitiyak ng seguridad nito sa palibot at malayo sa mapanuring mata ng publiko. Anupaman, hindi maitatanggi na ang mga base militar na ito ay lugar na ekslusibong nasa kontrol ng mga pwersang militar ng US, na hindi pwedeng pasukin o inspeksyunin kahit ng mga heneral ng AFP (liban kung magpaalam at payagan), bagay na itinuturing na insulto maging ng ilang upisyal na may kaunting damdaming patriyotiko. Wala silang karapatan na siguruhing hindi nilalabag ang konstitusyon ng Pilipinas na nagbabawal sa mga armas nukleyar sa bansa.

Paulit-ulit na sinasabi ng mga upisyal ng US na sila’y “kaibigan at alyado” ng mga Pilipino upang ikubli ang katotohanang matagal na nilang ipinagkait ang kalayaan ng bansa na magpasya sa sarili nitong kapalaran. Mula nang sinakop ng US ang Pilipinas, at kahit nang “ibinigay ang independensya” noong 1946, kailanman ay hindi nito niluwagan ang pagsakal sa leeg ng bansa. Naghahari ang US sa Pilipinas sa pamamagitan ng estadong neokolonyal na ngayo’y pinamumunuan ng sunud-sunurang alipures na si Marcos. Nakasalalay ang pag-iral nito sa haligi ng sandatahang lakas na nasa mahigpit na kontrol ng US.

Ang pag-igting ng presensya at panghihimasok militar ng US ay bahagi ng estratehikong layuning ipataw ang hegemonya o kapangyarihan nito sa bansa at sa rehiyon. Layunin ng US na pangalagaan ang kanyang interes pang-ekonomya, laluna ang kontrol sa kalakalan, paglalagakan ng pautang at pamumuhunan at pagkukunan ng mga hilaw na materyales. Lalong nagiging mahigpit ang US sa pagtiyak ng dominasyon nito sa Pilipinas at sa iba pang bansa sa Asia sa harap ng krisis nito sa ekonomya ng pandaigdigang sistemang kapitalista at ng tumitinding imperyalistang kompetisyon sa China.

Ginamit ng US ang Pilipinas at ang interes nito sa kanyang exclusive economic zone para ilatag ang presensya at ekstensyon ng lakas nito sa South China Sea. Inarmasan at binigyan ang Pilipinas ng mga pinaglumaang barkong nabal ng US. Sa tulak at sulsol ng US, aktibong ginagamit ito ng Pilipinas sa paghamon sa presensya ng China sa South China Sea. Sa halip na puspusang itulak ang mga paraang mapayapa at diplomatiko bilang pangunahing paraan upang resolbahin ang mga sigalot sa karagatan sa China, pinili ni Marcos na umaktong abanteng tau-tauhang ng US at makipaggitgitan sa China sa West Philippine Sea. Tinatapatan ito ngayon ng China, imperyalistang karibal ng US, ng higit na malalaking pwersa na mas lalong nagpapataas ng tensyon at posibilidad na humantong sa pagsiklab ng armadong salpukan sa US.

Kakoro ngayon ng mga upisyal ng US, tuluy-tuloy na lumilikha ng ingay ang papet na rehimen tungkol sa “banta” ng China, sa walang kahihiyang pakay na sabihing “kailangan ng tulong mula sa US” para “ipagtanggol ang kalayaan” ng bansa sa bisa ng Mutual Defense Treaty. Dapat ubos-kayang ilantad at itakwil ang pakana na ito ng rehimeng US-Marcos.

Sa pamamagitan ng pagbabalik-tanaw sa kasaysayan, dapat maipabatid sa sambayanang Pilipino na kailanma’y hindi nangyari sa kasaysayan na ipinagtanggol ng isang imperyalistang mananakop ang kalayaan ng kanyang sinakop. Ang pagtataguyod sa kalayaan at kasarinlan ng Pilipinas ay nakasalalay sa sambayanang Pilipino at sa determinasyon nilang palayain ang bansa mula sa kontrol, panghihimasok at paghahari ng imperyalismong US at ng sunud-sunurang mga naghaharing uri sa bansa.

Nagpapatuloy na kasaysayan ng paglaban sa mga base militar ng US