Mga Bayani ng Agosto ng Panay, pinarangalan
Higit 100 katao ang dumalo sa isinagawang programa ng parangal para sa mga Bayani at Martir ng Agosto ng Panay noong Agosto 26 sa Iloilo. Dumalo dito ang mga kaibigan, pamilya at mga dating kasama ng 11 nabuwal na mga Pulang mandirigma ng Bagong Hukbong Bayan (BHB)-Panay at mga kadre ng Partido Komunista ng Pilipinas sa rehiyon. Namartir sila sa sunud-sunod na armadong engkwentro noong Agosto sa Iloilo at Antique.
Ang araw ng parangal ay itinaon sa ika-74 na kaarawan ni Ka Concha Araneta-Bocala, isa sa mga namartir. Nagsilbi si Ka Concha bilang isa sa pangunahing upisyal ng Panrehiyong Komite ng Partido sa Panay at konsultant ng National Democratic Front of the Philippines.
Binasa sa programa ang parangal ng Komite Sentral ng Partido sa mga Bayani at Martir ng Agosto ng Panay. Binigyan nito ng pinakamataas na parangal si Vicente Hinojales (Ka Hadjie/Ka Emil), kagawad ng Komite Sentral at kalihim ng Panrehiyong Komite ng Partido sa isla. Nanguna siya sa rehiyon ng Panay mula 2016, matapos na gumampan ng mahalagang bahagi sa komprehensibong paglago ng mga rebolusyonaryong pakikibaka sa Northeast Mindanao mula 2006 hanggang 2016.