Walang tigil ang mga war games ng US sa Pilipinas
Mula Enero hanggang Agosto ngayong taon, halos kada dalawang araw ay mayroong inilulunsad na war games ang mga pwersang militar ng US sa kalupaan, kahanginan at katubigan ng Pilipinas. Kasama nila ang mga kaalyadong pwersang militar at mga tau-tauhan nitong Armed Forces of the Philippines (AFP). Naitala ang mga war games na ito sa loob ng hindi bababa sa 105 sa 244 araw, kung saan pinakamatagal at walang-patlang mula Abril 7 hanggang Hunyo 21 (76 araw). Sa kabuuan, lumahok sa mga ito ang hindi bababa sa 21,000 tropang Amerikano, mga sundalong Australian, Canadian, Japanese, French at iba pang mga dayuhang tropa.
Hindi iilan ang pagkakataon na magkakasabay ang dalawa hanggang tatlong war games sa bansa. Sa pamamagitan ng mga ito, permanente nang nakakapaglagi ang mga tropang Amerikano sa bansa.
Bago at matapos ang mga war games, kabi-kabilang pulong, paghahanda at inspeksyon ang inilulunsad ng dayuhang mga upisyal militar sa lugar ng mga aktibidad. Sa walong buwan, halos 20 matataas na klase ng pulong ang isinagawa ng mga upisyal militar ng US sa AFP, Department of National Defense at Malacañang.
Gamit na gamit sa mga war games na ito ang siyam na permanenteng base militar (tinawag na “EDCA site”) na lantad sa publiko at di bababa pitong lihim na mga pasilidad nito sa bansa. Nakapananatili rin ang tropang Amerikano sa tabing ng mga “humanitarian assistance” at “disaster response” at sa panahong nagkukumpuni ng mga barkong nabal nito sa Subic Freeport.
Mga war games
Sa loob ng walong buwan, inilunsd ng US ang tatlong serye ng Multilateral Maritime Cooperative Activity (MMCA) na ngayong taon lamang sinimulan. Isinagawa ito noong Abril 7, Hunyo 16-17 at Agosto 7-8 sa West Philippine Sea (WPS) na kinasangkutan ng US, Japan, Australia, Canada at Pilipinas.
Bago nito, isinagawa ng US ang bilateral na Maritime Cooperative Activity (MCA) sa WPS pagitan ng AFP at US Indo-Pacific Command. Unang inilunsad ito noong 2023 at isinagawa ang kasunod na mga serye noong Enero 3-4 at Pebrero 9. Inilunsad naman ang “pagpapatrulya” ng US at Pilipinas sa himpapawid ng WPS noong Pebrero 19.
Kasama ang Japan, inilunsad sa WPS ang Bilateral Maritime Cooperative Activity noong Agosto 2. Halos isang buwan ito matapos pirmahan ng Pilipinas at Japan ang Reciprocral Access Agreement noong Hulyo 8. Hindi pa nararatipikahan ng Senado ang tratadong ito.
Pinakamalaki sa mga war games ang Balikatan 39-24 kung saan lumahok ang 16,000 tropang Amerikano, 200 sundalong Australian, at tropang French. Lumahok bilang tagamasid ang mga tropa ng 14 pang bansa.
Pinakamatagal sa mga war games ang Salaknib 2 na inilunsad mula Mayo 11 hanggang Hunyo 10, na isinagawa sa Nueva Ecija at Isabela at nilahukan ng 1,644 sundalong Amerikano. Nagtagal naman ng 40 araw ang Kasangga 24-1 na bilateral na war games ng Pilipinas at Australia mula Mayo 13 hanggang Hunyo 21.
Dalawang serye ng war games panghimpapawid na Cope Thunder naman ang inilunsad ng US, isa noong Abril at isa noong Hulyo.
Pagkukubli sa “humanitarian mission”
Kabi-kabila ang mga “humanitarian mission” ng tropa ng US sa Pilipinas para gawing “normal” ang presensya ng mga sundalong Amerikano sa mga sibilyang komunidad.
Pinakahuli sa mga ito ang “humanitarian mission” sa ilalim ng Pacific Partnership 2024-2 noong Agosto 1-14 sa Legazpi City, Albay. Ika-20 beses nang inilunsad ang naturang aktibidad na tinaguriang “pinakamalaking multinasyunal na humanitarian assistance and disaster relief preparedness” sa Indo-Pacific.
Dumaong noong Hulyo 30 sa Legazpi City ang barkong nabal ng US, ang City of Bismarck, na lulan ang 500 sundalong Amerikano, Japanese at South Korean para sa naturang aktibidad. Sa Legazpi City, nagpakulo ang mga Amerikano ng mga konsyerto sa mga mall. Nakimartsa rin sila sa inilunsad na parada ng Ibalong Festival sa syudad. Bago nito, lumahok sila sa palabas na pagtatanim ng mga puno sa paanan ng Bulkang Mayon at konstruksyon ng paaralan sa Legazpi Port Elementary School.
Kabilang rin sa mga “humanitarian mission” ang “clearing operations” ng mga sundalong Amerikano sa Basco Port sa Barangay Chanarian, Basco na natapos noong Hunyo. Ang tunay na intensyon nito ay ayusin ang Basco Port upang magamit ng mga tropang Amerikano para sa mga war games. Ang Basco Port ang tanging pyer papunta sa mga isla sa hilagang bahagi ng Batanes, kabilang ang Mavulis Island, malapit sa Taiwan, na balak tayuan ng US ng mga pasilidad militar, daungan at lagakan ng armas pandigma.