Ang krimen ng sapilitang pagkawala

,

Sa loob ng huling linggo noong Agosto, tatlo ang biktima ng sapilitang pagkawala ng armadong pwersa ng rehimeng Marcos. Naganap ang mga krimen ilang araw bago gunitain ang Pandaigdigang Araw ng mga Desaparecido noong Agosto 30.

Ang sapilitang pagkawala ay maituturing na krimen laban sa sangkatauhan kung ang mga ito’y bahagi ng malawakan o sistematikong atake laban sa sibilyang populasyon. Sa gayon, walang taning ang bisa ng mga kaso laban sa mga nagsagawa ng krimen, at may karapatan ang mga kapamilya ng mga biktima na ungkatin ang katotohanan ng mga pagkawala at igiit na bigyan sila ng bayad-danyos.

Isa sa huling biktima nito si Rowena Dasig, detenidong aktibistang estudyante at tagapagtanggol ng kalikasan mula Southern Tagalog, na hindi matagpuan ng kanyang mga pamilya mula Agosto 22. Ayon sa Lucena City District Jail kung saan siya nakakulong, “nakalaya” si Dasig sa araw na iyon matapos ibasura ang mga kasong kriminal laban sa kanya.

Sa Albay, nawawala rin si James Jazmines, 63, dating upisyal ng Kilusang Mayo Uno at kapatid ng konsultant pangkapayapaan ng National Democratic Front of the Philippines (NDFP) na si Alan Jazmines noong Agosto 23. Huli siyang nakita sa Barangay San Lorenzo, Tabaco City noong Agosto 23. Mula sa sektor ng kabataan-estudyante, nagsilbing upisyal sa impormasyon sa KMU at executive director ng Amado V. Hernandez Resource Center. Mula kalagitnaan ng dekada 2000, nagtrabaho siya bilang tagapayo sa mga usaping information technology.

Ilang araw matapos nito, dinukot naman ang 66-anyos na si Felix Salaveria Jr na aktibong kasapi ng Cycling Advocates (CYCAD) noong Agosto 28. Si Salaveria ay madalas na kasama ni Jazmines sa kanyang pagbibisikleta. Nagsilbi si Salaveria na kasaping tagapagtatag ng Tunay na Alyansa ng Bayan Alay sa mga Katutubo) at Kabataan para sa Tribung Pilipino noong dekada 1980.

Sa ilalim ng rehimeng Marcos, naitala ng Ang Bayan ang 153 biktima ng pagdukot. Sa mga ito, hindi bababa sa 43 ang desaparesido at di pa rin natatagpuan. Samantala, 32 sa mga dinukot ang pinaslang, 29 ang ikinulong, 10 ang pinalalabas na “sumurender,” at 39 ang inilitaw ngunit patuloy na ginigipit ng estado. Sampu sa mga biktima ay mga bata na ginawang “hostage” ng militar. Marami sa mga kaso ay naitala sa kanayunan sa panahon ng matitinding operasyong kombat ng militar.

Pakikibaka para sa hustisya

Nagpapatuloy ang laban para sa hustisya ng mga kaanak ng biktima ng sapilitang pagkawala. Noong Agosto 30, Araw ng mga Desaparesidos, nagtungo sa Korte Suprema si Eco Dangla, isa sa mga biktima ng pagdukot ng estado, para maghain ng petisyon para sa writ of amparo at habeas data. Dinukot si Dangla, kasama si Jak Tiong, sa San Carlos City at apat na araw na itinago. Kasabay nito, naglunsad ng protesta ang mga progresibong grupo sa Korte Suprema para ipanawagan ang paglilitaw sa lahat ng mga desaparesido.

Sa parehong araw, nagtungo ang kabataan sa Camp Aguinaldo sa Quezon City para singilin ang AFP sa mga kaso ng pagdukot at sapilitang pagkawala sa mga aktibista.

Sa Southern Tagalog, ginunita ang araw na ito sa University of the Philippines (UP)-Los Baños. Sa UP-Diliman, ipinalabas ang pelikulang Alipato at Muog sa UP Film Center na tungkol sa paghahanap ng ina at kapatid ng desaparesidong si Jonas Burgos. Nagtipon ang mga manonood sa labas ng bulwagan matapos ang pelikula para ipanawagan ang hustisya at paglilitaw sa lahat ng mga nawawala. Binatikos rin nila ang X rating na ibinigay ng MTRCB sa dokumentaryo na hindi nagpahintulot na maipalabas ito sa komersyal na mga sinehan. Kasunod ng kanilang paggiit, nabigyan ito ng R-16 rating sa ikalawang pagrebyu noong Setyembre 5.

Sa Cebu, nag-alay ng mga bulaklak ang mga kaibigan at taong-simbahan bilang pag-alala kay Fr. Romy Romano, isang pari ng Redemptorist Church na dinukot at winala noong Huly 11, 1985. Isang araw bago nito, nagsagawa ng protesta ang Karapatan-Central Visayas para ipanawagan ang hustisya para kay Elena Tijamo na dinukot noong Hunyo 13, 2020, itinago at inilitaw na patay na noong Agosto 29, 2021. Kinundena ng grupo ang ulat ng Commission on Human Rights Regional Office 7 mula sa kunwa’y imbestigasyon nito na nagsabing walang nilabag na karapatang-tao ang mga ahente ng estado sa pagdukot at pagtago kay Tijamo.

Ang krimen ng sapilitang pagkawala