2, dinukot; 9, inaresto sa nagdaang linggo

,

Walang-renda ang kalupitan at karahasan ng rehimeng Marcos sa nagdaang mga linggo. Naitala sa Isabela ang pagdukot sa dalawang kabataang organisador, pag-aresto sa anim na lider-tsuper at opereytor sa Bacolod City, at mga kaso ng panggigipit sa Cavite.

Pagdukot. Sa Isabela, dinukot ng mga pwersa ng estado sina Vladimir Maro at Andy Magno sa bayan ng San Pablo noong Setyembre 11. Si Maro ay organisador ng Migrante Youth at tagataguyod ng karapatan ng manggagawang migrante. Si Magno naman ay naging bahagi ng Minggan-University of the Philippines Manila, isang organisasyong nagtataguyod sa kalikasan. Nagtapos siya sa kursong Development Studies sa unibersidad.

Noong Setyembre 15, natunton ng mga kaanak at abugado si Maro istasyon ng mga pulis sa Peñablanca kung saan siya ikinulong. Sinampahan siya ng dalawang kaso ng tangkang pagpaslang at “terorismo.”

Pag-aresto. Binomba ng tubig ng mga bumbero at marahas na binuwag ng mga pulis at armadong pwersa ng rehimeng Marcos ang mga nagprotestang drayber at opereytor ng dyip sa Bacolod City noong Setyembre 18. Upang ihayag ang kanilang hinaing laban sa jeepney phaseout, nagpiket sila sa tapat ng isang hotel sa Lacson Street kung saan inilunsad ng mga ahensya ng gubyerno ang Public Transport Modernization Program Summit.

Inaresto ng mga pulis ang ilang lider ng Undoc-Piston, KNETCO-Piston, at Bacod-Manibela sa naturang piket. Kabilang dito sina Lilian Sembrano, Rudy Catedral, Eric Bendoy, Shallemar Leutner, Melchor Omangyon, at Rodolfo Gardoce.

Noong Setyembre 19, tatlong estudyante ng Polytechnic University of the Philippines ang dinampot ng nakasibilyang mga pulis sa Quiapo, Manila habang nagsasagawa ng “oplan-pinta” bilang paggunita sa ika-52 anibersaryo ng batas militar at diktadura ng unang rehimeng US-Marcos.

Panggigipit. Noong Setyembre 9, nagtayo ng isang tsekpoynt ang mga pwersa ng estado sa bukana ng Lupang Ramos sa Dasmariñas City. Sa sumunod na araw, pwersahang pinasok ng 50 pulis at militar ang komunidad sa tabing ng pag-iinspeksyon kaugnay sa African Swine Fever. Muling pinasok ang komunidad noong Setyembre 17.

Noong Setyembre 9, tumigil nang ilang oras ang apat na sasakyan ng pulis sa harap ng Lupang Tartaria sa Silang. Mayroon din itong kasamang isang siksbay na trak ng mga sundalo na may tatlong baril sa bubong, at tatlong V150 na mga tangke ng militar.

2, dinukot; 9, inaresto sa nagdaang linggo