Koresponsal Mapagsamantalang sistemang "piece-rate" sa pagawaan ng sabon

,

Nakadepende sa dami ng sabon na nalilikha ng mga manggagawa tulad ni Mae ang kanilang iuuwing kita sa pagtatapos ng linggo. Nakapailalim siya at kapwa niya mga manggagawa sa tinatawag na sistemang “piece-rate” o por-piraso. Labag ito sa karapatan ng mga manggagawa sa bayad na 8-oras na araw ng paggawa.

Sa kanilang pagawaan, karaniwang pumapatak nang ₱27 kada 100 piraso ng sabon ang ibinabayad sa mga manggagawa. Bilang pakonswelo ng gahamang kapitalista, itinaas ito kamakailan at naging ₱31 na kada 100 piraso.

Hahatiin pa nila ito sa dami ng manggagawa kada tim. “Kung lima kami sa tim, ‘yung halimbawang ₱31 na kita…pumapatak na ₱6.20 kada manggagawa,” ayon kay Mae sa isang panayam sa Malayang Pilipina, ang pahayagan ng Makabayang Kilusan ng Bagong Kababaihan (Makibaka).

Aniya, ang isang klase ng sabon na kanilang hinulma, pinino at pinakete ay karaniwang nabibili sa merkado nang ₱38. Sa kada sabon na ito, tumatanggap lamang siya ng ₱0.04 na halos 1,000 beses na mas maliit kaysa presyo sa merkado.

Labing-anim na taon nang nagtatrabaho si Mae sa naturang pagawaan. Malapit na siyang tumuntong sa pagiging senior citizen. Sa kabila ng halos dalawang dekadang pagtatrabaho ay nananatili siyang piece-rate na manggagawa.

“Noong una ay nagtiyaga lang ako hanggang sa umabot na ng ganito katagal. Hinahabol ko ang SSS kasi tatlong taon na lang 60 na ako, at may pensyon kahit papaano. At kung titigil ako, ano namang trabaho ang papasukin ko?”

Hindi hihigit sa ₱1,000 ang kanyang arawang sinasahod. Kinakaltas pa rito ang sapilitang singilin para sa SSS, Pag-IBIG at PhilHealth. Minsan dalawa o tatlong beses lamang siya pinapapasok sa pagawaan sa isang linggo.

Ayon kay Mae, karaniwang gumagastos sila ng pamilya ng ₱400 na para pa lamang sa pagkain at pamasahe, wala pa ang pambayad ng kuryente, tubig, upa sa bahay at iba pang gastos. “Araw-araw ko lang na pamasahe, kasama pagkain, ₱100 ang gastos ko…hindi na talaga sumasapat ang kinikita ko na ₱250 sa apat na oras ng trabaho,” pagbabahagi niya.

Dagdag pagsasamantala pa sa kanila ang hindi maayos na kundisyon sa paggawa. Pinagsusuot sila ng hairnet, apron, at face mask pero dahil sa sobrang init, nahihirapan silang huminga. Dagdag pa ang matatapang at iba-ibang amoy ng sari-saring sabon. Hindi sila pinapayagang uminom ng tubig sa kanilang istasyon.

Liban pa, higit na pinaliit ng kapitalista ang bilang ng mga manggagawa na unang ipinatupad noong kasagsagan ng pandemya. Hanggang ngayon, hindi pa rin nagdagdag ng manggagawa ang kapitalista. Ang dami ng sabon na ginagawa nilang 16 na manggagawang piece-rate ay katumbas ng nililikha noon ng 80 manggagawa.

Pakonswelo sa kanilang matatagal nang piece-rate na manggagawa, paminsan ay itinuturing silang “regular” na piece-rate.

Mulat si Mae sa masalimuot na pagkakaiba ng kalagayan ng mga manggagawang por-piraso at regular—mula sa sahod at benepisyo, hanggang sa pagkakasadlak sa hindi makataong paggawa. Aniya, “Lugi pa nga kami kung tutuusin kasi mas mabigat ang trabaho ng piece-rate na manu-mano kumpara sa regular na may makina.”

Napakababa rin ng ibinibigay na separation pay sa kanilang mga por-piraso kung saan binibigyan lamang sila ng ₱1,000 sa kada taon sa trabaho.

Sa harap ng patung-patong na pagsasamantala, ibinahagi ni Mae ang takot ng mga manggagawa na magbuo ng unyon at kumilos. “Ngayon, ang laban namin ay maging regular, ang problema ay ayaw nila sumama pa sa mga organisasyon at takot na kalabanin ‘yung factory,” aniya.

Gayunman, pursigido si Mae na ipaliwanag ang karapatan sa mga kapwa niya manggagawa, nag-iisip ng iba’t ibang pamamaraan upang unti-unting basagin ang takot na nararamdaman nila at maitransporma ito tungo sa pakikibaka. Bilang kasapi ng Makibaka sa komunidad, mulat na pinaplano ng kanyang kolektiba ang pag-oorganisa hindi lamang sa kanilang pabrika kundi sa mga kalapit din nito.

Nakapagbuo sila ng isang alyansa ng mga manggagawa sa syudad na itinutulak ang pagtaas ng sahod. Patuloy ang kanilang pagsisikap upang magbunga ito ng pagtatayo ng unyon at marami pang ibang samahan ng mga manggagawa sa komunidad at pabrika.

Umaasa siya na sa nalalapit na panahon ay mapakikilos ang mga manggagawa sa loob ng kanilang pabrika para igiit ang mga karapatan sa regularisasyon at nakabubuhay na sahod.

____
Mula sa Malayang Pilipina, Agosto 2024.

Mapagsamantalang sistemang "piece-rate" sa pagawaan ng sabon