Pagmimina ng San Miguel sa South Cotabato sa kabila ng pagtutol at peligro
Sa Barangay Ned, Lake Sebu sa South Cotabato, mula pa 2022, walang tigil ang paghuhukay ng karbon ng malalaking makinarya ng Daguma Agro Minerals Inc at Bonanza Energy Resources Inc, mga kumpanya ng San Miguel Energy Corporation (SEMC). Tuluy-tuloy ang pagmimina sa kabila ng pagtutol ng mga residente, taong-simbahan, mga grupong maka-kalikasan at maging ng pamprubinsyang gubyerno dito. Ang dating luntiang mga sakahan ngayon ay maitim na lupa nang balot ng nakasusulasok na usok at alikabok.
Mula umaga hanggang gabi, naglalabas-masok dito ang malalaking trak para itambak ang naminang karbon sa pyer sa Barangay Kalaong, Maitum, Sarangani. Sa taya ng mga residente, iniipon ang karbon para sa plantang pang-enerhiya ng SMEC sa Davao. Nagsusuplay din ito ng karbon sa plantang de-karbon sa Maasim, Saranggani na pagmamay-ari ng mga Alcantara, kasosyo ang kumpanyang Japanese na Toyota Tsusho Corporation.
Kinamkam ng SMEC ang 17,000-ektaryang kagubatan at lupang agrikultural sa Daguma Mountain Range. Malaking bahagi nito ay lupang ninuno ng Dulangan-Manobo at ng tribung T’boli. Marami rin ang mga setler dito na tubong Panay. Kasabwat ang sangguniang pamprubinsya ng South Cotabato (liban sa noo’y gubernador), inilako ng SMEC ang pagmimina bilang “tagapaghatid ng pag-unlad” sa Barangay Ned. Naglatag ang kumpanya ng mga daan at nagkabit ng kuryente para diumano sa gamit ng taumbaryo. Nangako rin itong kukunin ang mga residente bilang trabahador ng mina.
Pero nang magbukas ang minahan, sinimulan ng SMEC ang pagpapalayas sa mga residente sa paligid nito. Marami sa kanila ang napilitang magbenta ng lupa sa kumpanya dahil na rin sa pagtutulak ng lokal na gubyerno na umalis sa nilikhang “lugar de peligro” o danger zone ng minahan. Binili ng SMEC ang kanilang mga sakahan sa napakamurang halaga (₱80,000-₱100,000 kada ektarya).
Ginigipit ng kumpanya ang mga magsasakang tumangging magbenta ng kanilang lupa. Noong Abril 30, hinuli, sinampahan ng gawa-gawang kaso at ipinakulong ng mga gwardya sina Ricks Mosquero at asawang si Meljean, at sina Helberth Mosquero at asawang si Analie sa Sityo Aboy sa Barangay Ned. Napilitang dumaan ang apat sa tapat ng minahan dahil gumuho na ang lupa sa dati nilang dinadaanan papunta sa kanilang sakahan.
Nagdudulot ang pagmimina ng polusyon, kontaminasyon ng tubig at pagkasira ng mga katubigan sa Daguma. Pinangangambahan ng mga residente na lalasunin ng mina ang mga ilog ng Kabulnan at Allah na dumadaloy patungong Liguasan Marsh, isang malawak na bakawan na nagsisilbing mahalagang pangisdaan. Ang Allah River, sa kabilang banda, ang pangunahing pinagmumulan ng irigasyon ng malalawak na palayan sa South Cotabato at Sultan Kudarat.
Sinasabi ng SMEC na gumagamit ito ng paraang “side-stripping” sa pagmimina. Pero ayon sa mga eksperto, walang kaiba ang metodong ito sa mapangwasak na open-pit mining na ipinagbabawal sa South Cotabato mula 2010. Sa ulat ng Mines and Geosciences Bureau noong 2019, ang pagmimina ng karbon sa buhaghag na lupa tulad sa Barangay Ned ay magreresulta sa mga landslide at paglubog ng mga komunidad dulot ng posibleng mga butas sa ilalim ng lupa.
Katunayan, ilang panahon pa lamang ang operasyon ng mina, nakapag-ulat na ang mga ahensya ng prubinsya ng mga sinkhole o paglamon ng lupa sa Barangay Ned. Noong Marso 2022, dumanas din ang Barangay Ned ng biglaang pagbaha at pagguho ng lupa na pumatay sa isa at nagpalayas sa 300 residente. Noong Setyembre sa parehong taon, isa pang landslide ang naganap na nagpalikas sa 117 pamilya.
Sa matagal na panahon, napigilan ang SMEC dahil sa matinding pagtutol ng mamamayan sa Barangay Ned. Dinumog ng militar ang barangay. Humantong ito sa pagmasaker sa walong Lumad noong Disyembre 3, 2017. Sa araw na iyon, pinatay ng mga sundalo ang lider ng Tboli-Dulangan Manobo na si Datu Victor Danyan, ang dalawa niyang anak na sina Victor Jr at Artemio at sina Pato Celardo, Samuel Angkoy, To Diamante, Bobot Lagase, at Mateng Bantel. Hanggang ngayon, wala pa rin silang natatamong hustisya.