Pagpapalawak ng SMC ng plantang coal-powered sa Zambales, tinutulan
Mula Mindanao hanggang Luzon, walang awat ang pandarambong ng San Miguel Corporation (SMC) ng malaking burgesyang si Ramon Ang sa likas na yaman ng bayan na pumipinsala sa kalikasan at kabuhayan ng mamamayan.
Sa Zambales, tinututulan ng mga residente, maka-kalikasang grupo at mga taong-simbahan ang balak ng San Miguel Global Power (SMGP), subsidyaryo ng SMC, na palawakin ang Masinloc Power Plant nito sa Masinloc, Zambales. Kinundena din ng mga ito ang pag-endorso sa planong ito ng gubernador ng Zambales na si retiradong heneral Hermogenes Ebdane Jr. Si Ebdane ay dating hepe ng Philippine National Police, kalihim ng Department of Defense, at kalihim ng Department of Public Works and Highways.
Tinututulan ng mga residente ang konstruksyon ng dalawa pang dagdag na yunit ng plantang coal-powered o pinatatakbo ng karbon. Panawagan nila ang kagyat na pagpapasara sa naturang planta.
Ayon sa kontra-petisyon, napalayas sa kanilang mga tirahan at kabuhayan ang mga residente sa mga komunidad sa paligid ng planta. Dumanas din sila ng pinsala sa kanilang kalusugan, at panggigipit at intimidasyon sa mga tumutol. Nasira din ang karagatan sa Masinloc Bay.
Sa pag-aaral ng Concerned Citizens of Zambales, sinira ng abo ng karbon mula sa Masinloc ang produksyon ng mangga na isa sa mayor na kabuhayan sa prubinsya. May idinulot din itong pinsala sa mga sakahan sa hilagang Zambales. Kung itutuloy ang ekspansyon ng planta, lalong lalawak ang pinsalang idudulot nito sa mga sakahan at pangkabuuang kahanginan ng prubinsya.
Binatikos din nila ang pagpondo sa proyekto ng Standard Chartered, isang multinasyunal na bangko na nakabase sa United Kingdom. Tumanggap din ito ng pondo mula sa International Finance Corporation ng World Bank.
Sa Pilipinas, galing sa mga plantang coal-powered ang 54.7% mga greenhouse gas emission ng sektor ng enerhiya.