Balik-tanaw: Pakikibaka ng kabataan para sa demokratikong karapatan noong batas militar

,

Nang ipataw ng diktadurang US-Marcos ang batas militar noong Setyembre 1972, tahasang ipinagbawal ng rehimen ang mga konseho ng mag-aaral, mga organisasyon, kapatiran at mga publikasyon sa mga unibersidad at eskwelahan. Bahagi ito ng pangkabuuang panunupil sa demokratikong karapatan ng mga kabataan at ng buong bayan.

Itinuring na banta ni Marcos sa kanyang paghaharing militar ang anumang kumpulan ng mga estudyante at kabataan. Nagpadala siya ng ilampung mga ahente sa mga unibersidad na nagpanggap na mga estudyante, guro o empleyado para tiktikan at tukuyin ang mga kritikal sa kanyang rehimen.

Lantarang kinontrol ng diktadura ang mga administrasyon ng mga unibersidad. Ilang ulit din itong nagtangka na basagin ang namumuong pagkakaisa ng mga kabataan sa pamamagitan ng brutal na pag-aresto, intimidasyon at militarisasyon ng mga unibersidad.

Sa kabila nito, hindi nagapi ang diwang palaban ng mga kabataan at estudyante. Nagsumikap sila sa pagmumulat, pag-oorganisa at pagpapakilos ng kapwa kabataan para sa kanilang mga demokratikong karapatan.

Una nilang hinamon ang diktadura sa mga tahimik na martsa, mga iglap-protesta, pagpepetisyon, pamomolyeto, pagpapaskil ng mga poster at pagpipinta ng panawagan at iba pang malikhaing paraan para maipabatid sa mas malawak na bilang ang kalagayan sa ilalim ng rehimen. Nagsilbi ding daluyan ng panawagan at pakikibaka ng mga estudyante at masang Pilipino ang mga publikasyon sa kampus. Kalaunan, magbubunga ang mga ito sa isang masigabong kilusang protesta.

Rali ng 200,000 kabataang estudyante

Limang taon matapos ang deklarasyon ng batas militar, niyanig ang diktadurang Marcos ng malalaking rali ng mga kabataang estudyante para sa kanilang mga demokratikong karapatan. Humantong ito sa isang dambuhalang rali noon Hulyo 1977 na nilahukan ng halos 200,000 estudyante mula sa 10 kolehiyo at unibersidad. Binoykot nila ang kanilang mga klase sa University of the Philippines, Araneta University Foundation, University of the East, Adamson University, Trinity College, Philippine College of Commerce, University of Santo Tomas, Philippine Women’s University, Feati University at Philippine College of Criminology.

Nagkaisa sila sa ilalim ng Alyansa ng Mag-aaral Laban sa Pagtaas ng Tuition Fee. Inihapag nito ang pitong mga kahingian, pangunahin ang pag-aalis sa lahat ng tropa at ahente ng reaksyunaryong Armed Forces of the Philippines mula sa mga kampus; pagbabalik sa mga konseho ng mag-aaral na ipinagbawal sa ilalim ng batas militar; at ihinto ang pagtaas ng matrikula.

Dahil sa lawak ng pagkilos, natulak ang diktadurang Marcos na itigil ang planong pagtataas ng matrikula ng mga pribadong eskwelahan sa sumunod na semestre. Naging insipirasyon ito upang palakasin pang lalo ang pagsisikap ng kilusang kabataan para itulak ang diktadurang Marcos na kilalanin ang kanilang demokratikong mga karapatan. Nang sumunod na taon, unti-unti nang maigigiit sa iba’t ibang unibersidad ang pagbabalik sa mga konseho ng mag-aaral at pagbuhay sa mga pahayagan sa kampus.

Patuloy na ipinaglalaban

Ilang dekada matapos pabagsakin si Marcos Sr, mahalagang patuloy na panghawakan ang mga demokratikong karapatang ipinagtagumpay ng kilusang estudyante sa ilalim ng batas militar. Bahagi nito ang aktibong pagtatayo ng mga konseho at pagpapatakbo ng mga dyaryo. Lalong nagiging mahalaga ito sa harap ng tuluy-tuloy na imperyalistang opensiba sa kultura at ideolohiya para itaguyod ang indibidwalismo at liberalismo para magkawatak-watak at magkani-kanya ang kabataan at alisan sila ng lakas bilang pwersang panlipunan at pangkasaysayan.

Sa mahabang panahon, ginamit ng mga estudyante ang kanilang mga konseho at pahayagang pangkampus bilang bisig at boses laban sa mapanupil na administrasyon sa kampus. Lalong krusyal ito sa kasalukuyang panahon sa harap ng pangangailangang salagin ang mga atake ng rehimeng Marcos, partikular ng National Task Force-Elcac, at ang panunumbalik ng mga ahente at pwersang militar at pulis sa mga kampus.

“Dapat protektahan at itaguyod ng mga estudyante at mga institusyong ito ang isa’t isa,” ayon sa isang mamamahayag pangkampus.

Pakikibaka ng kabataan para sa demokratikong karapatan noong batas militar