Editoryal

Wakasan ang katiwalian at krimen ng burukrata-kapitalistang sistema

, ,

Tambad, mabalasik at walang-tugot ang hidwaan ng magkaribal na mga reaksyunaryong pangkating Marcos at Duterte. Nagmumula ang kanilang sigalot sa kapwa walang-kabusugan nilang katakawan para sa yaman at kapangyarihan. Mabilis na nahihinog ang mga kontradiksyong ito dahil sa pag-aapura ni Marcos na tuluyang durugin ang lahat ng kakayahan ni Duterte na makabalik sa poder at sagkaan ang karibal sa tangkang bawiin ang kanilang interes sa pulitika at ekonomya.

Titindi pang lalo ang hidwaang ito habang papalapit ang eleksyong midterm sa 2025. Asahan na ang mga banggaang ito ay pasakalye lamang sa pagsiklab ng mas malalaki at mararahas pang salpukan. Posibleng yugyugin ang katatagan ng naghaharing rehimeng Marcos, subalit tutungo rin sa higit nitong konsolidasyon at monopolisasyon ng kapangyarihang pampulitika. Kaakibat nito ang lalong paglawak at paglakas ng mas malapad na demokratikong kilusang hahamok sa pasistang paghaharing Marcos.

Inilalantad sa mga pagdinig sa Kongreso ang kabulukang inabot ng naghaharing sistema sa garapalang paggamit ni Duterte sa poder sa pandarambong, pagpapalawak ng kanyang yaman at imperyong kriminal, liban pa para sa luho at mga gawing dekadente. Idinedetalye dito ang tuwirang papel ni Duterte at ng pinakamalalapit niyang kasapakat sa pagpaslang sa ilampung libo sa Oplan Tokhang at huwad na “gera kontra droga,” gayundin sa madugong kampanya ng pasistang panunupil. Lalong tumindi ang sigaw ng taumbayan para sa katarungan, at para panagutin, arestuhin at usigin si Duterte at kanyang mga kasapakat sa krimen at korapsyon.

Habang nakatuon ang atensyon ng publiko sa mga pagdinig sa Kongreso na nagdidiin kay Duterte, tuluy-tuloy naman ang naghaharing pangkating Marcos sa sarili nitong burukrata-kapitalistang pagpapayaman at konsolidasyon ng kapangyarihang pampulitika. Mula nang maupo sa Malacañang, hindi bababa sa limang malaking kaso ng katiwalian laban sa mga Marcos (na katumbas ng mahigit ₱202 bilyon) ang ibinasura ng mga korte (kapiranggot lamang ang kaso ng 57-ektaryang lupang inangkin ng mga Marcos sa Paoay na binawi kamakailan ng Korte Suprema). Abala rin si Marcos sa pagbaluktot sa kasaysayan upang pagtakpan ang korapsyon, pasismo at krimen sa ilalim ng batas militar ng kanyang amang diktador (1972-1986).

Hinablot ni Marcos sa kamay ng mga Duterte (at ng China) ang maaanomalyang kontrata ng gubyerno sa ilang malalaking proyektong pang-imprastruktura at inilipat iyon sa pinapaburan niyang mga kumpanya (gamit ang pautang ng US, Japan at World Bank). Inilaan ni Marcos ang ₱550 bilyong pondo ng bayan sa Maharlika Investment Fund upang iembudo ito sa negosyo ng mga kroning burgesyang komprador tulad nina Ramon Ang, Enrique Razon, Manny Pangilinan, ang mga Aboitiz at iba pa. Maglalaan sa 2025 ng hindi bababa sa ₱10 bilyon para sa “confidential and intelligence funds” ni Marcos para sa kanyang personal at pampulitikang pakinabang. Ipinabalik ni Marcos sa pambansang gubyerno ang “labis” na ₱20 bilyong pondo ng PhilHealth sa kabila ng mahigpit na pangangailangan at malaking pagkakautang nito.

Kasabwat ang mga sindikato, hawak ngayon ni Marcos, asawang si Liza Araneta, at ng mga Romualdez ang suplay ng bigas at asukal, pati na ng sibuyas at iba pang mga produktong pang-agrikultura. Ginagamit nila ang kontrol na ito para sa manipulasyon ng presyo at pagkamal ng maksimum na tubo. Ang kontrol sa bentahan ng iligal na droga sa Pilipinas ay hawak ngayon ng mga tauhan ni Marcos.

Walang kahihiyan ang pagpapakasarap-buhay ni Marcos gamit ang pondo ng bayan, kabilang ang isang bilyong pisong nilustay sa sunud-sunod na biyahe sa labas ng bansa ngayong taon. Nabuko siyang gumamit ng helikopter para umiwas sa trapiko para manood ng konsyerto. Niregaluhan siya ng hindi bababa sa $1 milyon na pribadong konsyerto ng Duran Duran sa kanyang kaarawan, na hindi lamang labag sa batas, kundi tahasang paghamak ni Marcos sa masang araw-araw ang paghihirap at pagdurusa.

Ipinwesto ni Marcos ang mga tapat sa kanyang upisyal ng militar at pulis. Sa kanyang utos, walang lubay ang armadong pagsupil at pagyurak sa mga karapatang-tao sa buong bansa. Patuloy ang mga pagpatay, pagtortyur at pagdukot. Halos 800 ang mga detenidong pulitikal. Daan-daang baryo sa kanayunan ang nakapailalim sa paghaharing militar para igupo ang masang lumalaban.

Ang rehimeng Marcos ay kasalukuyang pinakakonsentradong mukha ng estadong burukratang kapitalista, pasista at neokolonyal. Nagsisilbi ito sa interes ng mga dayuhang monopolyong kapitalista at naghaharing uring malalaking burges komprador at malalaking panginoong maylupa, at sa interes ng mga naghaharing dinastiya.

Inaapi ang malawak na masa ng sambayanang Pilipino sa ilalim ng burukrata-kapitalistang estado. Ipinagpapatuloy ni Marcos ang mga neoliberal na patakaran ng liberalisasyon, pribatisasyon at deregulasyon. Labis-labis ang ipinapapasan sa kanilang buwis at mga bayarin, ngunit halos walang nakukuhang serbisyong pangkalusugan, pang-edukasyon, pabahay at iba pang mga serbisyong pampubliko na dapat tinitiyak na libre ng estado. Bumubulusok ang buhay ng masa sa harap ng mataas na presyo, mababang sahod, kawalang trabaho at pang-aagaw ng lupa at kabuhayan.

Malinaw na ipinakikita ng sitwasyon ang lumalalim na krisis ng naghaharing sistemang pinaghaharian ng mga burukratang kapitalistang nagpapakasasa sa korapsyon at kriminalidad—si Duterte noon, si Marcos ngayon, at ng lahat ng reaksyunaryong rehimen mula itinatag ng imperyalismong US ang estadong neokolonyal. Sa agawan at sikuhan ng magkakaribal na pangkating walang kabusugan sa yaman at kapangyarihan, nabubuyangyang ang sistemang bulok hanggang sa kaibuturan.

Determinado ang sambayanang Pilipino na ipagtanggol ang kanilang mga karapatan at labanan ang burukrata-kapitalistang rehimeng US-Marcos. Dapat ubos-kayang pukawin, organisahin at pakilusin ang taumbayan, at itayo ang pinakamalawak na nagkakaisang prente ng lahat ng pwersang anti-pasista at anti-korapsyon. Sa ubod at unahan ng malawak na paglaban sa pasista at papet na rehimeng Marcos ay ang organisadong lakas ng mga batayang uri at sektor.

Upang lubos na sumulong at magtagumpay, dapat ikawing sa pakikibaka para sa pambansang demokrasya ang paglaban sa burukrata-kapitalistang rehimen. Lubos lamang itong mapapawi kaakibat ang saligang mga suliranin ng imperyalismo at pyudalismo sa pamamagitan ng pagwawakas sa sistemang malakolonyal at malapyudal. Para matamo ang hangaring ito, kailangang bagtasin ang rebolusyonaryong landas, pangunahin sa pamamagitan ng pagsusulong ng armadong pakikibaka upang matamo ang estratehikong layuning itatag ang tunay na demokratikong gubyerno ng bayan.

Wakasan ang katiwalian at krimen ng burukrata-kapitalistang sistema