Koresponsal Surigao del Sur at Agusan del Sur, tadtad ng detatsment ng militar
Walang humpay ang paghahasik ng takot at paglabag sa karapatan ng mga katutubo at mahihirap na mamamayan ng pasistang mga pwersa ng militar, pulis at paramilitar sa mga barangay at komunidad sa prubinsya ng Surigao del Sur at Agusan del Sur.
Simula 2018, sapilitang nagtayo ng karagdagang 15 detatsment ang 3rd Special Forces Battalion (SFB) at pinamumunuan nilang mga yunit ng CAFGU sa mga komunidad ng Andap Valley Complex (AVC) sa Surigao del Sur. Apat dito ay sa mga komunidad sa Barangay Diatagon sa Lianga.
Samantala, nagtayo ang 75th IB ng kabuuang 11 detatsment—tatlo sa Barangay Mahaba sa Marihatag; tig-dalawa sa mga barangay ng Buhisan at Hanipaan sa San Agustin; dalawa sa Barangay Bolhoon at isa sa Barangay Libas sa San Miguel; at isa sa Barangay Caras-an sa Tago.
Apat na detatsment ang itinayo ng 3rd SFB sa hangganan ng Surigao del Sur at bayan ng Prosperidad, Agusan del Sur. Dalawa dito ay nasa Barangay Mabuhay, at tig-isa sa mga barangay ng Libertad at San Lorenzo.
Mahabang listahan ng pang-aabuso
May mga detatsment na ang 3rd SFB sa ilang barangay sa AVC mula pa 2016. Sa tala ng mga residente ng isang kulumpon ng mga baryo rito, nagkaroon ng 361 biktima ng paglabag sa karapatang-tao ang batalyon. Kabilang sa mga ito ang dalawang kaso ng pisikal na pananakit, 33 kaso ng iligal na pang-aaresto at detensyon, 42 sapilitang pagpapasurender, 24 na pagsasampa ng gawa-gawang kaso at 106 na pwersahang pagpapalayas sa komunidad.
Ipinatupad sa mga baryo na ito ang mga karpyu, pagpapa-logbook sa mga naglalabas-masok sa komunidad at paglilimita sa oras ng pagpunta sa bukirin. Biglaang nagtatayo ng mga tsekpoynt ang mga sundalo para kunan ng litrato ang mga namamasadang mga drayber at ang kanilang mga pasahero at kargamento. Isinasailalim sa interogasyon ang mga may-ari ng tindahan at nililimita ang dami ng binibiling suplay ng pagkain. Tuwing nagpapalit ng upisyal ang mga detatsment, nagsasagawa ng “sensus” ang mga sundalo. Pinagbabantaan nila ang mga pinaghihinalaan nilang patuloy na nakikipag-ugnayan sa Bagong Hukbong Bayan.
Pasimuno rin ang mga sundalo sa dekadenteng mga aktibidad tulad ng pag-iinom at panggugulo tuwing nalalasing. “Nakikipagkaibigan” sila sa mga residente sa pamamagitan ng panliligaw, kahit sa mga may-asawa na. May kaso na tinatakot ang dalaga kung tumanggi sa panliligaw. Kapag ililipat sa ibang detatsment, basta na lamang iniiwan ng mga sundalo ang kanilang nabuntis na mga dalagita. Ang mga sundalong nakabuntis ay inililipat sa ibang detatsment. Tinatarget nila ang mga anak ng kinikilalang lider ng mga katutubong komunidad.
Sa magkanugnog na barangay sa bayan ng Prosperidad, naitala ang 111 kaso ng mga paglabag sa karapatang-tao sa pagitan ng 2022-2023. Pangunahin dito ang mga kaso ng intimidasyon at pananakot (55), sapilitang pagpapalikas at dislokasyon (16), sarbeylans (15), paglilimita sa pagkaing binibili at paninda (7), pamimilit (6), interogasyon (4), pag-aresto at detensyon (2), pagtatanim ng ebidensya (2) at pagsasampa ng gawa-gawang kaso (3). Naiulat din ang iligal na paghalughog sa bahay ng mag-asawang matanda at pambubugbog sa kanilang binatang anak na may kapansanan sa pag-iisip sa Barangay San Lorenzo.
Paulit-ulit ang pananakot at pamimilit sa mga sibilyan, kabilang sa mga upisyal ng mga barangay na ni-red-tag ng National Task Force-Elcac. Marami sa kanila ang pinapirma sa mga papel kapalit ang mga pangakong benepisyo ng E-CLIP. Sa isang barangay, natulak na magpakamatay ang isang residenteng may kapansanan sa isip dahil sa troma na idinulot ng paulit-ulit na pagpapatawag at interogasyon ng mga sundalo sa kanyang mga magulang.
Pinakahuling pangyayari ang makailang beses na panganganyon ng SAF at 3rd SFB mula sa Barangay Libertad, Prosperidad noong Agosto 2024. Nagdulot ito ng takot sa mga residente lalo na sa mga bata, mga inang nagpapasuso at matatanda. Apektado nito ang 1,000 pamilya sa magkakalapit na barangay ng San Lorenzo, Mabuhay at Libertad. Kasama ring naapektuhan ang mga residente sa mga kalapit na barangay sa tabi ng kalsada tulad ng Barangay Aspetia, Magsaysay, Los Arcos at San Martin sa parehong bayan.