Pakikibakang manggagawa

,

 

Unyon sa Golden Zone Garments, itinatag. Matapos ang ilang buwang pagsisikap, naitatag at naiparehistro ng mga manggagawang daily rank-and-file ng Golden Zone sa Laguna ang Nagkakaisang Manggagawa ng Golden Zone Garments and Accessories Inc noong Agosto 12. Kinahaharap ng mga manggagawa ang isyu ng mababang pasahod, sapilitang obertaym, kawalan ng alawans sa transportasyon at hindi maayos na tuntunin sa kaligtasan at kalusugan.

Nagsampa rin ang unyon ng kaso sa National Conciliation and Mediation Board dahil sa panggigipit ng maneydsment sa manggagawa at pamimilit na kumalas sa unyon. Nagkaroon ng unang pagdinig noong Setyembre 11.

Karapatan, kilalanin sa paglipat ng pagawaan ng icing. Patuloy na iginigiit ng mga manggagawa ng kumpanyang Philippine Gum Paste Inc (PGPI), pagawaan ng icing (para sa keyk), sa Cubao, Quezon City ang kanilang karapatan matapos balewalain ng maneydsment ang kanilang mga hinaing sa paglilipat ng pagawaan nito sa Candelaria, Quezon. Reklamo nila, sapilitan silang pinalilipat sa bagong pagawaan at kung hindi ay tatanggalin sa trabaho.

CBA sa Daiwa, ipaglaban. Higit 100 manggagawa ng Daiwa-Seiko Philippines ang nagprotesta sa labas ng pagawaan nito sa Laguna International Industrial Park sa Biñan, Laguna noong Setyembre 18 para ipaglaban ang kanilang collective bargaining agreement (CBA). Anang Malayang Unyon ng Daiwa-Seiko Philippines, inaantala ng maneydsment ang kanilang CBA.

Pakikibakang manggagawa