Koresponsal Dagdag-sahod ng mga manggagawang-bukid sa Negros, naipagtagumpay

,

Naipataas ng mga manggagawang-bukid sa tubuhan sa Barangay Kahil (hindi tunay na pangalan) sa timog na bahagi ng Negros ang arawang sahod matapos sama-samang harapin ang dalawang panginoong maylupa noong Hunyo. Sa ulat ng Ang Paghimakas, pahayagan ng rebolusyonaryong kilusan sa Negros, naitaas ang sahod mula ₱200-₱220 tungong ₱250, habang ang pag-aararo mula ₱700 tungong ₱1,300 sa dalawang pasada kada ektarya.

Nakabenepisyo dito ang 19 sambahayan o 44 na mga manggagawang-bukid mula sa limang sityo. Naipagtagumpay ito sa gitna ng higit na pinatinding mga operasyong militar ng Armed Forces of the Philippines.

Ayon sa Ang Paghimakas, ang anti-pyudal na pakikibaka sa Barangay Kahil ay ikalawa na sa organisadong paglaban ng masang magsasaka sa panahon ng tiempo muerto o “patay na panahon” na tumutukoy sa mga buwan sa pagitan ng siklo ng pagtatanim ng tubo. Isinagawa ang unang bugso noong Mayo.

Piket ng magbubukid. Noong Agosto 29, nagtipon at nagprotesta ang mga magbubukid ng Negros Occidental sa harap ng kapitolyo ng prubinsya sa Bacolod City para igiit ang paglalabas ng pondo ng gubyerno para umagapay sa tiempo muerto. Pinangunahan ang pagkilos ng Kilusang Magbubukid ng Pilipinas Negros at National Federation of Sugar Workers.

Nanawagan sila sa Sangguniang Panlalawigan na maglabas ng isang resolusyon na magdedeklara ng tuluy-tuloy na suporta para sa mga manggagawang-bukid na taun-taong dumaranas ng hirap at gutom tuwing tiempo muerto. Nauna nang nagsumite ng sulat ang mga magbubukid sa bise gubernador noong Agosto 20 para sa isang dayalogo.

Noong Agosto 20, nagsagawa rin ng piket at dayalogo ang mga magbubukid sa Department of Agriculture Region VI sa Bacolod City. Noon pang Hunyo ay nagsumite na sila ng sulat sa ahensya para igiit ang suportang pangkabuhayan.

Dagdag-sahod ng mga manggagawang-bukid sa Negros, naipagtagumpay