22nd IB, inambus ng BHB-Sorsogon

,

Inambus ng Bagong Hukbong Bayan (BHB)-Sorsogon (Celso Minguez Command) ang mga tauhan ng 22nd IB habang bumibyahe sa Sityo Sabang, Barangay Calpi, Bulan, Sorsogon noong Setyembre 6. Napatay dito si Cpl. Rodel Felismino habang nasugatan ang isa pang sundalo ng 22nd IB na nakabase sa Barangay Calmayon, Juban.

Ang naturang aksyon ay tugon ng BHB-Sorsogon sa daing ng mamamayan sa iba’t ibang baryo ng Magallanes, Bulan, Irosin at Juban na hinaharas at ginigipit ng mga sundalo sa mga operasyong militar. Bahagi rin ito ng pagbigay-pugay ng Pulang hukbo sa kabayanihan ni Arnel “Ka Mando” Estiller at iba pang rebolusyonaryong martir.

Pagparusa. Iniulat ng BHB-Masbate (Jose Rapsing Command) ang pagpapatupad nito ng rebolusyonaryong hustisya noong Setyembre 10 sa isang aktibong kasapi ng CAFGU na si CAA Rodel Monsalod sa Barangay Cadulawan, Cataingan. Si Monsalod ay nagsisilbing giya sa mga operasyon at kampanya ng pagpatay ng 2nd IB sa mga sibilyan. Bayarang maton din siya ni Masbate Gov. Antonio Kho.

Sa Negros Oriental, pinatawan ng kaparusahan ng BHB-Central Negros (Leonardo Panaligan Command) si Jonil Sevilla, aktibong aset paniktik ng militar na taga-Sityo Kabulay, Barangay Trinidad, Guihulngan City noong Agosto 30, alinsunod sa desisyon ng kinauukulang mga organo ng demokratikong gubyernong bayan. Isinagawa ang armadong aksyon sa Sityo Cambairan sa naturang barangay.

Kontra-kubkob. Hindi bababa sa 10 tropa ng 2nd IB ang napatay sa kontra-reyd ng BHB-Masbate sa pagkubkob ng mga tropa ng militar sa Sityo Calanay, Barangay Banco, Palanas noong Setyembre 15. Pinasabog ng mga Pulang mandirigma ang isang bomba na nagresulta sa kaswalti sa panig ng militar. Ligtas na nakamaniobra ang mga kasama nang walang pinsala sa kanilang hanay.

22nd IB, inambus ng BHB-Sorsogon