Mga protesta
Protesta ng mga drayber sa Catarman. Nagtipon ang 300 drayber ng traysikel na may rutang University of Eastern Philippines-Catarman noong Setyembre 8 para iparating ang kanilang pagtutol sa napipintong pag-agaw ng isang kooperatiba sa kanilang ruta. Ang atakeng ito sa kanilang kabuhayan ay bunsod ng PUVMP (PTMP) na nagbukas sa iba’t ibang ruta ng maliliit na drayber at opereytor sa malalaking korporatisadong mga kumpanya ng “modernong dyip.”
Eyes On Set Network, inilunsad. Binuo ng mga manggagawa sa pelikula at telebisyon, mga propesyunal, mga estudyante ng midya, at mga tagapagtaguyod ng karapatan sa paggawa ang Eyes on Set Network para bantayan ang pagpapatupad sa Eddie Garcia Law at pagtutulak ng nakabubuhay na sahod at makataong oras ng paggawa sa industriya ng pelikula at telebisyon. Upisyal na inilunsad ang network sa isang rali noong Setyembre 11 sa Quezon City.
Pagkakwari sa Rizal, ipinahihinto. Nagtungo noong Setyembre 11 sa DENR ang mga grupong maka-kalikasan at mangingisdang apektado ng pagbaha sa Rizal nang manalasa ang bagyong Enteng. Panawagan nila ang agad na pagkansela sa lahat ng mga permit para sa quarrying at pagmimina sa prubinsya. Anila, ang sobra-sobrang pagkalbo sa kagubatan dito na dulot ng quarrying at mina ang isa sa mayor na dahilan ng mabilis na pagtaas ng tubig at malawakang pagbaha noong Setyembre 2.