Koresponsal Kilusang pagwawasto sa pagtatayo ng samahang masa sa Negros

,

Hindi nakalilimutan ng mga residente ng Marcia ang ilang dekada nang pagtulong ng Partido at hukbong bayan sa kanilang komunidad. Sa matagal na panahon, naging kapiling nila ang mga Pulang mandirigma. Sa gabay ng Partido, napag-aralan nila ang Lipunan at Rebolusyong Pilipino, mga espesyal na kurso at iba pa na nag-oorganisa at nagpapakilos sa buong baryo. Nabigyan ng solusyon ang problema ng kanilang kanunu-nunuan laban sa mga grupong tulisan sa lugar na harap-harapang nang-agaw ng kanilang mga produkto at pumatay sa kanilang mga kapamilya at kabataan nang walang kalaban-laban. Naparusahan ang mga lider ng grupong ito.

Sa ilalim ng Ikalawang Dakilang Kilusang Pagwawasto, nailunsad nila ang anti-pyudal na pakikibaka laban sa mga lokal na panginoong maylupa. Naging matagumpay sila sa pagwawakas sa mapagsamantalang pamamaraan ng mga ito. Naipagtagumpay nila ang hindi pagbibigay ng porsyento ng kanilang ani. Sa tulong ng mga kasama, naging kagawian nila ang pagpapatupad ng simpleng kooperasyon sa gawaing produksyon at iba pa sa baryo.

Anila, hindi nila noon nakamit ang hustisya kung wala ang Partido, hukbong bayan at buong rebolusyonaryong kilusan.

Pagwawasto at pagsulong

Isinabay ng taga-Marcia ang pagtukoy ng mga kamalian at kahinaan sa hanay ng Partido, Hukbo at organisayong masa sa proseso ng muling pagtatayo ng balangay ng Pambansang Katipunan ng mga Magbubukid (PKM). Inilunsad nila ang pagpuna at pagpuna-sa-sarili. Pinuna nila ang mabagal na pagtayo ng PKM at ang ningas-kugon na estilo ng gawaing masa. Anila, hindi nabigyang pansin ang gawaing pagpapalawak ng baseng masa. Paulit-ulit ang pag-aaral ng mga kurso sa PADEPA at iba pa na hindi naman angkop sa kasalukuyang hinaharap na suliranin sa baryo at baseng masa. Ang Partido, Hukbo at buong rebolusyonaryong kilusan ay sabay-sabay ding nagpuna-sa-sarili sa kanilang mga ambag sa kabuuang pag-atras sa nakalipas na mga taon.

Sa dulong bahagi ng asembliya, idinaos ang eleksyon sa pagpili ng tagapangulo at mga kagawad bilang mga pangalawang tagapangulo sa iba’t ibang larangan ng gawain. Inihalal nila ang dating mga lider sa komiteng pang-organisa bilang mga kagawad. “Panghawakan natin ang ibinigay ng taumbaryo na katungkulan,” panata ng bagong halal na komite.

Kaagad na inihapag ang isang taong programa ng PKM para itaas ang antas ng organisasyong masa. Target nilang itayo ang komiteng rebolusyonaryo sa baryo sa loob ng anim na buwan. Bago nito, sunud-sunod nilang itatatag ang ganap na samahang masa ng kabataan, kababaihan at mga mangggawang pangkultura. Gagampanan din nila ang gawaing rekoberi at pagpapalawak ng baseng masa para may malawak na makikilusan ang mga kasapian at magsilbing maniobrahan ng Bagong Hukbong Bayan habang pinangingibabawan nito ang “self-constriction at sobrang konsentrasyon.”

Target din ng samahan na sabay-sabay na konsolidahin ang lahat ng pwersa sa pamamagitan ng gawaing edukasyon at propaganda. Bibigyan-diin nito ang pag-aaral sa Padepa, Rebolusyon, kurso sa digmang bayan at iba pa. Nais din nitong palakasin ang milisyang bayan at iba pang yunit gerilya na reserbang lakas ng BHB. Batid nila ang kahalagahan nito bilang dagdag na armadong pwersa sa pagpaparusa sa mga traydor at pasistang kaaway, at sa pagsamsam sa kanilang mga armas at iba pang lohistikang militar mula sa matatagumpay na taktikal na opensiba.

Hangad nilang kumpletuhin ang gawain sa panlipunang pagsisiyasat at dugtungan ang matagumpay na kilusang anti-pyudal sa nakaraan laban sa mapagsamantalang panginoong maylupa at humaliling bagong tipong panginoong maylupa sa kanilang lugar.

Ayon kay Ka Jetro, isa sa mga lider masang dumalo, “ang matagumpay na pagtatag natin ngayon ng PKM sa baryo ang patunay ng katotohanang matatag na nakatayo ang rebolusyonaryong kilusan sa kanayunan.” Habang ipinupunla natin ang binhi ng organong kapangyarihang pampulitika sa ating prenteng gerilya ngayon, tiyak na ginagawa din ito ng mga kasama sa iba pang larangang gerilya sa buong kapuluan, aniya.

Sa pag-uwi ng mga dumalo, dala-dala nila ang kanilang bagong mga katungkulan at maalab na hangaring kamtin ang pambansang kalayaan at tunay na demokrasya.

(Basahin ang unang bahagi, Balangay ng PKM, naitayo sa gitna ng operasyong militar sa Negros, Ang Bayan, Setyembre 7, 2025)

Kilusang pagwawasto sa pagtatayo ng samahang masa sa Negros