“Scam hub trafficking,” panibagong porma ng panlilinlang at pang-aalipin sa mga migrante

,

Nitong nagdaang mga buwan, tumambad ang karumal-dumal na mga kaso ng human trafficking ng mga Pilipino na pinasok sa mga “scam hub” sa bansang Cambodia, Thailand, Laos at Myanmar. Ayon sa datos ng estado, hindi bababa sa 695 Pilipino ang biktimang nakaligtas ngayong taon sa naturang mga bansa.

Ang scam hub trafficking ay isang tipo ng trafficking o iligal na rekrutment para sa pagsasamantala, kung saan ang mga biktimang nilinlang ng alok na pekeng trabaho ay ipinasok sa mga scam hub o scam farm bilang online scammer para sa mga sindikato. Bagamat hindi lahat ng biktima ay na-traffick, lahat ng manggagawa sa scam hub ay ginagamitan ng dahas at pang-aabuso upang pilitin ang mga ito na gawin ang iligal na aktibidad.

Ang kadalasang pinapagawa sa mga biktima ay ang “romance scam” kung saan pina-iibig nila ang mga target na biktima, na kalaunan ay ineengganyong magpadala ng pera sa pekeng negosyo, cryptocurrency at iba pang huwad na pamumuhunan. Target ng kanilang operasyon ang mga tao sa mga bansa sa Asia, North at South America, at Middle East. Ang mga scam hub ay pinapangasiwaan ng mga dayuhang sindikatong kriminal, kasabwat ang mga lokal na upisyal ng gubyerno.

Unang naiulat ang ganitong porma ng trafficking noong 2015. Ngunit nagsimula itong maging talamak at sistematiko noong 2021. Ginamit ng mga sindikato ang mga abandonadong kasino at hotel para gawing scam hub. Mayorya ng mga scam hub ay nagsimula sa Southeast Asia ngunit lumawak ito hanggang sa West Africa, Middle East at Central America. Target ng mga sindikato ang mga manggagawa na may kaalaman sa information technology at mahusay sa lenggwaheng English.

Naging lunsaran din ng scam hub ang Pilipinas, na nagtago sa likod ng mga Philippine Offshore Gaming Operation o POGO na itinayo sa bansa. Marami sa mga inalipin dito’y mga Chinese na iligal na ipinasok sa bansa at mga Pilipino na pinagtrabaho bilang scammer sa mga pasilidad na ito.

Ang malagim na karanasan ng mga biktima

Mayorya sa mga Pilipinong biktima ay nahikayat na magtrabaho bilang customer service representative sa Cambodia at Myanmar na may sahod na US$700 kada buwan. Ngunit pagdating nila doon ay kinumpiska ang kanilang pasaporte at selpon. Ipinasok sila sa scam hub, na ang target ay mga Pilipino sa US.

Alipin at kalakal ang trato sa mga Pilipinong migrante. Kapag hindi nila ginawa ang kanilang trabaho o naabot ang kota, sila’y sinasaktan, ikinukulong nang walang pagkain at pinapahiya ng kanilang mga amo. Pinakamalala nilang dinanas ang tortyur at pagkukuryente. Ang ibang manggagawa ay binebenta sa ibang kumpanya oras na hindi na sila “mapakinabangan” ng kanilang amo.

Bagamat nakaligtas sa mga scam hub, marami sa mga biktimang Pilipino ay patuloy na dumaranas ng matinding troma at problema sa kalusugan dahil sa malagim nilang karanasan.

Sa kasalukuyan, may 148 Pilipinong migrante ang nakatakdang iligtas at iuwi sa Pilipinas mula sa iba’t ibang scam hub sa Asia.

Sa kabila nito, patuloy na pikit-matang umaasa at nahuhulog sa patibong ang mga Pilipino sa alok na pekeng trabaho sa ibang bansa dulot ng matinding krisis sa ekonomya at kawalan ng trabaho sa bansa.

Ang malala, sa halip na magbigay ng pangmatagalang trabaho na may nakabubuhay na sahod, ang Department of Migrant Workers pa mismo ang umaastang “trafficker” ng estado. Inilalako nito ang murang lakas-paggawa ng mga Pilipino sa ibang bansa kapalit ng bilyong dolyar na remitans habang pinaghihiwalay ang mga pamilya at tinatanggalan ng dignidad ang mga migrante. Gusto pa nito ngayong gamitin ang mga lokal na gubyerno bilang “rekruter” ng mga bansa at kumpanyang dayuhan, sa kabila ng di maubos-ubos na mga kwento ng pagsasamantala at abusong dinadanas ng mga migranteng Pilipino.

Hanggat hindi nareresolba ang kahirapan at naibabasura ang labor export program na nagbubunsod ng mga pwersahang migrasyon, tiyak na dadami pa ang mga biktima na dadahasin at aabusuhin ng mga sindikato, at magsasamantala sa desperasyon ng mga migrante, na walang ibang nais kundi mabigyan ng mas magandang buhay ang kanilang pamilya.

“Scam hub trafficking,” panibagong porma ng panlilinlang at pang-aalipin sa mga migrante