Isakdal si Marcos! Magrebolusyon kontra korapsyon!
Patuloy ang pagdaluyong ng mga protesta sa buong bansa laban sa sistema ng korapsyon ng estado. Sinasalamin nito ang nag-uumapaw na galit ng malawak na masa ng sambayanang Pilipino laban sa dambuhalang burukrata-kapitalistang pandarambong ng rehimeng Marcos.
Sa desperasyong tabingan ang sarili sa galit ng bayan, pilit nagpapapogi si Marcos para baligtarin ang matagal na niyang reputasyong pasimuno ng katiwalian. Habang iniipit ang ilang pulitikong karibal at maging mga alyadong hindi nagsesentro ng kikbak, pilit pinagtatakpan ni Marcos ang sariling papel sa malawak na korapsyon.
Binuo ni Marcos ang isang walang katuturang “independyenteng komisyon” na diumano’y mag-iimbestiga sa maaanomalyang proyektong flood control. Taktika lamang ang imbestigasyong ito na ipinag-utos ni Marcos Jr para lituhin ang mamamayan at ilayo sa kanya ang atensyon.
Tunay na si Marcos ang utak ng korapsyon sa likod ng maaanomalyang proyekto sa flood control, na binuhusan niya ng mahigit ₱1 trilyon mula nang maupo sa poder noong 2022. Gaya ng lahat ng kanyang sinundan, si Marcos ay kumakamal ng bilyun-bilyong piso mula sa kikbak sa multibilyong mga kontrata ng gubyerno, kabilang ang mga kalsada, tulay, riles, at iba pang malalaking proyekto sa konstruksyon, pati na rin sa ismagling, kontrata sa depensa, kontrata sa pagpapa-upa ng lupa, at sangkatutak na paraan ng pagkulimbat sa salapi ng bayan.
Nagpapakasarap-buhay at nagtatampisaw sa karangyaan ang pinunong burukrata-kapitalistang si Marcos. Bantog ang hilig niya sa multimilyong pisong eksklusibong mga konsyerto at magarbong salu-salo tulad ng ginawa sa kaarawan niya kamakailan. Matindi siyang binatikos sa paglipad sa Singapore para lamang manood ng karera ng mga kotse. Ginamit niya at ng kanyang asawa ang pondo ng bayan para gawing personal na bakasyunan ang Malacañang, para sa kapritso ng kanilang pamilya.
Garapalang sinungaling si Marcos nang umastang kaisa ng bayan sa pagkasuklam sa korapsyon, at nang sabihing kung hindi siya presidente ay sasali rin siya sa mga protesta. Ang totoo, hawak ni Marcos ang mapaniil na kapangyarihan ng pasistang estado na ginagamit niya para busalan ang bayan at supilin ang lahat ng anyo ng paglaban ng mamamayan.
Buhay ang pamana ng 14-taong pasistang diktadura at pagsaid sa kaban ng bayan ng kanyang ama na si Marcos Sr. Ang mga organisador at kasapi ng mga unyon ng manggagawa, mga samahan sa komunidad, mga organisasyon ng estudyante, pati na rin ang mga tagapagtaguyod ng karapatang-tao ay minamanmanan, niligalig at target ng marahas na pag-atake ng mga ahente ng estado. Daang-daan pa ring bilanggong pulitikal ang nakakulong. Walang habas ang mga paglabag sa karapatang-tao at internasyunal na makataong batas sa pagpataw ni Marcos ng batas militar sa libu-libong barangay sa kanayunan upang supilin ang pagtatanggol ng mamamayan sa kanilang lupa at kabuhayan laban sa pagpasok o pagpapalawak ng mga plantasyon at operasyong mina.
Si Marcos, pinuno ng burukrata-kapitalistang estado, ang hari ng korapsyon. Siya ang pinunong pasistang may kamay na bakal para durugin ang lahat ng tumututol at lumalaban. Siya ang pinunong “Tuta ng Kano” at utusang nagsisilbi sa estratehikong mga interes ng imperyalistang US sa ekonomya, pinansya, at militar.
Biktima ang mga Pilipino ng malawak at nasa sistemang korapsyon at pasismo. Nagdurusa sila sa nabubulok na serbisyong panlipunan, pagtaas ng gastusin sa pamumuhay, mababang sahod, laganap na kawalan ng trabaho, kawalan ng kabuhayan, at pangkalahatang paglubha ng kalagayang sosyo-ekonomiko. Nagbabangon at nagpoprotesta sila upang isakdal si Marcos at panagutin ang mga tiwali.
Kailangang patatagin ng mga Pilipino ang kanilang pagkakaisa, itatag ang kanilang mga organisasyon, at palawakin at patindihin ang kanilang mga protesta sa darating na mga buwan. Dapat nilang ilantad at itakwil ang ilang pwersang sumasakay sa protestang anti-korapsyon na nagsasanggalang kay Marcos kapalit ng pakinabang at pusisyon. Nagsisilbi sila sa mga pakana ni Marcos na pakalmahin ang protesta. Subalit bigo sila dahil ang mga hungkag at walang saysay na pakitang-tao ni Marcos ay lalo lamang gumagatong sa kilusang protesta. Lumalakas ang sigaw para sa pagbibitiw o pagpapatalsik kay Marcos at lahat ng tiwali sa estado.
Habang pinalalawak, ang mga protesta laban kay Marcos at sa malawakang korapsyon ay dapat itaas at iugnay ng sambayanang Pilipino sa pangkalahatang pakikibaka para wakasan ang mapang-api at mapagsamantalang sistemang malakolonyal at malapyudal. Ang sistemang ito ay nasa ilalim ng maka-uring pamumuno ng malalaking burgesyang kumprador, mga burukratang kapitalista, at malalaking panginoong maylupa.
Ang mga uring ito sa Pilipinas ay iniluwal ng imperyalismong US at kumukontrol sa neokolonyal na estado. Lahat sila’y nananagot, sunud-sunuran at nakikipagsabwatan sa imperyalismong US sa pagdambong sa yaman ng bansa at sa pasistang panunupil sa malawak na masa ng sambayanan. Sa partikular, gamit ng mga burukratang kapitalista ang kapangyarihan ng estado para nakawin ang pera ng bayan at magpayaman sa lahat ng anyo ng korapsyon.
Sa huling pagtutuos, ang pakikibaka laban sa korapsyon at lahat ng anyo ng pang-aapi sa sambayanang Pilipino ay higit pa sa pagtatanggal kay Marcos o kahit sa pagpapatalsik sa buong pamahalaan. Mabubunot lamang ang ugat ng sistemikong korapsyon sa pamamagitan ng demokratikong rebolusyong bayan para wakasan ang tatlong salot na burukrata-kapitalismo, imperyalismo at pyudalismo. Isinusulong ito ng Partido Komunista ng Pilipinas na tangan ang Bagong Hukbong Bayan bilang pangunahing sandata para wasakin ang armadong lakas ng reaksyunaryo at neokolonyal na estado.
Hinihimok ng Partido ang mamamayang Pilipino na ibayong palakasin ang kanilang mga rebolusyonaryong organisasyon, palawakin ang hanay ng National Democratic Front, at suportahan ang, at sumapi sa, Bagong Hukbong Bayan.
Nananawagan ang Partido sa kabataan na magtungo sa malawak na kanayunan kung saan patuloy na nililinang ng rebolusyonaryong kilusan ang mga organo ng kapangyarihang pampulitika. Ipinupundar ito sa batayan ng mga rebolusyonaryong organisasyong masa ng magsasaka, kabataan, kababaihan at iba pang demokratikong sektor, katuwang ang hukbong bayan. Nagsisilbi itong binhi ng demokratikong gubyernong bayan na hahalili sa bulok at papet na gubyerno sa saglit na makamit ang rebolusyonaryong tagumpay sa armadong pakikibaka para sa pambansang kalayaan at katarungang panlipunan.