Mga protesta

,

 

Manindigan Network, itinatag. Nagsama-sama ang mga lider-relihiyoso, taong simbahan, mga grupo sa karapatang-tao at iba pa upang itatag ang Manindigan Network isang ugnayang lalaban sa mga paglabag sa karapatang-tao at internasyunal na makataong batas sa ilalim ng rehimeng Marcos, noong Setyembre 6 sa Shalom Center sa Maynila. Noong Setyembre 12, itinatag din ang Manindigan-Central Luzon, sa Saint Scholastica’s Academy sa San Fernando, Pampanga, ang kauna-unahang panrehiyong balangay nito.

Laban ng mga delivery rider sa Cebu. Sumugod ang mga Maxim delivery rider at myembro ng Piston Cebu sa LTO Central Visayas Office noong Setyembre 15 upang ipanawagan ang pag-release ng mga lisensya at motorsiklo nilang kinumpiska ng mga awtoridad. Kinundena nila ang panggigipit at di makatwirang aksyon ng ahensya sa mga rider ng Maxim.

Okupasyon ng mga Israeli sa Siargao, kinundena. Naglunsad ng protesta ang nasa 80 residente ng Siargao sa Sunset Bridge sa Catangnan noong Setyembre 14 upang kundenahin ang nagaganap na henosidyo sa Gaza, ang unti-unting pananakop ng mga Israeli sa kanilang isla at ang planong pagtatayo ng Chabad House dito. Naglunsad din ng petition signing laban sa pagtatayo ng Chabad House at kasalukuyang nakapagtipon na ng 3,550 na pirma.

Korapsyon sa budget para sa 2026, tinutulan. Nagprotesta noong Setyembre 10 sa harap ng Senado ang mga pambansang demokratikong organisasyon, upang kundenahin ang pagratsada ng budget ng Office of the President sa kongreso gamit ang tabing na “parliamentary courtesy”. Ayon sa mga grupo, batbat ng korapsyon ang budget para sa 2026. Tinaasan ang budget para sa modernisasyon ng AFP, confidential and intelligence funds at NTF-Elcac, habang binawasan ang budget para sa serbisyo sa kalusugan at halos walang pagtaas para sa budget sa edukasyon.

Mga protesta