Makatarungang presyo ng tabako, muling iginiit

,

Muling inilunsad ng mga magsasaka ng tabako sa mga prubinsya ng Ilocos ang kampanya para itaas tungong minimum na ₱128 kada kilo ang presyo ng bilihan ng tabako. Kasalukuyang nakapako sa humigit-kumulang ₱97 kada kilo ang bilihan ng tabako, na minsan ay sumasadsad sa ₱50, depende sa klasipikasyon at kalidad.

Kada dalawang taon, itinatakda ng “tripartite talks” o pag-uusap ng tatlong panig, sa pangangasiwa ng National Tobacco Administration (NTA), ang presyo ng bilihan ng tabako. Pinadadalo sa pulong ang mga trader ng tabako, nagmamanupaktura, at magsasaka. Karaniwang nananaig at pinakikinggan ng NTA ang boses ng mga komersyante at negosyante sa mga pulong na ito. Ayon sa mga magtatabako, litaw na litaw dito ang sabwatan ng NTA at mga kumpanya.

Noong Oktubre 2023, itinaas lamang nang karampot na ₱3.90-₱9.90 kada kilo ang presyo ng bilihan ng tabako para sa 2024-2025. Ipinagmalaki pa ng NTA na ang pagtaas sa presyo ang pinakamataas na sa nagdaang dalawang dekada. Huling tumaas ng ₱10 kada kilo ang presyo ng tabako noong 2008-2009.

Inilulunsad ngayong Setyembre ang panibagong serye ng konsultasyon o Pre-Tripartite Conference para sa itatakdang pagtaas ng presyo ng tabako para sa 2026-2027.

Hindi pinakikinggan, sinusupil

Sa Ilocos, hindi inimbitahan at tinanggihan ng NTA na lumahok ang mga magsasakang myembro ng Stop Exploitation-KMP para ipahayag ang kanilang panig sa ginanap na pulong sa Candon City noong Setyembre 11. Naglunsad ng piket at nangalampag ang Stop Exploitation sa pulong at nanindigan na mayroon silang karapatan na makibahagi sa pulong.

Sa paggigiit, natulak ang lokal na NTA na papasukin ang mga kinatawan ng grupo at pakinggan ang kanilang panawagan. “Walang industriya ng tabako kung wala ang mga magsasaka,” pahayag ni Julie Balangue, tagapagsalita ng grupo.

Hindi na nga pinakikinggan, tahasan pang nakaranas ng panunupil mula sa mga pwersa ng estado ang mga lider-magsasakang humarap sa pulong. Ilang araw matapos ang pulong, naiulat na pinuntahan ng mga pulis sa Barangay Maradodon, Cabugao ang bahay ni Teresita Taliboguen, lider ng Kalipunan dagiti Mannalon Ken Mangngalap iti Probinsya ti Ilocos Sur.

Hindi nakausap ng mga pulis si Taliboguen, ngunit anila, tiyak ang kanilang grupo na walang ibang pakay ang mga ito kundi takutin, at patigilin siya sa kanyang aktibong partisipasyon sa mga pagkilos para sa karapatan at kagalingan ng mga magsasaka sa Ilocos Sur.

Makatarungang presyo

Para hindi malugi, kinakailangan ng mga magtatabako na maibenta ang kanilang produkto sa mahigit ₱128 kada kilo, malayo sa minimum na presyong ₱81-₱97 sa kasalukuyan. Giit ng mga magsasakang sa tabako, makatarungan lamang na itaas ang presyo ng tabako dahil tumataas rin ang gastos sa produksyon at trabaho.

Ayon sa pag-aaral ng Stop Exploitation, grupo ng mga magsasaka sa Ilocos, naglalaan ng 232 araw ang mga magtatabako para sa kabuuang proseso ng pagtatanim hanggang pagbebenta ng tabako. Gumagastos sila ng hindi bababa sa ₱91,877 sa produksyon at nagbabayad ng karaniwang ₱13,500 para sa upa sa isang ektaryang lupa. Bukod pa rito ang gastos sa pagkain ng mga manggagawa at iba pang biglaang bayarin.

Tutugon din ang pagtaas ng presyo sa arawang pangangailangan ng isang lima-kataong pamilya ng mga magsasaka. Sa pag-aaral ng grupo, nangangailangan ang kada pamilya ng minimum na ₱739.75 kada araw para matustusan ang mga pangangailangan.

Ngayong taon, itinutulak ng mga magtatabako na itaas nang ₱16.96-₱69.98 ang presyo ng mga tabakong batek, native, Virginia at Burley. Hinihingi rin nilang tanggalin na ang hindi makatwirang sistema ng klasipikasyon na walang ibang layunin kundi baratin ang presyo. Panawagan rin nila ang mas maayos na mga kundisyon sa “contract growing” ng tabako.

Mayorya ng mga sakahan ng tabako ay matatagpuan sa Ilocos (66%), sunod sa Cagayan Valley (19%). Nakasalalay sa industriya ang 2.1 milyong Pilipino kabilang ang tinatayang 430,000 magsasaka, manggagawang-bukid at kanilang mga pamilya.

Makatarungang presyo ng tabako, muling iginiit