Balita

500 residente, nawalan ng tirahan sa demolisyon sa Pasay

, ,

Marahas na dinemolis ng mga tauhan ng kumpanyang Megaland Prime Estate Corporation ang tinaguriang Donald Compound o Meralco Town sa FB Harrison St sa Pasay City noong Agosto 1. Winasak ng demolition team ang 40 kabahayan kung saan nakatira ang 500 katao. Walang nakahandang relokasyon sa kanila kaya napilitan silang magtayo ng pansamantalang matitigilan sa kalsada sa kahabaan ng FB Harrison. Sa mga ulat, dalawang residente ang dinampot ng Pasay City Police at apat ang nasugatan sa demolisyon.

Ayon sa mga residente, walang ipinakitang kautusan mula sa korte ang demolition team. Katunayan, may nakatakda pang hearing sa pagitan ng mga residente at Megaland sa Agosto 8. Umaalma ang mga residente sa kara-karakang pagpapalayas sa kanila at sa alok ng kumpanya na ₱25,000 para boluntaryo nilang gibain ang kanilang mga bahay. Panawagan nila sa meyor ng Pasay ang in-city relocation dahil nasa syudad ang kanilang kabuhayan at paaralan ng kanilang mga anak. Hanggang ngayon ay walang tugon ang alkade ng syudad na si Imelda Calixto-Rubiano.

Halos 20 taon nang naninirahan sa lugar ang mga residente. Dating may-ari ng lupa si Donald Dee, ang presidente ng Employers Confederation of the Philippines. Ibinenta niya ang lupa sa Megaland sa halagang $89 milyon noong 2021. Sa taong ito, sinimulan ng kumpanya na palayasin ang mga nakatira sa lugar.

AB: 500 residente, nawalan ng tirahan sa demolisyon sa Pasay