Balita

Araw ng pagsuporta sa kilusang mapagpalaya sa Pilipinas, ilulunsad ng FFPS

,

Nanawagan ang Friends of the Filipino People in Struggle (FFPS) sa lahat ng mga kasapi at alyado nito na ilunsad ang isang pandaigdigang araw ng pagkilos sa darating na Agosto 26 para itampok ang pagkamakatarungan ng kilusang mapagpalaya at digmang bayan sa Pilipinas. Itataon nila ang pagkilos sa araw ng paggunita sa Sigaw ng Pugad Lawin, ang hudyat ng pagsisimula ng Rebolusyong Pilipino laban sa pananakop ng Spain sa bansa noong 1896.

Sa pahayag ng Coordinating Committee ng FFPS, nais nilang patampukin sa araw ng pagkilos ang pagsusulong ng kagyat at makatarungang pakikibaka ng inaapi at pinagsasamantalahang mamamayan, mula sa Pilipinas hanggang India, at hanggang Palestine.

“Sa paglulunsad ng gera ng imperyalistang mga kapangyarihan laban sa kanila, nasa mamamayan ang lahat ng karapatan na higit na determinadong makibaka para sa kalayaan, at ipagtanggol ang kanilang lupa at kabuhayan,” pahayag ng komite ng FFPS.

Anang grupo, ang pagpapakatuta ng rehimeng Marcos ng Pilipinas sa US at pagtataksil nito sa soberanya ng bansa ang dahilan ngayon kung bakit nakakaladkad ang mamamayang Pilipino sa pang-uupat ng gera ng US laban sa karibal nitong China. Kapalit ng limos na mga armas at pabor sa pulitika, sunud-sunuran ang rehimen sa mga hiling at atas ng militar ng US para sa karagdagang mga base at pasilidad sa Pilipinas, anang komite.

Sa harap nito, naniniwala ang FFPS na “ang rebolusyonaryong kilusan sa Pilipinas ang pangunahing hadlang sa todong imperyalistang gera sa rehiyong Asia-Pacific.” Dahil sa masigasig na matagalang digmang bayan ng Bagong Hukbong Bayan, sa pamumuno ng Partido Komunista ng Pilipinas, nagiging mabigat na hamon sa imperyalistang US ang pagpapataw ng hegemonya at paghahari sa bansa, ayon sa grupo.

Anito, “wasto lamang na tumindig tayo kasama ang inaapi at pinagsasamantalahang masa, at suportahan ang kanilang makatarungan at umiiral na pakikibaka para sa kalayaan.”

“Kung wala ang rebolusyon at armadong pakikibaka na inilulunsad nito, walang ngipin ang mamamayang Pilipino para ipagtanggol ang sarili laban sa pananalasa ng imperyalismo,” dagdag ng FFPS. Suportado ng grupo ang National Democratic Front of the Philippines.

Magsasagawa ang grupo at mga alyado nito ng pamamahagi ng polyeto, mga talakayan, malikhaing mga poster at iba pa ilang araw at linggo bago ang mismong araw ng pagkilos.

“Dapat nating ipabatid sa buong mundo na ang NDFP at ang masang Pilipino ay nakikibaka para palayain ang Pilipinas mula sa salot ng imperyalismong US, katutubong pyudalismo at burukratang kapitalismo,” pagdidiin ng FFPS. Ang panawagan ng FFPS ay nakasalin sa Spanish, French, German at Italian para abutin ang mas maraming bilang ng mga indibidwal at organisasyon.

Itinatag ang FFPS noong 2021 bilang suporta sa pambansa-demokratikong kilusan sa Pilipinas. Mayroon itong mga alyado at kasaping organisasyon sa North America, Europe, Asia at Oceania. Noong Hunyo 20, inilunsad nito ang ikalawang pangkalahatang asembliya sa Malaysia.

AB: Araw ng pagsuporta sa kilusang mapagpalaya sa Pilipinas, ilulunsad ng FFPS