Balita

Armadong pagtatanggol ng mga mandirigma ng Lebanon laban sa agresyon ng US-Israel, umarangkada

Sa tulak at suporta ng US, tuluyang sinalakay ng mga sundalong Zionistang Israel ang Lebanon noong Setyembre 30. Bago nito, mahigit isang linggong binobomba ng US-Israel ang Beirut at mga syudad at bayan sa katimugang bahagi ng bansa para itaboy ang mga residente sa lugar.

Nagresulta ang mga pambobomba sa pagkamatay ng higit 2,000 sibilyan at pagkasugat ng ilampung libo. Napilitang magbakwit ang mahigit 1 milyon, kung saan 400,000 ay mga bata. Tulad sa Gaza, sadyang tinupok ng US-Israel ang mga gusaling residensyal at mga imprastrukturang sibilya, kabilang ang mga ospital. Gumamit rin ang US-Israel ng ipinagbabawal na cluster bombs at white phosphorous sa brutal na pananalakay nito.

Sa harap nito, magiting na ipinagtatanggol ng mga mandirigma ng Hezbollah ang kanilang bansa at mamamayan. Mula Oktubre 1, ipinaarangkada nito ang pagdepensa sa kanilang kalupaan, habang pinaiigting ang mga atake sa mga kampo at pasilidad militar sa hilagang bahagi ng Israel. Hindi kinikilala ng Lebanon bilang lehitimong estado ang Israel, at itinuturing nito ang sinakop ng Zionistang estado na kalupaan bilang Okupadong Palestine. Hindi tulad ng mga Zionista, mga lehitimong target militar lamang ang pinatatamaan ng Hezbollah.

Tuluy-tuloy at walang awat ang pagpalipad ng Hezbollah ng mga rocket para sirain ang mga misayl at gawing inutil ang sistemang pandepensa ng Israel. Sa isang ulat ng militar nito, hindi bababa sa 17 operasyon ang inilunsad ng mga mandirigma noong Oktubre 15-17 lamang. Oras-oras, nagpapaulan ng mga rocket ang Hezbollah sa tukoy na mga pusisyon ng mga sundalong Zionista na tinawag nitong Israel Offense Forces (taliwas sa tawag nito sa sarili na Israel Defense Forces). Sa maraming pagkakataon, tumatama sa mga target ang mga misayl at nagdudulot ng pinsala sa mananakop na mga tropa.

Sa umaga ng Oktubre 16, matagumpay na naitaboy ng Hezbollah ang tropang Israeli na nagtangkang pumasok sa Rub Al-Thalatheen, isang bayang Lebanese na nasa hangganan nito sa Israel. Napasabog din ng mga mandirigma nito ang hindi bababa sa apat na tangkeng Merkava na umaligid sa Ramya, isa pang bayang Lebanese na nasa hangganan.

Isang araw bago nito, dalawang Hermes-450 drone na napabagsak matapos tamaan ng rocket ng Hezbollah habang nasa ere ng Gaza. Nagpaulan din ito ng mga misayl na umabot sa mga kampo militar na nakapaligid sa Tel Aviv, sentro ng Zionistang rehimen.

Noong Oktubre 13, naglunsad ang Hezbollah ng drone attack sa Binyamina, 40 kilometro mula sa hangganan ng Lebanon, para pasabugan ang Golani Brigade, isang elite na pormasyon ng mga sundalo ng Israel. Apat na sundalong Israeli ang napatay, at mahigit 60 ang nasugatan. Ang atake ay ganti sa pambobomba ng mga Zionista sa kabahayan ng mga sibilyan sa Aituo, isang Kristyanong komunidad na malapit sa Tripoli. Dalawampu’t isang sibilyan ang namatay sa pambobomba na ito ng Israel.

Panawagan ng Lebanon sa internasyunal na komunidad, kabilang ang United Nations, na pigilan ang Israel sa agresyon nito, at kundenahin ang dumaraming krimen sa digma nito sa Lebanon. Kasabay nito, panawagan nila ang pagpalaya sa Palestine at pagpapanagot ng Zionistang rehimen sa mga krimen nito sa Gaza.

AB: Armadong pagtatanggol ng mga mandirigma ng Lebanon laban sa agresyon ng US-Israel, umarangkada