Balita

Kasunduang tigil-putukan sa Lebanon, tuluy-tuloy na nilalabag ng Zionistang Israel

,

Mariing kinundena ng gubyerno ng Lebanon ang Zionistang estado ng Israel sa walang ampat na paglabag nito sa mga probisyon ng kasunduan sa tigil-putukan na napagkasunduan ng dalawang panig noong Nobyembre 24, 2024. Pinakahuli dito ang pagtanggi ng Israel na iatras ang mga pwersang militar nito sa bansa sa Enero 26, alinsunod sa napagkasunduan. Mawawalan ng bisa ang kasunduan sa umaga ng Enero 27.

Ang US at France ang nagsilbing tagapamagitan ng negosasyon para sa 60-araw na tigil-putukan matapos salakayin ng Israel ang Lebanon noong Setyembre 2024. Kabilang sa napagkasunduan ang pag-atras ng mga Zionistang pwersa sa timog na bahagi ng Lebanon, kapalit ng paghalili ng Lebanese Army sa mga pwersang Hezbollah na matapang na nagtanggol sa mga bayan malapit doon. Papasok rin ang mga pwersang peacekeeper ng UN sa mga lugar na aatrasan ng Israel.

Nagpahayag na ang Zionistang prime minister ng Israel na hindi nito gagalangin ang 60-araw na taning, at unilateral na nagdeklarang isasagawa niya ang pag-atras ng mga pwersa “lampas” sa kasunduan ng tigil-putukan.

“May pagbalam sa ilang yugto (ng tigil-putukan) dahil sa pagbabagal-bagal ng Israel, na nagkukumplika sa deployment ng mga tropa,” pahayag sa hepe ng Lebanese Army. Kailangang pasukin ng mga pwersang Lebanese ang maraming lugar na binomba ng Israel para linisin ang mga ito sa mga di sumabog na ordans at simulan ang rekonstruksyon ng mga winasak na bahay at gusali kasama ang mga sibilyang residente.

“Anumang pagpapaliban sa 60-araw na timeline ay lantarang paglabag sa kasunduan, atake sa soberanya, at simula ng bagong kabanata ng okupasyon” babala ng Hezbollah. “Kailangang harapin ito ng estado (ng Lebanon) gamit ang lahat ng anyo at paraan sa balangkas ng mga internasyunal na kumbensyon para bawiin ang lupa at agawin ito sa kamay ng mananalakay.”

Panawagan ng Hezbollah ang mabilis na pagbabalik ng puu-puong libong sibilyang napalayas sa kanilang mga bayan nang bombahin at salakayin ang mga ito ng mga pwersang Israeli.

Kung hindi iaatras ng Israel ang kanilang mga pwersa, mapipilitan ang mamamayang Lebaneses na “kumprontahin ang okupasyong Israeli sa pamamagitan ng lahat ng paraan…para palayasin ito mula sa aming kalupaan,” ayon sa isang mambabatas ng Hezbollah. Responsibilidad ng mamamayang Lebanese ang harapin ang bantang ito, aniya.

AB: Kasunduang tigil-putukan sa Lebanon, tuluy-tuloy na nilalabag ng Zionistang Israel